Kapag lumuluha ang isang tao, kailangang makiramay tayo sa kanya. Kung tumatawa ang taong ito, kailangan tayong makipagsaya sa kanya. Sa ganitong paraan ang krus ay nahahati at pinapasan ng maraming balikat, at ang kagalakan ay dumarami at nababahaginan ang maraming puso.
Ang pakikipag-isa sa ating kapwa ay isang paraan, ang pangunahing paraan, upang makipag-isa sa Diyos. Ito ang pangunahing paraan sapagkat pinag-iisa ng ganitong uri ng pag-ibig ang dalawang pangunahing kautusan.
Nakikipag-isa tayo sa ating kapwa alang-alang sa pag-ibig natin kay Hesus, sa pamamagitan ng pag-ibig ni Hesus, hanggang ang kapwa nating ito — na nabagbag ng pagmamahal ng Diyos na nasa sa atin — ay magnais na makipag-isa sa atin sa tumbasang pagpapalitan ng tulong, mithiin, plano, at damdamin. Nakikipag-isa tayo hanggang sa puntong pinapatibay natin ang mga mahahalagang bahagi ng isang ugnayan upang masabi sa atin ng Panginoon, “Saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa ngalan ko, naroon ako sa piling nila” (Mateo 18:20).
Nakikipag-isa tayo hanggang sa puntong tinitiyak natin ang presensya ni Hesus, hanggang sa makakaya natin, at hanggang sa puntong lagi nating tinatahak ang buhay tulad ng isang munting simbahan na naglalakbay, isang simbahan kahit tayo’y nasa tahanan, sa paaralan, sa tanggapan, sa kapulungan ng mga mambabatas. Tatahakin natin ang buhay tulad ng mga alagad patungong Emmaus kasama ang ikatlong Persona sa piling natin, na siyang nagbibigay ng maka-Diyos na halaga sa lahat ng ating mga ginagawa.
Kung gayon, hindi tayo ang kumikilos sa buhay, tayo na hamak at may hangganan, malungkot at naghihirap. Sinasamahan tayo ng Makapangyarihan. At sinumang nananatiling kaisa Niya ay namumunga ng sagana.
Mas maraming selula ang magmumula sa isang selula; mas maraming himaymay mula sa isang grupo ng mga selula.
Nakikipag-isa tayo sa ating kapwa sa gayong lubos na paglimot sa sarili. Ang taong iniiisip ang kapakanan ng iba, ang kanyang kapwa, ay nagtataglay ng ganitong uri ng paglimot sa sarili, habang hindi masyadong binibigyang-pansin at hinahanap ito.
Ito ang diplomasya ng pag-ibig. Marami itong mga kataga at aspeto na tulad sa pagkaraniwang diplomasya. Samakatuwid, hindi nito sinasabi ang lahat ng masasabi sapagkat hindi ito magiging kasiya-siya sa kapatid at hindi ito ikalulugod ng Diyos. Marunong itong maghintay, alam nito kung kailan dapat magsalita nang tuwiran, upang marating ang layunin nito.
Ito ang banal na diplomasya ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao upang tayo’y gawing tulad ng Diyos.
Gayunman, may pangunahing katangian ito na naiiba sa diplomasya ng mundo, kung saan ang salitang ito ay malimit na singkahulugan ng pagkawalang-imik o panlilinlang.
Ang diplomasya ng Diyos ay may ganitong dakila at kakaibang katangian na bukod-tanging maiuukol sa sarili. Ninanais nito ang kabutihan ng iba at dahil dito, wala ito ni anumang anino ng pagkamakasarili.
Kailangang magbigay-sigla sa bawat diplomasya itong tuntunin ng buhay. Sa tulong ng Diyos magagawa ito sapagkat hindi lamang Siya Panginoon ng bawat isa, Siya rin ang Hari ng mga bansa at ng bawat sambayanan.
Kung ang bawat sugo, sa kanyang mga sariling tungkulin, ay mahihimok sa bawat gawain nito ng pag-ibig sa ibang bayan tulad sa kanyang sariling bayan, ganoon na lamang siya maliliwanagan ng biyaya ng Diyos, na siya’y makatutulong sa pagtatatag ng mga ugnayan sa mga bansa na kailangang umiral sa ugnayan ng mga tao. Ang pag-ibig ay isang liwanag at isang gabay. Ang sinumang sugo ay nagtataglay ng lahat ng mga kinakailangang biyaya upang maging isang mabuting sugo.
Nawa’y magsumikap tayo upang, sa tulong ng Diyos, makita ng Panginoon ng Langit ang isang bagong panoorin — ang Kanyang huling habilin na naisakatuparan sa mga bansa.
Para sa atin, tila isang pangarap ito, subalit para sa Diyos ito ang pamantayan, ang siyang tanging tumitiyak ng kapayapaan sa mundo. Nangangahulugan itong pagsasakatuparan ng ganap na kakayahan ng bawat isa sa pagkakaisa ng sangkatauhan na ngayo’y kilala na si Kristo.
Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”