Home2022“Iisa lamang ang kailangan.” (Lucas 10:42)

“Iisa lamang ang kailangan.” (Lucas 10:42)

Isang mahalagang pagkakataon itong Salita ng Diyos upang magsanay sa pagpili ng mas mabuti: ang pakikinig sa Kanyang Salita at pagtamo ng kalayaan na nagbibigay-daan upang kumilos tayo ayon sa sinasabi nito sa ating buhay sa araw-araw.

Patungo si Jesus sa Jerusalem kung saan matutupad ang Kanyang misyon. Sa paglalakbay na ito, tumigil Siya sa isang nayon sa tahanan nina Marta at Maria. Inilarawan ng ebanghelistang si Lucas ang pagtanggap ng dalawang magkapatid na babae kay Hesus: Ginampanan ni Marta ang kinaugaliang tungkulin ng maybahay at “abalang-abala sa maraming gawain”1 na kasama sa malugod na pagtanggap sa isang panauhin sa tahanan, habang “naupo si Maria sa paanan [ni Jesus] at nakinig sa sinasabi niya.” (v. 39). Makikita na ang pagiging maagap at ganap sa pagbibigay ng pansin ni Maria ay kabaligtaran ng pagkabalisa ni Marta at, sa katunayan, sa kanyang mga hinaing tungkol sa pagiging mag-isa sa pagsisilbi, tumugon si Jesus, “Marta, Marta, ikaw ay abala at balisa sa maraming bagay; iisa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mas mabuti, at hindi ito aalisin sa kanya.” (vv. 41-42). Matatagpuan ang talatang ito sa pagitan ng talinghaga ng Mabuting Samaritano na masasabing isa sa pinakamagandang paglalarawan ng pag-ibig sa kapwa, at ang talatang nagsasalaysay kung paano tinuruan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na manalangin, na tunay na pinakamagandang paliwanag ng ating relasyon sa Diyos Ama. Kaya’t ito’y halos katulad ng isang mahalagang punto sa timbangan na nagbabalanse ng pagmamahal sa ating kapwa at pagmamahal sa Diyos.

“Iisa lamang ang kailangan.”

Dalawang babae ang mga pangunahing tauhan ng talatang ito ng Mabuting Balita. Ang pag-uusap na naganap sa pagitan nina Hesus at Marta ay naglalarawan ng pagkakaibigan na nagpapahintulot kay Marta na malayang magsabi ng hinaing sa kanyang Guro. Ngunit ano ang paglilingkod na nais ni Hesus? Para sa Kanya, mahalagang hindi mag-alala si Marta, kailangan niyang isaisantabi ang mga kinaugaliang gawain na ibinibigay sa mga kababaihan, at kailangan rin siyang makinig sa sinasabi ni Hesus, tulad ni Maria na ginagampanan ang bagong tungkulin bilang isang alagad. Ang mensahe ng talatang ito ay madalas na nalilimita sa pagpapakita ng pagkakaiba ng aktibo at mapagnilay-nilay na buhay, na para bang may dalawang mapagpipiliang paraan ng pakikipag-ugnay sa Diyos. Gayunpaman, kapwa nagmamahal kay Hesus sina Marta at Maria at kapwa nais maglingkod sa Kanya. Sa katunayan, hindi sinasabi ng Mabuting Balita na mas mahalaga ang panalangin at pakikinig sa Salita ng Diyos kaysa sa pagmamahal sa kapwa. Sa halip, kailangan nating maghanap ng paraan upang maging matatag ang ugnayan nitong dalawang uri ng pagmamahal. Ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa ay hindi magkasalungat bagkus pinupunan nila ang kulang sa isa’t isa dahil ang Pag-ibig ay iisa.

“Iisa lamang ang kailangan.”

Paano natin mauunawaan kung ano ang iisang bagay na kailangan? Ang mga unang salita sa naturang pangungusap ay makatutulong sa atin: “Marta, Marta …” (v. 41). Sa pag-uulit ng pangalan na maaaring makita bilang isang pagsaway, mayroong isang personal na ‘pagtawag.’ Kung gayon, tila tinatawag ni Hesus si Marta sa isang bagong pakikipag-ugnayan sa Kanya, sa pagbuo ng isang malapìt na ugnayan sa Kanya, hindi bilang isang tagapaglingkod kundi bilang isang kaibigan na nagsisimulang bumuo ng isang malalim na ugnayan sa Kanya. Isinulat ni Chiara Lubich: “Ginamit ni Hesus ang mga pangyayaring ito para ipaliwanag kung ano ang pinakakailangan sa buhay ng tao. … Makinig sa Salita ni Hesus. At para kay Lucas, na sumulat ng talatang ito, ang pakikinig sa Salita ng Diyos ay nangangahulugan ding pagsasabuhay nito. … Ito rin ang kailangan mong gawin: tanggapin ang Salita ng Diyos at hayaan itong baguhin ka. Ngunit hindi pa ito sapat; kailangan kang manatiling tapat sa Salita ng Diyos at panatilihin ito sa iyong puso upang mahubog nito ang buhay mo, kung paanong ang lupa’y nagtataglay ng mga buto upang sila’y sumibol at magbunga. Kaya’t magbunga ng bagong buhay, ang mga epekto ng Salita ng Diyos.” 2

“Iisa lamang ang kailangan.”

Sino ang nakakaalam kung gaano karaming pagkakataon mayroon tayo upang malugod na tanggapin ang Guro (Hesus) sa ating tahanan, tulad nina Marta at Maria, at umupong nakikinig sa Kanyang paanan tulad ng mga tunay na alagad. Kadalasan, natatabunan tayo ng napakaraming bagay – ang ating mga alalahanin, sakit, tungkulin, at maging ang mga kagalakan at kasiyahan – at wala nang natitirang oras para huminto at makilala ang Panginoon at makinig sa Kanya.

Isang mahalagang pagkakataon itong Salita ng Diyos upang magsanay sa pagpili ng mas mabuti: ang pakikinig sa Kanyang Salita at pagtamo ng kalayaan na nagbibigay-daan upang kumilos tayo ayon sa sinasabi nito sa ating buhay sa araw-araw. Makatutulong ito sa atin na magsagawa ng mga gawaing bunga ng isang mapagmahal na ugnayan na nagbibigay kahulugan sa paglilingkod at pakikinig.

Letizia Magri


1 Lucas 10:40. Ang salitang Griyego na ‘perispàomai’ ay may dobleng kahulugan: maaari itong mangahulugang “maging lubusang abala/maging labis na nabibigatan” o “maguluhan.”

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Hulyo 1980

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read