HomeKATAGA NG BUHAY“Isang pusong busilak sa aki'y likhain, O Diyos, at panibaguhin isang matibay...

“Isang pusong busilak sa aki’y likhain, O Diyos, at panibaguhin isang matibay na loob.” (Awit 51:10)

Tanging Diyos lamang ang makagagawa sa atin na mga bagong nilalang... na pinupuspos Niya ng Kanyang espiritung nagbibigay-buhay, binibigyan ng tunay na ligaya, at ganap tayong binabago at ang lahat sa paligid natin.

Ang pangungusap na ito ng Banal na Kasulatan na inihandog sa atin ngayong panahon ng Kuwaresma ay bahagi ng Awit 51. Sa ikalabindalawang talata, makikita natin ang makabagbag-damdamin at mapagpakumbabang panalangin, ‘Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at bigyan mo ako ng isang masunuring espiritu na aalalay sa akin.’ Ang bahagi kung saan matatagpuan ang pangungusap ay kilala bilang ‘Miserere’ (Kaawaan sa wikang Latin) Dito, sinimulan ng may-akda ang pagtuklas sa kalaliman ng kaluluwa ng tao upang maunawaan ang mga munting pagkakaiba nito. Sa isang banda, mayroong kamalayan sa malaking kakulangan sa ating ugnayan sa Diyos ngunit, kasabay nito, mayroong hindi matawarang pagnanais para sa ganap na pakikipag-isa sa Kanyang pinagmumulan ng lahat ng biyaya at awa.

Isang pusong busilak sa aki’y likhain, O Diyos, at panibaguhin isang matibay na loob.

Sinundan nitong awit ang isang kilalang yugto sa buhay ni David. Siya’y tinawag ng Diyos upang pangalagaan ang bayan ng Israel, at akayin sila sa landas ng pagsunod sa tipan nila sa Diyos; gayunpaman, sinuway niya ang Diyos. Pagkatapos niyang mangalunya kay Bathsheba, tiniyak niya na ang kanyang asawa, si Urias na isang Heteo, isang opisyal ng kanyang hukbo, ay mapatay sa labanan. Isiniwalat sa kanya ni propeta Natan ang kabigatan ng kanyang pagkakasala at tinulungan siyang aminin iyon. Ito ang sandali kung kailan niya ipinagtapat ang kanyang kasalanan at muling nakipagkasundo sa Diyos.

Isang pusong busilak sa aki’y likhain, O Diyos, at panibaguhin isang matibay na loob.

Inilalarawan ng salmista ang hari sa pamamagitan ng mga taos-pusong panawagan na nagmumula sa kanyang matinding pagsisisi at lubos na pagtitiwala sa kapatawaran ng Diyos: ‘burahin,’ ‘hugasan mo ako,’ ‘linisin mo ako.’ Lalo na sa talatang ito, ginagamit niya ang pandiwang ‘lumikha’ upang ipahiwatig na ang ganap na kalayaan mula sa kahinaan ng tao ay posible lamang para sa Diyos. Ipinahahayag nito ang pagkaunawa na tanging ang Diyos lamang ang makagagawa sa atin na mga bagong nilalang na may ‘pusong busilak,’ na pinupuspos Niya ng Kanyang espiritung nagbibigay-buhay, binibigyan ng tunay na ligaya, at ganap na binabago ang ating ugnayan sa Kanya, sa ibang tao, sa kalikasan, at sa sansinukob sa pamamagitan ng isang ‘matibay na loob.’

Isang pusong busilak sa aki’y likhain, O Diyos, at panibaguhin isang matibay na loob.

Paano natin isasabuhay itong Kataga ng Buhay? Ang unang hakbang ay ang pagtanggap na tayo’y mga makasalanang nangangailangan ng pagpapatawad ng Diyos, at ang lubos na pagtitiwala sa Kanya.

Marahil ang paulit-ulit nating pagkakamali ay nagdudulot sa atin ng panghihina ng loob at nagbubunsod sa atin na magsara ng ating sarili. Kapag nangyari ito, dapat nating subukang manatilihing bukas ang ating puso, kahit kaunti. Noong unang bahagi ng 1940s, sumulat si Chiara Lubich sa isang babaeng nahihirapang malampasan ang kanyang mga kahinaan: ‘Kailangan mong alisin ang lahat ng iba pang iniisip mula sa iyong kaluluwa, at maniwala na si Hesus ay naaakit sa atin kapag buong pagmamahal at pagpapakumbaba tayong nagtitiwala sa Kanya at sinasabi sa Kanya ang ating mga kasalanan. Kaawa-awa ang anumang mayroon tayo at ginagawa natin; iisa lang ang maipapakita sa atin ng Diyos: ang Kanyang awa. Makikipag-isa lang ang ating mga kaluluwa sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aalay sa Kanya bilang isang kaloob, bilang tanging kaloob natin, hindi ang ating mga magagandang ugali, kundi ang ating mga kasalanan! … Kung si Hesus ay naparito sa lupa, kung Siya’y naging tao, kung nagnais Siya ng iisang bagay… ito ang maging Tagapagligtas, ang maging Manggagamot! Ito ang tanging bagay na nais Niya.’ 1

Isang pusong busilak sa aki’y likhain, O Diyos, at panibaguhin isang matibay na loob.

Pagkatapos, kapag napalaya at napatawad na at napag-isipan ang tulong na natatanggap natin sa iba, dahil nakahahanap ng lakas ang mga Kristiyano sa komunidad, simulan nating mahalin ang ating kapwa maging sino man sila. ‘Ang hinihiling sa atin ay pagmamahal para sa isa’t isa, paglilingkod, pang-unawa, at pakikibahagi sa mga paghihirap at kagalakan ng iba. Hinihiling sa atin ang isang pag-ibig na tinatakpan ang lahat at nagpapatawad sa lahat, at ito ay katangian ng Kristiyano.’ 2

Sa huli, sinasabi ni Papa Francisco, ‘Ang pagpapatawad ng Diyos… ang pinakadakilang tanda ng kanyang awa. Ito‘y isang kaloob sa bawat pinatawad na makasalanan na tinatawag na ibahagi ito sa bawat kapatid na kanyang nakakasalamuha. Lahat ng inilagay ng Panginoon sa tabi natin, pamilya, kaibigan, katrabaho, ka-parokya… lahat ay nangangailangan, tulad natin, ng awa ng Diyos. Maganda ang magpatawad, pero ikaw rin, kung gusto mong mapatawad, magpatawad ka rin. Magpatawad! … Maging saksi sa kanyang pagpapatawad, na nagpapadalisay sa puso at nagpapabago ng buhay.’ 3

Augusto Parody Reyes at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 C. Lubich, ‘Lettere 1943-60,’ Città Nuova 2022.

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, May 2002.

3 Papa Francisco, Pulong Pangmadla, Marso 30, 2016.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read