Home2022“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan.” (Mt. 5:7)

“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan.” (Mt. 5:7)

Ang pagiging maawain ay higit pa sa pagpapatawad. Ito’y pagkakaroon ng puso na nais tanggalin at alisin ang lahat ng maaaring humadlang sa ating ugnayan sa ibang tao.

Sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo, ang Pangangaral sa Bundok ay matatagpuan pagkatapos ng simula ng pampublikong buhay ni Hesus. Ang bundok ay nakikita bilang simbolo ng bagong Bundok Sinai kung saan si Kristo, ang bagong Moises, ay naghahandog ng Kanyang “batas.” Sa nakaraang kabanata, sinasalaysay ang napakaraming tao na nagsimulang sumunod kay Hesus, mga taong pinahayagan at tinuruan Niya. Sa halip, ang panayam na ito’y ibinigay ni Hesus sa mga alagad, sa kasisilang at lumalagong komunidad, sa mga tatawaging Kristiyano. Inilahad Niya ang “kaharian ng langit” na siyang sentro ng pangangaral ni Hesus.1 Ang mga “Mapapalad” ang kumakatawan sa pahayag na ito, ang mensahe ng kaligtasan, ang “kabuuan ng Mabuting Balita na pagpapahayag ng nagliligtas na pag-ibig ng Diyos.”2

 “Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan.”

 Ano ang awa? Sino ang mahabagin? Ang pangungusap ay pinasimulan ng salitang “mapalad”3 na nangangahulugang masaya, masuwerte at nangangahulugan ding pinagpala ng Diyos. Sa siyam na “Mapapalad” sa talatang ito, ito ang nasa sentro. Ang pagiging mapalad ay hindi tumutukoy sa mga pag-uugali na ginagantimpalaan; ito’y mga tunay na pagkakataon upang maging higit na katulad ng Diyos. Ang mga maawain ay mga taong may pusong puno ng pag-ibig sa Diyos at sa kanilang mga kapatid, isang konkretong pagmamahal na tinatangi ang mga pinakamaliit, ang mga nakalimutan, ang mga dukha, ang mga nangangailangan nitong mapagmalasakit na pag-ibig: Sa katunayan, ang pagiging maawain ay isa sa mga katangian ng Diyos4; Si Hesus mismo ay awa’t malasakit.

“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan.”

Lubos na binabago ng mga “Mapapalad” ang mga pinakapangkaraniwang panuntunan ng pag-iisip natin. Hindi lamang ito mga salitang nagbibigay-aliw, may kapangyarihan rin itong baguhin ang mga puso, lumikha ng isang bagong sangkatauhan, at gawing epektibo ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Kailangang rin nating patawarin ang ating sarili, tanggapin na kailangan natin ang katangi-tangi, nag-uumapaw at napakalaking pagmamahal ng Diyos para sa bawat isa sa atin.

Ang salitang awa5 ay galing sa salitang Hebreo na rehem, na nangangahulugang “sinapupunan.” Pinupukaw nito ang isang damdamin, ang maka-Diyos na awang walang hanggan, tulad ng malasakit ng isang ina sa kanyang anak. Ito ay “isang pag-ibig na hindi sinusukat, sagana, pangkalahatan, at konkreto. Isang pagmamahal na nag-uudyok ng tugon sa iba, na siyang pinakalayunin ng awa… Kaya naman, kung nagdusa tayo dahil sa isang pagkakasala o kawalan ng katarungan, magpatawad tayo at tayo’y patatawarin. Maaari tayong maunang maging maawain at magmalasakit! Kahit na tila mahirap at malaking hamon ito, tanungin natin ang ating sarili, sa harap ng bawat kapwa: Paano makikitungo sa kanya ang kanyang ina? Ang pag-iisip na ito ang tumutulong sa atin na maunawaan ang puso ng Diyos at mamuhay ayon dito.”6

“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan.”

“Pagkatapos ng dalawang taong pagsasama bilang mag-asawa, nagpasya ang aming anak na babae at ang kanyang asawa na maghiwalay. Tinanggap namin siya uli sa aming tahanan at, sa mga sandaling mahirap ang ugnayan sa kanya, sinubukan naming mahalin siya sa pamamagitan ng pagiging mapagpaumanhin, na may pagpapatawad at pag-unawa sa aming mga puso. Pinanatili naming bukas ang aming ugnayan sa kanya at sa kanyang asawa, higit sa lahat, sa pag-iwas sa paghusga sa kanila.  Pagkaraan ng tatlong buwan ng pakikinig, maingat na pagtulong at maraming panalangin, nagkabalikan sila na may bagong kamalayan, pagtitiwala at pag-asa.”7

Ang pagiging maawain ay higit pa sa pagpapatawad. Ito’y pagkakaroon ng pusong nais tanggalin at alisin ang lahat ng maaaring humadlang sa ating ugnayan sa ibang tao. Ang paanyaya ni Hesus na maging maawain ay nagbibigay sa atin ng paraan upang makabalik sa orihinal na plano ng Diyos, ang dahilan kung bakit tayo nilikha: ang maging kalarawan at kawangis ng Diyos.

Letizia Magri


1 Cf. Mateo 4:23 & 5:19, 20.

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 2000

3 Sa wikang Griyego, ang salitang ‘makarios/i’ ay kapwa ginagamit para ilarawan ang mapalad at masayang kalagayan ng mga tao at para ipakita ang natatanging istado ng mga diyos na higit sa mga tao.

4 Sa wikang Hebreo, ang salitang ‘hesed’ ay nangangahulugang isang pag-ibig na di makasarili at malugod na tumatanggap sa iba, handang magpatawad.

5Rahamim’ sa wikang Hebreo.

6 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 2000

7 Hango sa www.focolare.org

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read