Home2022“Panginoon, ilang beses ko bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa...

“Panginoon, ilang beses ko bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa akin? Hanggang pitong beses?” (Mateo 18:21)

Ang tunay na pagpapatawad, ang pagpapatawad na nagpapalaya sa atin, kadalasang’y isang proseso na unti-unting nagagawa sa iba’t ibang yugto.

Ang ika-18 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay Mateo ay isang napakayamang salaysay kung saan nagbibigay ng mga tagubilin si Hesus sa Kanyang mga alagad ukol sa kung paano isabuhay ang mga ugnayan sa loob ng kanilang kasisilang na komunidad. Tinutukoy ng tanong ni Pedro ang kakasabi lang ni Hesus: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo…” 1 Habang nagsasalita si Hesus, sumabat si Pedro na parang hindi niya lubos na naunawaan ang sinabi ng kanyang Guro. Ang tanong niya kay Hesus ay napakahalaga sa pag-unawa sa landas na dapat tahakin ng mga alagad ni Hesus. Ilang beses ba tayo dapat magpatawad?

“Panginoon, ilang beses ko bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa akin? Hanggang pitong beses?”

Ang pagtatanong ay bahagi ng paglalakbay ng pananampalataya. Hindi taglay ng mga naniniwala ang lahat ng mga kasagutan, ngunit nananatiling tapat sa kabila ng mga katanungan. Hindi nagtatanong si Pedro tungkol sa pagkakasala sa Diyos. Nais niyang malaman kung ano ang gagawin kapag ang isang miyembro ng komunidad ay nakagawa ng kasalanan sa kapwa. Sa tingin niya, isa siyang mabuting alagad na kayang magpatawad ng hanggang pitong beses.2 Hindi niya inaasahan ang agarang tugon ni Hesus, at niyanig nito ang kanyang kumpiyansa sa sarili: “Sinasabi ko sa iyo, hindi pitong ulit, kundi pitumpu’t pitong ulit.” (Mateo 18:22). Alam ng mga alagad ang mga salita ni Lamech, ang malupit na anak ni Cain, na umawit ng paghihiganti nang pitumpu’t pitong ulit.3 Pinakita ni Hesus, na tumutukoy sa mismong pahayag na ito, ang malaking pagkakaiba ng walang hanggang paghihiganti sa walang hanggang kapatawaran.

“Panginoon, ilang beses ko bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa akin? Hanggang pitong beses?”

Ang pinag-uusapan dito’y hindi ang pagpapatawad sa isang taong patuloy na nakakasakit, bagkus ang pagkakaroon lagi ng saloobing nagpapatawad sa ating mga puso. Ang tunay na pagpapatawad, ang pagpapatawad na nagpapalaya sa atin, kadalasang’y isang proseso na unti-unting nagagawa sa iba’t ibang yugto. Hindi ito isang pakiramdam, hindi ito paglimot: ito ang desisyon na dapat gawin ng mananampalataya, hindi lamang kapag ang pagkakasala’y inuulit-ulit, kundi pati na rin sa tuwing ito’y nasasaisip natin. Ito ang dahilan kung bakit kailangang magpatawad nang pitumpu’t pitong ulit.

Isinulat ni Chiara Lubich: “Isinasaalang-alang ni Hesus, higit sa lahat, ang ugnayan sa pagitan ng mga Kristiyano, sa pagitan ng mga miyembro ng iisang komunidad. Samakatuwid, una sa lahat, tinatawag tayong kumilos sa ganitong paraan kasama ng ating mga kapatid sa pananampalataya – sa pamilya, sa trabaho, sa paaralan, o sa ating mga komunidad, kung kabilang tayo sa mga ito. Alam mo kung paano madalas gustong tumugon o ‘gumanti’ sa pamamagitan ng isang masamang pagkilos o komento sa ginawang pagkakasala sa atin. Alam mo kung paano ang pagkakaiba sa ugali, ang pagkainip, o iba pang dahilan, ay maaaring humantong sa kawalan ng pagmamahalan ng mga taong magkasama sa isang tirahan. Kung sa gayon, tandaan na tanging ang saloobing laging nagpapatawad, na pinapanibago araw-araw, ang makapagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa ugnayan natin sa ating kapwa. Lagi nating maiisip ang mga pagkakamali ng ating mga kapatid, tandaan ang kanilang nakaraan, at naising maging iba sila sa tunay nilang pagkatao… Kailangan nating magkaroon ng ugaling bago lagi ang pagtingin sa iba at, bilang mga bagong tao, nagpapakita ng ganap na pagtanggap sa kanila kahit na hindi sila nagsisisi sa ginawa nila sa atin.” 4

“Panginoon, ilang beses ko bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa akin? Hanggang pitong beses?”

Lahat tayo’y bahagi ng isang komunidad, mga taong ‘pinatawad’ dahil ang pagpapatawad ay isang kaloob mula sa Diyos na lagi nating kailangan. Dapat tayong mamangha sa laki ng awa ng Ama: pinatatawad Niya tayo kung patatawarin din natin ang ating mga kapatid.5

Mayroong mga sitwasyon kung saan hindi madaling magpatawad, mga sitwasyon na nagmumula sa kalagayang pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiya kung saan ang pagpapatawad ay maaaring magkaroon ng aspetong pangkomunidad. Maraming halimbawa ng mga babae at lalaki na nagawang magpatawad kahit sa mga pinakamahirap na situwasyon, dahil tinulungan sila ng komunidad na umalalay sa kanila.

Si Osvaldo ay taga-Colombia. Nakatanggap siya ng mga banta sa kanyang buhay at nakita ang pagpatay sa sarili niyang kapatid. Ngayon, siya ay pinuno ng isang samahan ng mga magsasaka, kung saan itinataguyod niya ang pagbabagong-buhay ng mga taong sumama sa armadong pakikibaka sa kanyang bansa.

“Madaling tumugon sa paghihiganti sa pamamagitan ng higit na karahasan, ngunit sinabi ko sa sarili ko ‘Hindi,’ ” paliwanag ni Osvaldo. “Napakahirap matutunan ang sining ng pagpapatawad, ngunit ang mga armas at digmaan ay hindi kailanman pipiliin para makapagbagong buhay. Iba ang daan patungo sa pagbabago. Napupukaw ng daang ito ang kaluluwa ng ibang tao, at para magawa ito, hindi mo kailangan ng pagmamalaki o kapangyarihan: kailangan mo ng kababaang-loob, na siyang kabutihang pinakamahirap na makamit.” 6

Letizia Magri


1 Mateo 18:15

2 Ang pito ay nagpapahiwatig ng kabuuan, pagkakumpleto: Nilikha ng Diyos ang mundo sa loob ng pitong araw (cf. Genesis 1:1-2.4). Sa Ehipto, nagkaroon ng pitong taon ng kasaganahan at pitong taon ng taggutom (Genesis 41:29-30).

3 “Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain, pitumpu’t pitong ulit ipaghihiganti si Lamec.” (Genesis 4:24)

4 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 1981

5 Cf. Ang panalangin ng Panginoon, Ama Namin, Mateo 6:9-13

6 Unità è il nome della pace: La strategia di Chiara Lubich, pinamatnugutan ni Maddalena Maltese, Città Nuova, Roma, 2020, p. 37.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read