Home2020September“Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig at...

“Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo.”(Lk 6:38)

“Bumaba si Hesus, kasama sila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa Kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon.” [i]  Ito ang sinulat ni San Lukas Ebanghelista sa panimula ng mahabang pahayag ni Hesus tungkol sa mga tinatawag na Mapalad, sa mga hinihingi ng Kaharian ng Diyos at mga pangako ng Ama sa Kanyang mga anak.

Malayang inihayag ni Hesus ang Kanyang mensahe sa lahat, babae at lalaki, mula sa iba’t ibang lahi at kultura, na naparoon upang makinig sa Kanya. Ang mensahe Niya ay para sa lahat at laan para sa lahat. Sinuman ay maaaring tumanggap at umunawa sa Kanyang mga Salita at sa pamamagitan nito ay marating ang kaganapan bilang mga nilalang na kawangis ng Diyos na Pag-ibig. 

“Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos:  hustong takal, siksik, liglig at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo.”  

Ipinahayag ni Hesus ang bagong elemento ng Ebanghelyo: natatangi at “nag-uumapaw” ang pagmamahal ng Ama sa bawat tao at binigyan sila ng kakayanang buksan ang puso sa kapwa nang may lubos na kagandahang-loob. Ang mga Salita ni Hesus ay mapanghamon at may bahid ng pagmamadali – magbigay kung ano mayroon tayo, pati rin materyal na bagay.Nagsasaad din ito ng pagtanggap, habag, pagpapatawad, kabutihang-loob na sumasalamin sa mga katangian ng Diyos.

         Mauunawaan natin ang sukat ng pagmamahal ng Diyos sa larawan ng nag-uumapaw na gantimpalang ibinubuhos sa ating kandungan. Ito ay walang hangganan at tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa paraang higit sa ating inaasahan. Ang lawak ng Kanyang pagmamahal ang nagpapalaya sa atin mula sa mga bagabag na dulot ng ating maliit na sukat at inaasahan, gayundin sa kabiguang hindi makatanggap sa iba ayon sa ating sariling panukat.

“Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos:  hustong takal, siksik, liglig at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo.”

Sa paanyayang ito ni Hesus, sinulat ni Chiara Lubich, “Nakatanggap ka na ba ng regalo mula sa isang kaibigan at naramdaman mo na kailangan mo itong tumbasan? […] Kung nangyayari ito sa iyo, mauunawaan mong ganito rin ang nararamdaman ng Diyos na Pag-ibig. Lagi Niyang sinusuklian ang bawat regalo na ibinibigay natin sa ating kapwa sa ngalan Niya […] Ginagawa ito ng Diyos hindi upang payamanin tayo. Ginagawa Niya ito […] upang mas marami tayong maibigay, at bilang mga tunay na tagapangasiwa ng mga biyaya ng Diyos ay maipamamahagi natin ang lahat ng ito sa pamayanan sa paligid natin […]Tunay na inisip muna ni Hesus ang  gantimpalang ating matatamo sa Paraiso, at ang mga nangyayari dito sa mundo ay mga patikim at kasiguraduhan na ito ay ating makakamit.” [ii]

“Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos:  hustong takal, siksik, liglig at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo.” 

Ano kaya ang mangyayari kung mangangako tayong magmahal sa ganitong paraan? Ito ay magiging pundasyon ng isang panlipunang pagkilos. 

Ito ang karanasan ni Jesùs na taga-Espanya: “Kami ng aking asawa ay may isang kumpanyang nagtuturo kung paano pamahalaan ang isang negosyo. Nakilala namin at naakit kami sa prinsipyo ng Ekonomiya ng Pagbabahaginan[iii]. Natutunan naming gamitin ito sa aming pakikitungo sa kapwa:  sa mga empleyado, mga suki, mga kakumpitensya sa negosyo, mga supplier, sa pagpapasweldo, paghahanap ng ibang paraan kung kailangang umalis ang empleyado, respeto sa presyo ng bilihin,tamang pagbabayad, pangmatagalang kontrata, mga kurso at bahaginan ng mga karanasan, maayos na pagpayo at pati na ang kalimutan ang kikitain sa negosyo. Ang tiwala na aming nakamit sa mga naka-ugnay sa negosyo ang nakatulong sa aming lampasan ang krisis noong 2008.

Di naglaon, sa tulong ng isang NGO “Levantate y Anda” (Tumayo ka at Maglakad), nakilala namin ang isang gurong Espanyol na naninirahan sa Ivory Coast. Nais niyang pagandahin ang pamumuhay sa kanilang nayon sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang klinika para sa mga buntis na ina. Pinag-aralan namin ang proyekto at nag-alok ng kinakailangang pondo. Hindi siya makapaniwala na handa kaming gawin ito. Ipinaliwanag namin na nais naming ibahagi ang kita ng aming kumpanya. Ngayon, ang klinika na itinayo ng mga Muslim at Kristiyano na pinangalanang “Kapatiran” ay simbolo ng sama-samang pamumuhay ng dalawang grupong ito.

Nitong mga nakaraang taon, ang aming kinita ay tumaas  ng sampung beses.  Ngayon, kasama ng iba pang kumpanyang gumagamit ng prinsipyo ng Ekonomiya ng Bahaginan, nagtayo kami ng “Pandaigdigang Negosyo ng Bahaginan”. At kasama ng mga negosyante ng Congo, namuhunan kami sa isang bagong kumpanya na magdadala ng pagkain mula Kinshasa papunta sa  mga liblib na kanayunan.”

Letizia Magri


[i] Cf. Lk. 6:17-18

[ii] C. Lubich.  Word of Life, June 1978

[iii] https://www.edc-online.org

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read