Home2021“Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa...

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kalooban ng aking Amang nasa langit” (Mateo 7:21).

Inaanyayahan Niya ang mga nakikinig na kilalanin ang pagiging malapit ng mapagmahal na Diyos, at itinuturo kung paano tayo dapat kumilos bilang tugon sa pagmamahal Niya

Ang mga katagang ito mula sa Mabuting Balita ayon kay Mateo ay nasa huling bahagi ng dakilang Pangangaral sa Bundok kung saan, matapos ipahayag ni Hesus ang “Mga Mapapalad,” inaanyayahan Niya ang mga nakikinig na kilalanin ang pagiging malapit ng mapagmahal na Diyos, at itinuturo kung paano tayo dapat kumilos bilang tugon sa pagmamahal Niya: ang matuklasan sa kalooban ng Ama ang daan upang makamit ang ganap na pakikipag-isa sa Kanya, sa Kanyang kaharian.

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kalooban ng aking Amang nasa langit.”

Subalit, ano ang kalooban ng Diyos? Paano natin ito malalaman?

Ibinahagi ni Chiara Lubich ang kanyang natuklasan sa ganitong paraan: “… ang kalooban ng Diyos ay ang tinig ng Diyos na patuloy na nangungusap sa atin, nag-aanyaya sa atin. Ito ay isang sinulid, isang ginintuang hibla ng Diyos na naghahabi sa kabuuan ng ating buhay sa mundo at sa kabilang buhay. Ito ang pamamaraan ng Diyos upang ipahayag ang Kanyang pagmamahal, isang pagmamahal na humihingi ng tugon upang maisakatuparan Niya ang mga kahanga-hangang bagay sa ating buhay. Ang kalooban ng Diyos ay kung ano ang nararapat nating buhay, ang tunay nating pagkatao, ang ating kaganapan … Lagi nating ulitin, “mangyari nawa” sa harap ng bawat masakit, masaya o winawalang bahalang kalooban ng Diyos… Matutuklasan natin na ang dalawang simpleng katagang ito ay magiging malakas na puwersa, tulad ng isang pambuwelo, upang gawin ang nararapat gawin nang may pagmamahal, kaganapan at lubos na pagtatalaga ng sarili… Sa bawat sandali, bubuuin natin ang kahanga-hanga, natatangi at di-mauulit na mosaic ng ating buhay na naisip na ng Panginoon para sa bawat isa sa atin. Katulad ng mumunti’t makukulay na bulaklak na nagkakaroon ng halaga kung titingnan mula sa walang-hangganang kagandahan ng kalikasan, gayundin, ang pinakamaliit na bagay, tulad ng isang gawa ng pagmamahal, ay nagkakaroon ng halaga at lumiliwanag sa kagandahan at kalawakan ng Diyos.”[1]

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kalooban ng aking Amang nasa langit.”

Ayon sa Mabuting Balita ayon kay Mateo, ang namumukod tangi sa lahat ng batas ng Kristiyanismo ay ang habag, na siyang katuparan ng bawat gawain ng pagsamba at pagmamahal sa Panginoon.

Ang katagang ito ay nakatutulong sa ating personal at malapit na ugnayan sa Diyos na maging bukas sa kapatiran sa pamamagitan ng mga kongkretong paggawa. Hinihikayat tayo nito na “lumabas” sa ating sarili at maghatid ng pakikipagkasunduan at pag-asa sa iba.

Isang grupo ng kabataan mula sa Heidelberg, Germany, ang nagbigay-patotoo: Paano namin maipararanas sa aming mga kaibigan na ang susi sa kaligayahan ay nakasalalay sa pagbibigay ng sarili sa iba? Dito namin sinimulan ang aming gawain na tinawag naming “Isang Oras ng Kaligayahan.” Simpleng ideya ito: pasayahin ang isang tao, kahit isang oras sa isang buwan. Nagsimula kami sa mga taong sa tingin namin ay higit na nangangailangan ng pagmamahal. At kahit saan namin gawin ito, maluwag ang pagtanggap sa amin! Kung kaya’t, sa di inaasahang pagkakataon, naroon kami sa liwasan, nagtutulak ng wheelchair para sa mga matatanda, o sa ospital, nakikipaglaro sa mga bata, o sumasali sa sports ng mga may kapansanan. Tuwang-tuwa sila, subalit tulad ng ipinangako ng gawaing ito: mas lalo pa ang kaligayahan namin! At ang mga kaibigan naming inanyayahang sumali? Sa una, naintriga sila, subalit ngayong nasubukan na nilang magpasaya ng ibang tao, sang-ayon na sila sa amin: ang kaligayahan ay maaaring ibigay, at higit pa rito, maaari itong madama.

Letizia Magri


[1] Chiara Lubich, Conference call, 27 Pebrero 1992

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read