Kung magpapaningas ng mga apoy, kahit maliliit, sa iba’t ibang dako ng isang lungsod, kaagad magliliyab ang buong lugar hangga’t matupok ng apoy ang lahat ng dinadaanan nito.
Kung ang apoy na dinala ni Hesus sa lupa ay pagniningasin sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, kaagad magliliyab ang buong lungsod sa pag-ibig ng Diyos, hangga’t napapaglabanan ng mga apoy — sa pamamagitan ng kabutihang-loob ng mga naninirahan doon — ang nagpapalamig na impluwensiya ng mundo.
Ang apoy na dinala ni Hesus sa lupa ay ang Kanyang sarili. Ito ay pag-ibig, ang pagmamahal na hindi lamang nag-uugnay ng kaluluwa sa Diyos, subalit nag-uugnay rin ng mga kaluluwa sa isa’t isa. Ang isang apoy na higit sa natural ay nangangahulugang patuloy na tagumpay ng Diyos sa mga kaluluwa na ipinagkaloob na ang kanilang mga sarili sa Kanya. At yamang nagkakaisa sila sa Kanya, nagkakaisa rin sila sa isa’t isa. Ang dalawa o higit pang mga tao na nagkakaisa sa ngalan ni Kristo, na hindi natatakot o nahihiyang ipahayag nang lantaran ang kanilang pagnanais na ibigin ang Diyos, ay nagtataglay ng isang banal na kapangyarihan sa mundo, kung talagang gagawin nila ang pakikipagkaisang ito kay Kristo na kanilang sariling mithiin. Ang mga kaluluwang ito ay maaring sumibol sa bawat lungsod — sa mga pamilya (ama at ina, anak at ama, ina at biyenang babae), sa mga parokya, sa mga samahan, sa mga gawain sa mundo, sa mga paaralan, sa mga tanggapan, saan man.
Hindi kinakailangang mga santo na kaagad sila dahil kung gayon, sinabi na sana ito ni Hesus. Sapat na sa kanila ang magkaisa sa ngalan ni Kristo, upang palagiang mapanatili ang pagkakaisang ito.
Natural, hindi sila mananatiling dalawa o tatlo nang napakatagal, sapagkat ang pag-ibig ay kusang lumalaganap at lumalago nang napakabilis. Ang bawat munting bahagi na pinagniningas ng Diyos saan man sa lupa ay kinakailangang lumaki. Ikakalat ng kalinga ng Diyos ang mga ningas na ito, ang mga nag-aalab na kaluluwang ito, saan man sa tingin nito kailangan sila, upang ang daigdig, sa maraming dako, ay makabalik sa init ng pag-ibig ng Diyos at makatagpo ng bagong pag-asa.
Subalit may isang lihim na nagpapalaki sa bahaging nagniningas upang ito’y maging isang himaymay at magbigay-buhay sa mga bahagi ng Katawang Mistiko. Ang lihim ay ito: dapat ibigay ng mga bumubuo ng Katawang Mistiko ang kanilang mga sarili sa pakikipagsapalarang Kristiyano na ginagawang lundagan ang bawat sagabal. Hindi nila kailangan “pagtiisan” ang krus, subalit kailangan nilang hintayin ito at yakapin anuman ang anyo nito, tulad ng ginawa ng mga santo sa bawat sandali.
Sa tuwing darating ang krus, kailangan nating sabihin, “Ito ang ninanais ko, Panginoon. Batid ko na ako ay nasa Simbahang Nakikibaka kung saan kailangan lumaban. Batid ko na makaaasa ako sa Simbahang Matagumpay kung saan mamamasdan Kita magpakailanman. Mas ninanais ko ang pagdurusa kaysa ano pa mang bagay dito sa lupa sapagkat sinabi Mo sa akin sa pamamagitan ng Iyong buhay na ang tanging tunay na mahalaga ay naroon.
Kapag nagsabi na ang kaluluwa ng “Oo” sa Panginoon, dapat nitong isabuhay ang susunod na sandali nang may kaganapan, na hindi iniisip ang sarili, ang sarili nitong mga suliranin. Ngunit kailangan nitong isipin ang iba, ang kanilang mga kasiyahan na dapat maibahagi o ang kanilang mga dalahin na dapat pasanin kasama nila, o kaya kailangan nitong isipin ang pagsasakatuparan ng mga sarili nitong tungkulin na maitataas sa antas ng patuloy na panalangin, sapagkat ang mga ito ay kalooban ng Diyos. Ang pansin ng buong isipan, ang pagmamahal ng buong puso, at bawat katiting na lakas ay kailangang ituon sa mga tungkuling ito.
Ito ang munting lihim na nagbibigay sa atin ng kakayahan upang gawin ang lungsod ng Diyos, bato sa bato, sa loob-loob natin at sa piling natin. At habang tayo’y nasa lupa pa, linalagay tayo nito sa banal na kalooban na siyang Diyos — na nananatili magpakailanman.
Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”