Home2022“Hinding-hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin.” (Juan 6:37)

“Hinding-hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin.” (Juan 6:37)

Inilahad ni Hesus na siya mismo ang tanda ng pag-ibig ng Diyos. Higit pa rito, siya ang Anak na binigyan ng Ama ng misyon na tanggapin at ibalik sa Kanyang tahanan ang bawat nilikha, bukod tangi ang bawat tao, na nilikhang kawangis Niya.

Ang pahayag na ito ni Hesus ay bahagi ng Kanyang pakikipag-usap sa mga tao. Matapos ang himala ng pagpaparami ng tinapay, patuloy siyang hinanap ng mga tao at humingi pa ng mahimalang tanda upang maniwala sa kanya.

Inilahad ni Hesus na siya mismo ang tanda ng pag-ibig ng Diyos. Higit pa rito, siya ang Anak na binigyan ng Ama ng misyon na tanggapin at ibalik sa Kanyang tahanan ang bawat nilikha, bukod tangi ang bawat tao, na nilikhang kawangis Niya. Ito’y dahil ang Ama ang naunang gumawa ng hakbang at inilalapit ang lahat kay Hesus.1 Inilagay Niya sa ating mga puso ang pagnanais sa isang buhay na ganap, ang pakikipagkaisa sa Kanya at sa lahat ng tao.

Samakatuwid, hindi itataboy ni Hesus ang sinumang tao, kahit sa tingin niya’y napakalayo siya sa Diyos, dahil kalooban ng Ama na hindi mawala’t mapahamak ang sinuman.

“Hinding-hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin.”

Tunay itong magandang balita: Napakalaki ng pagmamahal ng Diyos sa lahat, nakatuon ang Kanyang pagkalinga’t awa sa bawat lalaki at babae. Siya ang matiyaga at maawaing Ama na naghihintay sa sinumang naghahangad magtungo sa Kanya, dahil sinusunod ang tinig sa loob niya.

Madalas tayong nagdududa: Bakit ako dapat tanggapin ni Hesus? Ano ang nais Niya sa akin? Sa katunayan, hinihingi lamang ni Hesus na hayaan natin ating mga sarili na mapalapit sa Kanya, at palayain ang ating mga puso sa lahat ng mga pasaning nagpapabigat sa atin upang buong pagtitiwalang tanggapin ang pag-ibig na malaya Niyang ibinabahagi.

Ngunit ang mga salitang ito ay isa ring paanyaya na humihimok sa ating pananagutan sa iba. Sa katunayan, kung nararanasan natin ang nag-uumapaw na pagkalinga ni Hesus, tayo naman ay nahihikayat na tanggapin Siya sa bawat kapwa – lalaki man o babae, bata man o matanda, malusog man o maysakit, mula man sa ating kultura o hindi …. At hindi natin itataboy ang sinuman.

“Hinding-hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin.”

Sa Québec (Canada), isang Kristiyanong komunidad na nagsasabuhay ng Salita ng Diyos ay masigasig sa pagtanggap sa maraming pamilyang dumarating sa kanilang bansa mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo: France, Egypt, Syria, Lebanon, Congo at iba pa. Ang lahat ay tinatanggap at tinutulungan nila, pati na rin sa pagtulong sa kanila na maging bahagi ng lipunan doon. Nangangahulugan ito ng pagtugon sa marami nilang katanungan, pagsagot sa mga dokumento na may kaugnayan sa kanilang istado bilang residente o “refugee” (isang taong napilitang mangibang-bayan para sa sariling kaligtasan). Gayundin sa pakikipag-ugnayan sa paaralan ng kanilang mga anak at pagsama sa kanila upang makilala ang kanilang kapitbahayan. Mahalaga rin ang pagpapatala sa mga kurso sa wikang Pranses at maging sa paghahanap ng trabaho.

Ikinuwento ito nina Guy at Micheline: “Isang pamilyang taga-Syria na nagtungo sa Canada upang makatakas sa digmaan ay nakakilala ng isa pang pamilya na kararating lang at di pa alam kung paano mamuhay rito. Sa pamamagitan ng social media, nagkaroon ng isang grupong nagkabuklod dahil sa pakikiisa nila sa ibang tao at maraming kaibigan ang nagbigay ng mga bagay na kailangan nila tulad ng mga kama, sofa, mesa, upuan, pinggan at damit. Kusa namang nag-alok ng mga libro at laruan ang mga bata na nalaman ang kalagayan ng pamilyang ito mula sa kanilang mga magulang. Ang mga pamilyang ito ay tumanggap ng higit pa sa kanilang kailangan, at sila naman ang tumulong sa ibang mahihirap na pamilya sa gusaling kanilang tinitirhan. Ang Kataga ng Buhay sa buwang iyon ay natupad: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili!’2

“Hinding-hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin.”

Narito ang paraan kung paano natin gagawing karanasan sa buhay ang Salita ng Diyos na ito: ang pagsaksi sa pagiging malapìt ng Ama sa bawat kapwa, bilang indibidwal o bilang komunidad.

Makatutulong sa atin ang pagninilay na ito ni Chiara Lubich (ang tagapagtatag ng Focolare) tungkol sa mahabaging pagmamahal. “Ang pag-ibig ang siyang nagbubukas sa puso at mga bisig upang yakapin ang mga aba… yaong mga nasira ang buhay, mga makasalanang nagsisisi. Ito ay isang pag-ibig na marunong tumanggap sa ating kapwa na naligaw ng landas, maging kaibigan man, kapatid o isang di- kilalang tao, at walang sawa silang patawarin. Ito ang pag-ibig na hindi sinusukat at hindi kailanman masusukat. Ito ang pagmamahal na namumukadkad, mas masagana, mas pangkalahatan, mas kongkreto kaysa sa pagmamahal ng kaluluwa noon. Sa katunayan, nadarama nito ang pagsilang ng mga damdaming katulad ng kay Jesus, at mapapansing namumutawi sa mga labi para sa lahat ng nakakasalamuha itong mga maka-Diyos na salita: ‘Nahahabag ako sa napakaraming tao’ (Mt 15:32). … Ang awa o habag ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig, at ang katuparan nito. Nagwawagi ang pag-ibig sa pagdurusa, dahil ang pagdurusa ay sa kasalukyang buhay lamang, samantalang ang pag-ibig ay nagpapatuloy hanggang sa kabilang-buhay. Mas nais ng Diyos ang pagiging mahabagin kaysa sa paghahandog.”3

Letizia Magri


1 Juan 6:44

2 Cf. Mateo 22:39

3 C. Lubich, When we have known suffering, in “Essential Writings,” New City Press, New York, 2007, p. 85

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read