HomeKATAGA NG BUHAY“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay...

“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8)

Nakikilala Natin ang Diyos Kung Tayo’y Nagmamahal

Mula sa halimbawa ni Hesus, nauunawaan natin na ang tunay na pag-ibig ay nangangailangan ng lakas ng loob, pagsisikap at pagharap sa kahirapan at pagdurusa. Ngunit ang mga nagmamahal sa ganitong paraan ay nakikibahagi sa buhay ng Diyos at nararanasan ang Kanyang kalayaan at ang kagalakan ng pagbibigay ng sarili sa iba.

“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8)

Ang unang liham ni San Juan ay sinulat para sa mga Kristiyanong naninirahan sa isang komunidad sa Asia Minor, at hinimok sila nito na ibalik ang magandang samahan dahil nahati sila ng iba’t ibang paniniwala. Pinayuhan sila ng may-akda na isaisip kung ano ang ipinahayag ‘mula pa sa simula’ ng Kristiyanong pangangaral at inuulit ang nakita, narinig at nahawakan ng mga unang alagad noong sila’y nabubuhay pa kasama ang Panginoon. Sa paggawa nito, nakikipag-isa ang komunidad sa mga unang alagad at, samakatuwid, kay Hesus at sa Ama.1

“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”

Ang may-akda ay nagbibigay ng isang paalala sa pinakabuod ng paghahayag na natanggap ng mga mananampalataya: binibigyang-diin niya na, kay Hesus, una tayong minahal ng Diyos at ganap na nabuhay bilang tao kasama ang lahat ng limitasyon at kahinaan nito.

Sa krus, nakibahagi si Hesus sa ating pagkahiwalay sa Ama, sa Kanyang pagdanas nito sa sarili Niyang pagkatao. Nagdala Siya ng kagalingan sa pamamagitan ng lubusang pagkakaloob ng Kanyang sarili, sa Kanyang pagmamahal na walang hanggan at walang pasubali. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang buhay ay nagpapakita sa atin kung ano ang tunay na pag-ibig.

Mula sa halimbawa ni Hesus, nauunawaan natin na ang tunay na pag-ibig ay nangangailangan ng lakas ng loob, pagsisikap at pagharap sa kahirapan at pagdurusa. Ngunit ang mga nagmamahal sa ganitong paraan ay nakikibahagi sa buhay ng Diyos at nararanasan ang Kanyang kalayaan at ang kagalakan ng pagbibigay ng sarili sa iba.

Sa pamamagitan ng pagmamahal gaya ng pagmamahal sa atin ni Hesus, nababatid natin na tayo’y nagiging malaya mula sa ating sarili at mula sa pagkamakasarili na nagsasara ng pinto sa pakikipag-isa sa ating mga kapatid at sa Diyos.

“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”

Ang puso ng tao ay palaging naghahangad, marahil nang hindi namamalayan, na makilala ang Diyos na lumikha sa atin at nakakakilala sa atin ng lubos.

Kung ang Diyos ay pag-ibig, sa pamamagitan ng pagmamahal natin tulad ng pagmamahal Niya, masusulyapan natin ang katotohanang ito. Maaari tayong lumago sa pagkakakilala sa Diyos dahil isinasabuhay natin ang Kanyang buhay at lumalakad tayo sa Kanyang liwanag.

At ito’y ganap na naisasakatuparan kapag ang pag-ibig ay tugunan. Sapagkat kung tayo’y nagmamahalan, ‘Ang Diyos ay nananatili sa atin.’ 2 Kapag nangyari ito, ito’y katulad ng dalawang poste ng kuryente na nagkakadikit at nagbibigay ng liwanag.

“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”

Sinabi ni Chiara Lubich: ‘Dakilang rebolusyon ang sumaksi na ang Diyos ay pag-ibig. Tinatawag tayo na ialay ito sa makabagong mundo na dumaranas ng matinding pagkabagabag tulad ng pagpapatotoo ng mga sinaunang Kristiyano sa paganong mundo ng kanilang panahon.’

Paano natin ito magagawa? Paano natin maisasabuhay ang pag-ibig na ito na nagmumula sa Diyos?

‘Sa pamamagitan ng pagkakatuto sa Kanyang Anak kung paano ito isabuhay… lalo’t higit, ituon natin ang ating pansin sa paglilingkod sa ating kapwa, lalo na sa mga pinakamalapit sa atin, simula sa maliliit na bagay, sa pinakamababang uri ng paglilingkod. Magsikap tayo, na sinusunod ang halimbawa ni Hesus, na nauunang magmahal, na nililimot ang sarili at tinatanggap ang lahat ng maliliit o malalaking krus na maaaring kaakibat nito. Sa ganitong paraan, malapit na rin nating maabot ang karanasang iyon sa Diyos, ang pakikipag-isa sa Kanya, ang kapuspusan ng liwanag, kapayapaan at kagalakan sa ating kalooban na nais ni Hesus para sa atin.’ 3

“Ang hindi nagmamahal ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”

Madalas bumisita si Santa sa isang bahay kung saan pinapangalagaan ang mga matatanda na pinamamahalaan ng isang samahang Katoliko. Isang araw, nakilala nila ng kanyang kasamahan na si Roberta si Aldo, isang matangkad at mayamang lalaking may pinag-aralan. Tinitigan ng masama ni Aldo ang dalawang kabataang babae at sinabi: ‘Bakit palagi kayong pumupunta rito? Ano ang gusto ninyo sa amin? Bakit hindi ninyo na lang kami hayaang mamatay nang payapa?’ Hindi nasiraan ng loob si Santa at sinabi sa kanya, ‘Nandito kami para sa iyo, para magsama-sama ng ilang sandali, magkakilala at maging magkaibigan.’ Nagpatuloy silang bisitahin ang tahanan ng mga matatanda. Ikinuwento ni Roberta, ‘Ang lalaking iyon ay nagsara na ng kanyang sarili at nanlulumo. Hindi siya naniniwala sa Diyos. Si Santa lang ang nakakalapit sa kanya, malumanay na nakikinig sa kanya kahit ilang oras. Nanalangin siya para sa kanya at, minsan, binigyan niya ang matandang lalaki ng rosaryo na tinanggap nito.’ Nang maglaon, nalaman ni Santa na binigkas ng matandang lalaki ang pangalan niya habang naghihingalo ito. Ang sakit ng kanyang kamatayan ay nabawasan ng pangyayaring siya’y namatay nang mapayapa, hawak ang rosaryo na ibinigay ni Santa sa kanya.’

Silvano Malini at ang pangkat ng Kataga ng Buhay

1 Cf. 1 Juan 1:1-3

2 Cf. 1 Juan 4:12

3 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Mayo 1991

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read