HomeKATAGA NG BUHAY“Bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, nagpaalipin ako sa lahat,...

“Bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat.” (1 Corinto 9:19)

Kapag ang kaalaman at pag-ibig ang nakataya, walang duda: dapat piliin ng alagad ang pag-ibig hanggang sa puntong talikuran niya ang sariling kalayaan, tulad ng ginawa ni Kristo, na malayang nagpaalipin dahil sa pag-ibig.

“Bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat.” (1 Corinto 9:19)

Ang Kataga ng Buhay sa buwang ito ay mula sa unang sulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto. Siya’y nasa Efeso at, sa pamamagitan ng mga salitang ito, sinikap niyang magbigay ng sunud-sunod na mga sagot sa mga problemang lumabas sa pamayanang Griyego sa Corinto, isang lungsod na malaking sentro ng komersyo kung saan nakatira ang mga taong mula sa iba’t ibang bansa, na kilalá dahil sa templo ni Aphrodite gayundin sa korapsyon at katiwalian nito.

Ilang taon bago nito, tinalikuran ng mga nakatanggap ng sulat ang paganismo upang tanggapin ang pananampalatayang Kristiyano, salamat sa pangangaral ng apostol. Isa sa mga kontrobersiya na naghati sa komunidad ay nakasentro sa usaping ito: maaari ba silang makakain ng karne na inihain sa mga diyus-diyosan ayon sa mga paganong ritwal?

Upang bigyang-diin ang kalayaan natin kay Kristo, inilahad ni Pablo ang isang malawak na pagsusuri kung paano kumilos kapag nahaharap sa ilang mga pagdedesisyon at, tinatalakay niya lalo na ang konsepto ng kalayaan.

“Bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat.”

Dahil alam ng mga Kristiyano na “hindi tunay ang mga diyus-diyosan sa mundo,” at “iisa lamang ang Diyos” (1 Cor 8:4), kumain man sila o hindi ng karne na inihain sa mga diyus-diyosan, hindi na ito mahalaga. Ngunit ang problema ay kapag ang mga Kristiyano’y nasa presensya ng mga hindi pa nagtataglay ng ganitong kamalayan, ng naturang kaalaman sa pananampalataya, at samakatuwid, maaaring maiskandalo nito ang may mahinang konsensya.

Kapag ang kaalaman at pag-ibig ang nakataya, para kay Pablo, walang duda: dapat piliin ng alagad ang pag-ibig hanggang sa puntong talikuran niya ang sariling kalayaan, tulad ng ginawa ni Kristo, na malayang nagpaalipin dahil sa pag-ibig.

Mahalagang maging mapagbigay-pansin sa mga kapatid nating ‘mahina’ pa ang pananampalataya, na may mas mahinang konsensya at kulang sa pang-unawa. Ang layunin ay upang ‘makahikayat,’ sa diwa ng pagpapalaganap ng magandang buhay ng Mabuting Balita sa pinakamaraming tao.

“Bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat.”

Gaya ng isinulat ni Chiara Lubich: “Kung tayo’y iisang katawan kay Kristo, kung tayo’y kaisa Niya, ang hindi pagkakasundo at ang magkasalungat na pag-iisip ay naghahati kay Kristo. … Kung … sa mga unang Kristiyano, nagkaroon ng panganib na masira ang pagkakasunduan, pinayuhan silang limutin ang kanilang sariling ideya upang mapanatili ang pagmamahalan. … Kaya ganoon din ngayon: kahit kumbinsido tayo na ang isang paraan ng pag-iisip ang pinakamahusay, iminumungkahi sa atin ng Panginoon, kung minsan, na upang mapanatili ang pag-ibig sa lahat, mas mabuting isantabi ang ating ideya’t opinyon. Ang maging hindi gaanong perpekto ngunit kasundo ang iba ay mas mabuti kaysa maging mas perpekto ngunit hindi nagkakasundo.

“Bagaman maaaring masakit ang makibagay sa iba sa halip na sirain [ang ating ugnayan sa iba], ito’y isang epektibong katangian at lubos na pinagpapala ng Diyos. Tinitiyak nito ang pagkakaisa ayon sa pinakatunay na kaisipan ni Kristo, at pinahahalagahan ito.”1

“Bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat.”

Ang karanasan ni Cardinal Franҫois-Xavier Nguyễn Văn Thuận ng Vietnam, na labintatlong taong nanatili sa bilangguan at siyam nito na nakakulong na nag-iisa, ay nagpapatotoo sa katotohanang kapag ang pag-ibig ay totoo at walang interes, ito’y nagbubunga ng pagmamahal. Noong siya’y nakakulong, limang guwardiya ang itinalagang bantayan siya, ngunit nagpasya ang mga opisyal na palitan ang grupong ito kada dalawang linggo dahil ‘nahahawa’ ng obispo ang mga guwardiya. Sa huli, nagpasya silang huwag nang palitan ang grupong kasama niya; kung hindi, ‘mahahawa’ niya ang lahat ng mga guwardiya sa kulungan. Ikinuwento niya: “Noong una, hindi ako kinakausap ng mga guwardiya. Sumasagot lang sila ng Oo at Hindi. … Isang gabi, naisip ko: ‘Francis, napakayaman mo pa rin, nasa puso mo ang pag-ibig ni Hesus; mahalin mo sila gaya ng pag-ibig ni Hesus sa iyo.’ Kinabukasan, sinimulan ko silang mahalin nang higit sa dati. Sinubukan kong mahalin si Hesus sa kanila na nakangiti at taos-pusong nakikipag-usap sa kanila. … Unti-unti kaming naging magkaibigan.”2 Habang siya’y nasa bilangguan, tinulungan siya ng kanyang mga bantay na gumawa ng isang pectoral cross mula sa maliliit na piraso ng kahoy at isang kadena na bakal. Ipinagpatuloy niyang isuot ito hanggang sa kanyang kamatayan bilang simbolo ng kanilang pagkakaibigan.

Letizia Magri


1 C. Lubich, “L’Arte di Amare,” Città Nuova, Rome 2005, pp. 120-121.

2 F.X. Nguyễn Văn Thuận, “Witnesses of Hope,” Città Nuova, Rome 2000, pp. 98. Isinilang noong 1928 sa isang Katolikong pamilya, siya’y namatay sa Roma noong 2002. Noong Agosto 15, 1975, matapos mahirang na Coadjutor Archbishop ng Saigon ni Papa Pablo VI, siya’y inaresto ng mga awtoridad ng Vietnam. Doon nagsimula ang isang napakahirap na 13-taong karanasan – pagkakulong na nag-iisa, mga kampong bilangguan at lahat ng uri ng pagpapahirap – kung saan ang Cardinal, sa kabila ng lahat, ay patuloy na napuno ng pag-asa.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read