Home2021“Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos...

“Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kanya.” (1 Juan 4:16)

Ang Diyos ay pag-ibig: sa Kanyang sarili, sinasabuhay Niya ang kaganapan ng pakikipagkaisa bilang Banal na Santatlo at umaapaw ang pag-ibig na ito patungo sa Kanyang mga nilikha.

Ang mga katagang “Diyos ay pag-ibig” marahil ang pinakamaningning na kahulugan ng Diyos sa Banal na Kasulatan. Dalawang beses lamang ito nabanggit sa Bibliya at dito mismo sa talatang ito makikita, sa isang sulat o marahil isang pangaral na umaalingawngaw sa ikaapat na Ebanghelyo.

Sa katunayan, ang may-akda ay isang alagad na sumasaksi sa tradisyong espiritwal ni San Juan Apostol. Sumusulat siya sa isang pamayanang Kristiyano ng unang siglo na nahaharap noon sa isang matinding pagsubok, ang di-pagkakasunduan at pagkakahati-hati nila sa pananampalataya at pagsaksi nila dito.

Ang Diyos ay pag-ibig: sa Kanyang sarili, sinasabuhay Niya ang kaganapan ng pakikipagkaisa bilang Banal na Santatlo at umaapaw ang pag-ibig na ito patungo sa Kanyang mga nilikha. Sa mga tumatanggap sa Kanya, ipinagkakaloob Niya ang kapangyarihang maging Kanyang mga anak,[1] taglay ang Kanyang DNA (katangian), na may kakayahang magmahal. Ang pagmamahal Niya ay malayang ibinibigay at nagpapalaya sa atin sa lahat ng takot at hiya.[2]

Upang matupad ang pangako ng ganap na pakikipagkaisa – tayo sa Diyos at ang Diyos sa atin – mahalagang “manatili” sa masigasig, patuloy na kumikilos at malikhaing pag-ibig na ito. Kung kaya’t tinatawag ni Hesus ang Kanyang mga alagad na magmahalan, ibigay ang kanilang buhay at ibahagi ang kanilang pag-aari sa sinumang nangangailangan. Sa pamamagitan ng ganitong pagmamahalan, ang pamayanan ay nanatiling nagkakaisa, nagpapahayag at matapat.

“Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kanya.”

Isang malakas at malinaw na pahayag ito para rin sa atin. Sa panahong ito, kung minsan nabibigatan at natatabunan tayo ng mga di-inaasahang pangyayari na mahirap pigilan, tulad ng pandemya o mga trahedyang personal o pangkalahatan. Maaari tayong makaramdam ng takot at pagkalito at matuksong sarhan ang sarili, lumikha ng pader upang ipagtanggol ang sarili sa mga taong tila isang banta sa ating kaligtasan, sa halip na gumawa ng tulay upang makatagpo ang isa’t isa.

Maaari bang magpatuloy na maniwala sa pag-ibig ng Diyos sa ganitong mga sitwasyon? Maaari bang magpatuloy na magmahal?

Si Josiane na taga-Lebanon ay malayo sa kanyang bansa nang mabalitaan niya ang matinding pagsabog sa Beirut noong Agosto 2020. Ibinahagi niya sa mga katulad niyang nagsasabuhay ng Kataga ng Buhay: “Sa loob-loob ko, nakaramdam ako ng sakit, galit, dalamhati, lungkot at pagkalito. Patuloy ang aking pagtanong: “Hindi pa ba sapat ang pinagdaanan ng Lebanon?”

Naisip ko ang lugar kung saan ako pinanganak at lumaki na ngayo’y wasak nang lahat; ang mga kamag-anak at kaibigan kong nasawi, nasaktan o nawalan ng tirahan; ang mga kilala kong gusali, paaralan at ospital na nasira nang lahat.

Sinikap kong manatiling malapit sa nanay ko’t mga kapatid at sagutin ang mga “messages” galing sa napakaraming tao. Ninais ko silang alalayan sa pamamagitan ng aking pagkalinga, panalangin at pakikinig habang nilalahad nila ng kanilang pagdurusa.

Ninais kong maniwala – at AKO’Y NANINIWALA – na ang pakikipagtagpo kong ito sa mga nagdurusa ay panawagan na tumugon nang may pagmamahal na inilagay ng Diyos sa ating puso. Sa kabila ng mga pagtangis, natuklasan ko ang isang liwanag sa mga pagkilos ng mga kababayan ko. Ang mga kabataan ang kadalasang bumangon, tumingin sa kanilang paligid at naghatid ng tulong sa mga nangangailangan. Nabuhay sa puso ko ang pag-asa na mayroong mga kabataang handang sumabak sa pulitika dahil naniniwala sila na ang solusyon ay matatagpuan sa daan ng tunay na diyalogo, pagkakasundo at ang pagtuklas na tayo ay tunay na magkakapatid.”

“Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kanya.”

Si Chiara Lubich, ang nagtatag ng Kilusang Focolare, ay nagbigay sa atin ng mahalagang mungkahi na makatutulong sa pagsasabuhay natin ng katagang ito ng Mabuting Balita:

“Hindi na natin maihihiwalay ang krus sa kaluwalhatian, di na natin maihihiwalay si Kristong nakapako sa krus sa Panginoong Muling Nabuhay. Sila ang dalawang anyo ng nag-iisang misteryo ng Diyos na pag-ibig.[3] Matapos ialay ang ating pagdurusa sa Diyos, huwag na natin itong isipin pa, bagkus gawin ang lahat ng nais Niya sa atin saan man tayo naroroon. Sikapin nating mahalin ang iba, ang mga tao sa paligid natin. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng isang bungang kakaiba at hindi natin inaasahan: ang ating kaluluwa ay mapupuno ng kapayapaan, pag-ibig, wagas na kaligayahan at liwanag.

At dahil pinagyaman tayo ng ganitong karanasan, mas mabuti nating matutulungan ang ating mga kapatid na makahanap ng kaligayahan sa gitna ng pagluha, at mapapanatag ang loob ng mga taong nababagabag. Sa ganitong paraan, tayo’y magiging mga instrumento ng kaligayahan para sa maraming tao, ng yaong kaligayahang inaasam ng bawat puso.”[4]

Letizia Magri


[1] Cf. Juan 1:12, 1 Juan 3:1

[2] Cf. 1 Juan 4:18

[3] Cf. 1 Juan 4:10

[4] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Enero 1984

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read