Home2023“Magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang loob ng...

“Magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa, magkasundo kayo, mamuhay nang payapa at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.” (2 Cor 13:11)

Ang pagbuo ng kapayapaan ay humihingi ng malaking pagmamahal sa atin, isang pag-ibig na kayang marating kahit ang mga taong hindi sinusuklian ang pagmamahal natin, isang pag-ibig na kayang magpatawad, isang pag-ibig na hindi tinitingnan ang ibang tao bilang mga kaaway, at may kakayahang mahalin ang ibang bansa tulad ng pagmamahal natin sa ating bansa.

Puno ng pag-aalaga’t atensyon, sinundan ni apostol Pablo ang pag-unlad ng Kristiyanong komunidad sa lungsod ng Corinto. Dinalaw niya’t sinuportahan sila sa panahon ng kagipitan.

Gayunpaman, sa pamamagitan ng liham na ito, dumating ang panahong kinailangan niyang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga paratang ng ibang mga mangangaral na pinagdududahan ang istilo ng kanyang pangangaral.

Walang sweldo si San Pablo sa kanyang gawaing misyonero. Hindi siya mahusay na tagapagsalita at walang siyang mga liham ng rekomendasyon na kumikilala sa kanyang awtoridad. Ipinahayag niya kung papaano niya nauunawaan at isinabuhay ang sarili niyang kahinaan, na sumasalamin sa halimbawa ni Jesus.

Gayunpaman, sa pagtatapos ng kanyang liham, nagbigay si San Pablo sa mga taga-Corinto ng isang panawagang puno ng pagtitiwala at pag-asa:

“Magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa, magkasundo kayo, mamuhay nang payapa at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.”

Ang unang katangiang makikita sa kanyang mga pangaral ay ito’y para sa sa buong komunidad. Ito ang lugar kung saan maaaring maranasan ang presensya ng Diyos. Ang lahat ng mga kahinaan ng tao na nagpapahirap sa atin upang unawain ang isa’t isa, makipag-usap nang patas at taos-puso, at magalang na kilalanin ang mga pagkakaiba sa karanasan at pag-iisip, ay malalagpasan sa pamamagitan ng presensya ng Diyos ng kapayapaan.

Iminumungkahi ni San Pablo ang ilang praktikal na pag-uugali na naaayon sa hinihingi ng Mabuting Balita ni Hesus. Kasama dito ang pagsusumikap na matupad ang plano ng Diyos sa bawat tao, bilang magkakapatid; ang pagbibigay-daan upang ang kaloob na pag-ibig ng Diyos na nagbibigay ng aliw sa atin ay lumaganap sa lahat; ang pagmamalasakit sa isa’t isa, ang pagbabahagi ng ating pinakamalalim na mithiin; ang pagtanggap sa isa’t isa, ang pagiging maawain at pagtanggap ng pagpapatawad, at ang pagpapayaman ng tiwala at pakikinig.

Maaaring gawin nang malaya ang mga desisyong ito, bagama’t kung minsan, kailangan ang lakas ng loob upang tayo’y maging isang “tanda na kakalabanin ng mundo” at kumilos sa paraang salungat sa kasalukuyang pag-iisip.

Samakatuwid, tagubilin din ng apostol na palakasin natin ang loob ng isa’t isa sa pagsasagawa nito. Pinahahalagahan niya ang mga pagsisikap natin upang masayang pangalagaan at saksihan ang hindi matutumbasang halaga ng pagkakaisa at kapayapaan, sa pag-ibig at katotohanan. Lagi itong nakabatay sa walang pasubaling pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang bayan.

“Magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa, magkasundo kayo, mamuhay nang payapa at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.”

Upang isabuhay ang Kataga ng Buhay na ito, tulad ni San Pablo, tingnan natin ang halimbawa ni Hesus, na naparito upang dalhin sa atin ang Kanyang natatanging kapayapaan.1

Sapagkat “ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng digmaan, pag-aaway, pagkakabaha-bahagi at trauma… ito’y ganap na buhay at kagalakan… ganap na kaligtasan… kalayaan, ito’y pagkakapatiran ng lahat ng tao…

“At paano binigay ni Hesus sa atin ang Kanyang kapayapaan? Upang makamtan natin ito, Siya mismo ang tumubos sa atin… Siya’y tumayo sa gitna ng Kanyang mga kalaban, inako ang poot at paghihiwalay, at sinira ang mga pader na naghahati sa mga tao.2

“Ang pagbuo ng kapayapaan ay humihingi ng malaking pagmamahal sa atin, isang pag-ibig na kayang marating kahit ang mga taong hindi sinusuklian ang pagmamahal natin, isang pag-ibig na kayang magpatawad, isang pag-ibig na hindi tinitingnan ang ibang tao bilang mga kaaway, at may kakayahang mahalin ang ibang bansa tulad ng pagmamahal natin sa ating bansa…. Hinihiling pa nito na magkaroon tayo ng mga bagong puso at mata para mahalin at tingnan ang bawat isa bilang mga taong maaaring maging bahagi ng kapatiran ng lahat.

“ ‘Ang kasamaa’y nagmumula sa puso ng tao,’ ang isinulat ng Italyanong politiko at may-akda na si Igino Giordani, at ‘upang alisin ang panganib ng digmaan, kailangang alisin ang diwa ng karahasan, pagsasamantala at pagkamakasarili na pinagmumulan ng digmaan: kinakailangang bumuo muli ng isang konsensiya.’34

Ang Bonita Park ay isang lugar sa Hartswater, isang bayang kilala sa pagsasaka sa South Africa. Gaya sa ibang bahagi ng bansa, nananatili ang mga epektong minana sa rehimeng apartheid, lalo na sa sektor ng edukasyon: Mas mababa ang kalidada ng edukasyon ng mga kabataang kabilang sa lahing itim at sa grupong iba’t iba ang lahi kaysa sa iba pang grupong etniko, at ito’y nauuwi sa hindi pagbigay ng kaukulang pansin sa kanila sa lipunan.

Ang “Bridge Project” ay naglalayong lumikha ng isang pag-aayos upang magkasundo ang iba’t ibang grupong etniko sa lugar sa pamamagitan ng paggawa ng tulay sa pagitan ng magkakaibang kultura at mapalapit sila sa isa’t isa. Binubuo ito ng isang after-school program at isang munting lugar para sa mga pagtitipon ng komunidad kung saan nagsasama-sama ang mga taong mula sa iba’t ibang kultura at henerasyon.

Malaki ang pagnanais ng komunidad na magtulungan. Pinahiram ni Charles ang kanyang lumang trak upang kunin ang troso na gagawing mga mesa; nagbigay ang punong-guro sa karatig-paaralang elementarya ng mga istante, mga kuwaderno at mga aklat-aralin; habang ang Dutch Reformed Church ay nagbigay ng limampung upuan.

Ginawa ng bawat isa ang kanyang parte upang, sa bawat araw, maging mas matatag pa ang tulay na ito sa pagitan ng mga kultura at pangkat etniko.5

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Cf. Jn 14:27

2 Cf. Eph 2:14-18

3 L’inutilità della guerra, Roma 2003, 2nd ed., p. 111

4 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Enero 2004

5 Cf. https://www.unitedworldproject.org/workshop/sudafrica-un-ponte-tra-culture; Spazio famiglia, Marso 2019, pp. 10-13

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read