Home2020October-November“Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.” (Lucas 14:11)

“Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.” (Lucas 14:11)

Malimit banggitin sa Mabuting Balita na malugod na pinauunlakan ni Hesus ang mga paanyaya sa kanya na dumalo sa isang handaan. Ito ay mga pagkakataon ng pakikisalamuha, pakikipagkaibigan, at pagpapatibay ng mga ugnayan.

Sa talatang ito mula sa Mabuting Balita ayon kay Lucas, pinagmamasdan ni Hesus ang kinikilos ng mga panauhin. Nag-uunahan silang makaupo sa mga tampok na lugar na nakalaan para sa mga may katungkulan. Halatang-halata ang masidhing paghahangad na makilala ang katayuan nila sa lipunan.

Subalit iniisip Niya ang isa pang handaan na nakalaan sa lahat ng mga anak sa bahay ng Ama. Ito ay para sa mga taong walang “nakamtang karapatan” batay sa sinsabing kataasan nila.

Sa katunayan, ang mga tampok na lugar ay ilalaan para sa mga pumili ng huling lugar, dahil sa kanilang paglilingkod sa kapwa. Kaya’t ipinahayag Niya:

“Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Kapag inilalagay natin ang sarili sa sentro para mapansin ng mga tao, kasama ang ating kasakiman, pagmamataas, pagrereklamo at paghiling ng maraming bagay, nahuhulog tayo sa tukso na sumamba sa mga diyus-diyosan na hindi karapat-dapat bigyan ng parangal at tiwala.

Ang unang bagay na hinihingi sa atin ni Hesus ay ang bumaba sa luklukan ng ating kapalaluan at pag-ukulan ng pansin ang Diyos – at  hindi ang ating mga sarili. Sa Diyos ang lugar ng karangalan!

Mahalagang bigyan siya ng lugar, palalimin ang ugnayan sa kanya at matutunan ang ugaling ayon sa Mabuting Balita – ilagay ang sarili sa kahuli-hulihan. Sa katunayan, ang pagpili sa kahuli-hulihan ay pagpili sa lugar na pinili ng Diyos, kay Hesus. Bagamat Siya’y Panginoon, pinili Niyang makibahagi sa ating pagkatao at ihayag ang pagmamahal ng Ama sa lahat.

“Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Mula dito, matututunan natin kung paano bumuo ng kapatiran, ng isang pamayanan ng mga lalaki’t babae, bata’t matanda, malusog at maysakit, na may kakayahang gumawa ng tulay at maglingkod para sa kapakanan ng lahat.

Tulad ni Hesus, walang takot nating lapitan ang bawat kapwa. Sama-sama tayong maglakad sa panahon ng kahirapan o kasiyahan. Pahalagahan natin ang mga katangian ng bawat isa at magbahaginan ng materyal at espirituwal na bagay. Palakasin natin ang loob ng isa’t isa at magbigay ng pag-asa at magpatawad. Makakamit natin ang pagkapangunahin ng pag-ibig at kalayaan bilang mga anak ng Diyos.

Sa ating mundong labis na maysakit dahil sa paghangad sa pansariling tagumpay, isang paghahangad na nagdala sa pagkasira ng lipunan, ang ganitong pagkilos ay tunay na pagsalungat sa agos. Ito ay isang rebolusyong ayon sa Mabuting Balita.

Ito ang batas ng isang Kristyanong pamayanan, tulad ng sinulat ni apostol Pablo, “bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa sa inyo.”[1]

“Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Sinulat ni Chiara Lubich: “Napansin ba ninyo? Sa mundo, ibang-iba ang pagkakaayos ng lahat. Umiiral ang batas ng pagkamakasarili… At alam natin ang masaklap na bunga nito… kawalan ng katarungan at iba’t ibang paglabag sa batas. Subalit hindi dito nakatuon ang pansin ni Hesus; bagkus iniisip Niya ang pinagmumulan nito: ang puso ng tao. (…) Kailangan papanibaguhin ang ating puso upang magkaroon ng bagong pag-uugali at magpatibay ng mga wagas at matuwid na ugnayan. Ang pagpapakumbaba ay hindi lamang pagsasaisantabi ng ambisyon; ito rin ay pagkakaroon ng kamalayan sa ating sariling kawalan, na batid kung gaano tayo kaliit sa harap ng Diyos at inihahabilin ang sarili sa kanyang mga kamay, tulad ng mga bata. (…)

Paano tayo magpapakumbaba? Tularan si Hesus sa pagkilos nang may pagmamahal sa ating kapwa. Itinuturing ng Diyos na ginawa sa Kanya ang anumang ginawa natin para sa iba. Samakatuwid, kailangan lang magpakumbaba at maglingkod. (…) At tiyak na tayo ay itataas sa bagong mundo, sa kabilang buhay. Ito ay nangyayari na sa Simbahan. Sa katunayan, ang sinumang may kapangyarihang mag-utos ay kailangang maglingkod sa lahat. Kaya’t nagbago na ang situwasyon. Sa ganitong paraan, ang Simbahan, kung saan ang mga katagang ito ay sinasabuhay na, ay isa nang tanda ng mundong darating.”[2]

Letizia Magri


[1] Cf. Filipos 2:3

[2] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 1995

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read