Home2023“Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin.” (Genesis 16:13 )

“Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin.” (Genesis 16:13 )

Hindi Siya isang Diyos na wala rito o malayo, na walang pakialam sa kapalaran ng sangkatauhan o sa kapalaran ng bawat isa sa atin. Nandito Siya sa tabi ko, laging kasama ko, alam Niya ang lahat tungkol sa akin at nakikibahagi sa bawat iniisip, sa bawat saya, at sa bawat ninanais ko. Kasama ko Siya sa lahat ng dinadala kong pagsubok at alalahanin sa buhay.

Ang talata ng Kataga ng Buhay sa buwang ito ay hango sa aklat ng Genesis. Binigkas ang mga salitang ito ni Hagar, ang alipin ni Sara, na ibinigay bilang asawa kay Abraham dahil hindi makapagdalang-tao si Sara at upang matiyak ang pagkakaroon ng mga supling. Gayunpaman, nang matuklasan ni Hagar na buntis siya, tinuring niya ang kanyang sarili na mas mataas sa kanyang amo. Ang pagmamaltrato na natanggap niya noon mula kay Sara ang nagtulak sa kanya na tumakas patungo sa disyerto. At doon siya nagkaroon ng kakaibang pakikipagtagpo sa Diyos. Pinangakuan siya ng mga supling katulad ng ginawa ng Diyos kay Abraham. Ang anak na isisilang ay tatawaging Ismael, na ang ibig sabihin ay “pinakinggan ng Diyos” dahil pinasan ng Diyos ang paghihirap ni Hagar at binigyan siya ng isang angkan.

“Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin.”

Ang reaksyon ni Hagar ay sumasalamin sa isang karaniwang paniniwala sa mundo noong sinaunang panahon: hindi kayang mapanatili ng tao ang masyadong malapit na pakikipagtagpo sa Diyos. Nagulat at nagpasalamat si Hagar dahil nakaligtas siya sa pakikipagtagpong ito. Naramdaman niya ang pag-ibig ng Diyos doon mismo sa disyerto, ang espesyal na lugar kung saan makararanas tayo ng personal na pakikipagtagpo sa Kanya. Batid ni Hagar ang Kanyang presensya at dama niyang mahal siya ng isang Diyos na ‘nakita’ siya sa kanyang mahirap na kalagayan, isang Diyos na nagmamalasakit at binabalot ng pagmamahal ang Kanyang mga nilalang. “Hindi Siya isang Diyos na wala rito o malayo, na walang pakialam sa kapalaran ng sangkatauhan o sa kapalaran ng bawat isa sa atin. Napakaraming beses, nararanasan natin ito. Nandito Siya sa tabi ko, lagi Siyang kasama ko, alam Niya ang lahat tungkol sa akin at nakikibahagi sa bawat iniisip, sa bawat saya, at bawat ninanais ko. Kasama ko Siya sa lahat ng dinadala kong pagsubok at alalahanin sa buhay.”1 

“Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin.”

Ang Kataga ng Buhay na ito ay nagpapanibago ng isang bagay na maaasahan natin, at nagbibigay sa atin ng ginhawa’t aliw: Hindi tayo nag-iisa sa ating paglalakbay sa buhay dahil nariyan ang Diyos at mahal Niya tayo. Kung minsan, tulad ni Hagar, maaari tayong makaramdam na tayo’y ‘mga dayuhan’ sa mundong ito, o maghanap ng mga paraan upang makatakas sa mga mahirap at masakit na sitwasyon. Ngunit dapat tayong maging kumbinsido sa presensya ng Diyos at sa ating ugnayan sa Kanya: Pinalaya Niya tayo, pinapapanatag tayo, at lagi tayong binibigyan ng pagkakataong magsimulang muli.

Ito ang karanasan ni P. na namuhay nang mag-isa sa panahon ng pandemya. Ikinuwento niya: “Mula nang magsimula ang lockdown sa aming bansa, ako’y nag-iisa sa bahay. Wala akong kasama sa tabi ko na mababahaginan ng karanasang ito, at sinisikap kong punan ng gawain ang buong maghapon sa abot ng aking makakaya. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, mas lalo akong pinanghihinaan ng loob at nahihirapang matulog sa gabi. Minsan, pakiramdam ko’y hindi na ako makalalabas sa bangungot na ito. Subali’t mas malakas ang pakiramdam ko na dapat akong lubusang manalig sa Diyos at magtiwala sa Kanyang pag-ibig. Wala akong pag-aalinlangan sa Kanyang presensya: Natitiyak kong sinasamahan Niya ako’t inaaliw sa mga buwang ito na nag-iisa ako. Napagtanto ko na hindi ako nag-iisa dahil sa mga munting kabutihan mula sa mga kapitbahay ko. Katulad noong ipinagdiriwang ko online ang kaarawan ng isang kaibigang babae, pagkatapos, agad-agad akong nakatanggap ng isang hiwa ng cake mula sa kapitbahay ko.”

“Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin.”

Maaari rin tayong maging mga tagapagdala ng pagmamahal ng Diyos dahil pinananatili tayong ligtas sa Kanyang presensya. Sa katunayan, tinatawag tayo upang makita ang mga pangangailangan ng iba, upang tulungan ang ating kapwa kapag sila’y “nag-iisa sa disyerto” at upang makibahagi sa kanilang lungkot at saya. Babad tayo sa realidad ng mundo, at kailangan natin maging laging mulat sa mga pangangailangan ng mga tao sa ating paligid.

Maaari tayong huminto at lapitan ang mga naghahanap ng kahulugan at mga sagot sa maraming katanungan sa buhay: Maaaring sila’y mga kaibigan, kamag-anak, kakilala, kapitbahay, kasamahan sa trabaho, mga taong gipit sa buhay, o mga taong di binibigyang halaga sa lipunan.

Maaari nating tandaan at ibahagi ang mga mahahalagang sandaling nakilala natin ang pag-ibig ng Diyos at muling natuklasan ang kahulugan ng ating buhay.

Makakayanan nating harapin nang sama-sama ang mga paghihirap, at kapag kailangan nating “tumawid sa disyerto,” matutuklasan natin ang presensya ng Diyos sa ating buhay, at magbibigay ito sa atin ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang ating paglalakbay.

Patricia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Hulyo 2006

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read