Home2023“Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa...

“Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.” (Roma 12:10)

Mas malaki at mabigat ang hinihingi ng batas ng pag-ibig ni Hesus. Ito’y isang pag-ibig na nag-aalay ng buhay para sa iba. Ito’y humahantong sa ating pagiging ganap na tao, at sa “pakikipagkumpitensya” natin sa pagpapahalaga sa katangian ng isa’t isa. Ito’y isang pag-ibig na sensitibo sa mga pangangailangan ng bawat isa at ginagawa ang lahat upang walang sinuman ang mapabayaan.

Ang Kataga ng Buhay ngayong buwan ay hango sa liham na isinulat ni San Pablo sa mga Romano. Mayaman ang nilalaman ng mga salitang sinulat niya. Ipinakita ni San Pablo ang buhay Kristiyano bilang isang buhay kung saan ang pag-ibig ay sagana, isang pagmamahal na malaya, bukas-palad at walang limitasyon, na ibinuhos ng Diyos sa ating mga puso at ibinibigay naman natin sa iba. Upang maging mas malinaw at mas epektibo ang kanyang paliwanag, isiningit niya ang dalawang konsepto sa iisang salita, ang philostorgos, na nagpapahayag ng dalawang partikular na katangian ng pag-ibig na nakikita sa Kristiyanong komunidad: ang pagmamahalan ng magkakaibigan at pagmamahalan sa loob ng pamilya.

“Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.”

Tutukan natin nang mabuti ang aspeto ng kapatiran at pagmamahalan. Sinabi ni San Pablo na ang mga kasapi sa Kristiyanong komunidad ay nagmamahalan dahil sila’y bahagi ng isa’t isa (12:5), sila’y magkakapatid na ang tanging ságútin sa isa’t isa ay pag-ibig (13:8), sila’y nagagalak kasama ng mga nagagalak at umiiyak kasama ng mga umiiyak (12:15), at hindi sila humuhusga at hindi dahilan ng iskandalo (14:13).

Magkakaugnay ang buhay natin at ang buhay ng ibang tao, at ang komunidad ay isang buháy na saksi sa batas ng pag-ibig na dinala ni Hesus sa lupa. Mas malaki at mabigat ang hinihingi ng pag-ibig na ito na umaabot sa pag-aalay ng buhay para sa iba. Isa rin itong konkretong pag-ibig na nakikita sa libu-libong pagpapahayag ng pagmamahal sa ibang tao para sa kanilang kasiyahan. Ito’y humahantong sa ating pagiging ganap na tao at sa “pakikikipagkumpitensya” natin sa pagpapahalaga sa mga katangian ng isa’t isa. Ito’y isang pag-ibig na sensitibo sa mga pangangailangan ng bawat isa at ginagawa ang lahat upang walang sinuman ang mapabayaan. Hinihikayat tayo nito na maging responsable at aktibo sa lipunan, sa kultura at sa pakikilahok natin sa pulitika.

“Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.”

Isinulat ni Chiara Lubich, ‘Sa mga komunidad noong unang siglo [sa rehiyon ng Mediteraneo], makikita natin na ang Kristiyanong pagmamahal, na malawakang kumalat sa lahat, ay may pangalan. Tinawag itong philadelphia, na nangangahulugang pagmamahal ng magkakapatid. Sa sekular na panitikan noong panahong iyon, ginamit ang katagang ito upang tukuyin ang pagmamahal sa pagitan ng magkakapatid sa dugo. Hindi ito kailanman ginamit upang tukuyin ang mga miyembro ng iisang lipunan maliban sa Bagong Tipan.’1 Maraming kabataan ang nakadarama ng pangangailangang magkaroon ng ‘mas malalim, mas taos-puso at mas tunay na ugnayan sa iba. At taglay ng pagmamahalan ng mga sinaunang Kristiyano ang lahat ng katangian ng pagmamahal ng magkakapatid, halimbawa, sa lakas at paggiliw nito.’2

“Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.”

Isang natatanging katangian ng mga komunidad na ito na namumuhay sa pagmamahalan ay hindi sila nagsasara sa kanilang sarili ngunit handa nilang harapin ang mga tunay na hamong nagmumula sa sitwasyon nila.

Sa wakas ay makabibili na ng bahay si J.K., isang Serbian-Hungarian at ama ng tatlong anak, ngunit dahil sa isang aksidente, wala na siyang mapagkukunan ng panggastos at gamit para ipaayos ito. Kaya kumilos ang komunidad ng Focolare at, sa pamamagitan ng proyekto ng Youth for a United World na ‘Dare to Care,’ nakapagbigay ito ng konkretong tulong.

Tuwang-tuwa si J.K. na magsalita tungkol sa pagkikiisa ng mga tumulong sa kanila, walang sinuman sa kanila ang nagnais na madaig sa pagkabukas-palad: ‘Napakaraming tao ang dumating upang tulungan ako na, sa loob ng tatlong araw, naayos naming ang bubong at napalitan ng plasterboard ang kisameng gawa sa lupa at pawid.’ Mayroong mga taga-Czech Republic na nag-ambag din ng tulong-pinansyal sa pagsasaayos ng bahay. Ang gawaing ito ay naging isang nakikitang pagsaksi sa pinalawak na komunidad at hindi nalimitahan ng mga hangganan ng bansa.3

Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 C. Lubich, “Colloqui con i gen,” Rome, 1999.

2 Ibid.

3 Hango sa www.unitedworldproject.org

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read