HomeKATAGA NG BUHAY“Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kahinaan ng loob,...

“Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.” (2 Timoteo 1:7)

Ang mga kaloob ng Espiritu Santo ang tibay ng loob, pag-ibig at karununganang gumagarantiya sa kapangyarihan ng pagsaksi. Kapag ang pag-ibig ay nasa pagitan ng tapang at pag-iingat, pinapadali nito ang pag-unawa; at kasama ng pag-iingat, nakikita ang ating pagiging maalam at handa sa harap ng anumang sitwasyon.

Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.” (2 Timoteo 1:7)

Ang liham kung saan kinuha ang Kataga ng Buhay na ito ay itinuturing na espirituwal na habilin ni San Pablo. Nakabilanggo sa Roma at naghihintay na masentensiyahan, sumulat ang apostol kay Timoteo, isang batang alagad at katuwang niya na namumuno sa kumplikadong komunidad ng Efeso.

Naglalaman ang sulat ng mga rekomendasyon at payo para kay Timoteo, ngunit naangkop rin sa bawat miyembro ng Kristiyanong komunidad sa sinaunang panahon gayundin sa kasalukuyan. Nakatanikala at nakakulong si Pablo dahil sa pangangaral niya ng Mabuting Balita at nais niyang hikayatin ang alagad na harapin ang mga pagsubok upang maging maaasahang gabay para sa komunidad, kahit na natatakot ito sa pag-uusig at nag-aalangan tungkol sa mga paghihirap na kaakibat ng kanyang paglilingkod sa Simbahan. Kahit na hindi madali para kina Pablo at Timoteo na magdusa dahil sa Mabuting Balita, posible ang pagsaksing ito dahil batay ito sa kapangyarihan ng Diyos.

Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.”

Nais ni Pablo na sumaksi sa Mabuting Balita. Malinaw na hindi mga talento, kakayahan o personal na limitasyon ang gumagarantiya o pumipigil sa ministeryo ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos, bagkus ang mga kaloob ng Espiritu Santo – ang tibay ng loob, pag-ibig at karunungan – ang gumagarantiya sa kapangyarihan ng pagsaksi. Kapag ang pag-ibig ay nasa pagitan ng tapang at pag-iingat, pinapadali nito ang pag-unawa; at kasama ng pag-iingat, nakikita ang ating pagiging maalam at handa sa harap ng anumang sitwasyon. Tulad ng mga alagad sa lahat ng panahon, maaaring ipahayag ni Timoteo ang Mabuting Balita nang may tapang, pag-ibig at pag-iingat, hanggang sa puntong magdusa alang-alang sa Mabuting Balita.

Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.”

Maaaring naranasan din nating panghinaan ng loob sa pagsasabuhay at pagsaksi sa salita ng Diyos, at maaaring nag-alinlangan tayo kung paano harapin ang ilang mga sitwasyon.

Tinutulungan tayo ni Chiara Lubich na maunawaan kung saan kukuha ng lakas sa mga sandaling ito: “Dapat tayong manawagan sa presensya ni Jesus sa atin. Ang kinakailangang saloobin ay ang hindi magpatinag sa harap ng mga mahirap na sitwasyon, na sumusuko kaagad nang walang ginagawang hakbang, sa halip, lumabas sa ating sarili at gawin ang anumang hinihingi ng kalooban ng Diyos: hinaharap ang hamon ng pagtupad sa mga tungkulin kung saan tayo tinatawag ng ating bokasyon, at umaasa sa biyaya ni Hesus sa atin. Kaya’t mahalagang tumingin at kumilos sa labas natin. Si Hesus mismo ang magpapaunlad sa ating mga kabutihan o birtud na kailangan natin upang sumaksi sa Kanya sa gawaing ipinagkatiwala sa atin.”1

Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.”

Ang tibay ng loob, pag-ibig at pag-iingat ang tatlong kabutihan o birtud ng Espiritu Santo na nakukuha sa pamamagitan ng panalangin at pagsasabuhay ng pananampalataya.

Si Padre Justin Nari, na taga-Central African Republic, ang kanyang mga kasama at mga isang libong Muslim ang sumilong sa isang simbahan habang tumatakas sa mga ganting-pinsala ng digmaan. Nakatanggap sila ng mga banta ng kamatayan at ilang beses hiniling ng mga pinuno ng militia na sumasalakay sa kanila na sumuko siya.

Gayunpaman, sinikap niya laging makikipag-usap sa kanila upang maiwasan ang isang malawakang patayan. Isang araw, nagpakita sila na may dalang apatnapung litro ng gasolina at nagbanta na susunugin nilang buhay ang lahat kung hindi niya ilalabas ang mga Muslim. “Nagdiwang ako ng huling Misa – sabi ni Padre Justin – at doon ko naalala si Chiara Lubich. ‘Ano kaya ang gagawin niya sa lugar ko? Mananatili siya at iaalay ang kanyang buhay. At iyon ang aming napagpasyang gawin.’ Pagkatapos ng Misa, isang hindi inaasahang tawag sa telepono ang dumating: ang hukbo ng African Union ay dumadaan noon sa rehiyon, sa isang karatig lungsod. Tumakbo si Padre Justin upang salubungin sila at magkasama silang bumalik sa parokya: labintatlong minuto na lang bago matapos ang ultimatum ng militia, labintatlong minuto na nagligtas sa buhay ng lahat nang walang pagdanak ng dugo.”2

Letizia Magri


1 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 1986

2 Unità è il nome della pace: La strategia di Chiara Lubich, pinamatnugutan ni Maddalena Maltese, Città Nuova, Roma 2020, pp. 29-30.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read