Home2023Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi...

Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi ang mga bagay na nasa lupa.” (Colosas 3:2)

Ang bagong buhay kay Kristo ay hindi nakakamit nang minsanan, bagkus kailangang patuloy itong hangarin sa pamamagitan ng pagpasyang mamuhay ayon sa Mabuting Balitang dinala Niya sa lupa. Lubusang binabago ng desisyong ito ang ating pag-iisip at pinararanas tayo ng isang radikal na pagbabago.

Ang mga unang Kristiyanong komunidad ay kakabuo pa lamang ngunit nakararanas na sila ng hindi pagkakasundo dahil sa mga maling interpretasyon ng mensahe ng Mabuting Balita ni Kristo. Nalaman ni San Pablo, na nasa bilangguan, ang mga problemang ito sa Colosas at sumulat siya sa komunidad na ito.

Ang Kataga ng Buhay sa buwang ito ay mas mauunawaan kung babasahin natin ang buong pangungusap kung saan bahagi ito. “Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi ang mga bagay na nasa lupa, sapagkat kayo’y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Kristo sa Diyos!1

Upang mapagtagumpayan ang mga magkasalungat na opinyon sa komunidad, inaanyayahan tayo ni San Pablo na ibaling ang ating isip at buong pagkatao kay Kristo na muling nabuhay. Sa katunayan, sa binyag, tayo’y namatay sa sarili at nabuhay kay Kristo. Maaari tayong mabuhay ‘sa naganap na at hindi pa’ ng bagong buhay na ito.

“Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi ang mga bagay na nasa lupa.”

Malinaw na ang posibilidad na ito na makibahagi sa bagong buhay kay Kristo ay hindi nakakamit nang minsanan lamang, bagkus dapat itong patuloy na hangarin sa matinding paglalakbay na tumatagal habambuhay. Nangangahulugan itong paghangad ng mas mahusay sa ating buhay. Sa katunayan, dinala ni Kristo ang buhay ng langit sa lupa, at ang Pasko ng Kanyang Pagkabuhay ang simula ng bagong nilikha, ng isang bagong sangkatauhan. Ang bagong buhay na ito ay tila natural na resulta ng pagpasyang mamuhay ayon sa Mabuting Balita: Lubusang binabago ng desisyong ito ang ating pag-iisip at iwinawasto ang ayos at motibasyon na iminumungkahi ng mundo. Pinalalaya tayo nito mula sa pagkukundisyon at pinararanas tayo ng isang radikal na pagbabago. Hindi minamaliit ni San Pablo ang ‘mga bagay sa lupa’ dahil sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, ang langit ay pumarito sa lupa at ang lahat ay nagpanibago.2

“Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi ang mga bagay na nasa lupa.”

Ano ang ‘mga bagay na nasa itaas’? Isinulat ni Chiara Lubich: “yaong mga pagpapahalagang dinala ni Jesus sa lupa at nagpapakilala sa Kanyang mga alagad: ang pag-ibig, pagkakasundo, kapayapaan, pagpapatawad, ang pagiging patas, kadalisayan ng puso, katapatan, katarungan, at iba pa. Lahat sila’y mga kabutihan at kayamanan na handog ng Mabuting Balita. Kasama nila at sa pamamagitan nila, pinananatili ng mga Kristiyano ang kanilang pakikibahagi sa muling pagkabuhay ni Kristo…

“At paano natin mapapanatiling nakaangkla ang ating mga puso sa langit habang nabubuhay sa gitna ng mundo? Hayaan nating gabayan tayo ng pag-iisip at damdamin ni Hesus na laging nakabaling sa Ama at ng Kanyang buhay na laging sumasalamin sa batas ng langit na siyang batas ng pag-ibig.”3

“Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi ang mga bagay na nasa lupa.”

Ang presensya ng mga Kristiyano sa mundo ay isang matapang na pagtanggap sa bagong buhay ni Kristo na Muling Nabuhay. Sila’y mga bagong babae’t lalaki na hindi makamundo ngunit nabubuhay sa mundo4 na puno ng mga hamon at paghihirap. Ganito ang sinabi tungkol sa mga unang Kristiyano, “Naninirahan sila sa lupa, ngunit sila’y mamamayan ng langit… Kung paanong ang kaluluwa ay nasa katawan, gayon din ang mga Kristiyano sa mundo.”5

Narito ang matapang na desisyon ng isang manggagawa na bunga ng Mabuting Balita ni Kristo. Ang pagtulong niya sa kanyang kasamahan na nawalan ng trabaho ay nagsimula ng isang kadena ng pagmamalasakit ng mga taong naantig sa kanyang halimbawa.

‘Sa pabrika, namigay sila ng mga sulat ng terminasyon ng pagtatrabaho at ang isa sa mga nakatanggap ay si Giorgio. Batid ko ang kanyang mahirap na sitwasyong pinansyal kaya’t inanyayahan ko siyang bumalik sa opisina ng namamahala sa mga empleyado: “Mas mabuting ako na lang ang tanggalin ninyo kaysa sa kanya,” sabi ko. “May trabaho ang asawa ko: Pwede ninyo akong tanggalin sa trabaho.” Nangako ang tagapamahala na susuriin niya ang kaso. Pag-alis namin, niyakap ako ni Giorgio at napaiyak siya. Nabalitaan ng mga tao ang nangyari at nag-alok ang dalawa pang manggagawa, na halos kapareho ko ng sitwasyong pinansyal, na pumalit sa dalawa pang lalaking matatanggal sa trabaho. Napilitan ang mga namamahala sa kumpanya na pag-isipang muli ang mga pamamaraan nito ng pagpili kung sino ang tatanggalin. Narinig ito ng kura paroko at ikinuwento sa kanyang sermon sa Misa ng Linggo na walang binabanggit na pangalan. Kinabukasan, sinabi niya sa akin na dalawang babaeng estudyante ang nagbigay sa kanya ng kanilang buong ipon para sa mga manggagawang nangangailangan. Sabi nila, “Gusto rin naming tularan ang ginawa ng manggagawang iyon” ’ (B.S. – Brazil).6

Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Colosas 3:13

2 Cf. 2 Corinto 5:14

3 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Abril 2001

4 Cf. Juan 15:18-21

5 Diognetus 5:5-6 sa Writings of the Apostolic Fathers

6 Hango sa www.focolare.org

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read