Home2021“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para...

“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.” (Jn 10:11)

Ang pagmamahal ay nagpapalawak ng ating pagkamalikhain sa isip: makahahanap tayo ng paraan upang maakit ang iba sa ating ginagawa at mga bagong pamamaraan ng pakikitungo sa kanila.

Kung titingnan natin ang mga larawan ng kultura ng kapanahunan ng Bibliya at ang mabagal na takbo ng pamumuhay ng mga taong pagala-gala at nagpapastol ng hayop, tila napakalayo nito sa ating pang araw-araw na pangangailangan ng kahusayan at pakikipagkumpitensiya sa iba. Gayunpaman, nararamdaman din natin minsan ang pangangailangang huminto, maghanap ng lugar upang makapagpahinga at makatagpo ng tatanggap sa atin kung sino at anuman tayo.

Higit sa lahat, si Hesus ang Siyang handang tumanggap sa atin upang magbigay ng kapahingahan: tunay na nakahanda Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin.

Sa mahabang salaysayin ng Mabuting Balita ayon kay Juan, kung saan hinango itong Kataga ng Buhay, tinitiyak sa atin ni Hesus na Siya ang presensya ng Diyos sa kasaysayan ng bawat tao gaya ng ipinangako ng mga propeta sa bayan ng Israel.[1]

Si Hesus ang pastol at gabay na nakakakilala at nagmamahal sa Kanyang mga tupa; sa ibang salita, kilala Niya at minamahal ang pagod at kung minsa’y naliligaw Niyang sambayanan. Hindi Siya isang taong hindi kilala na hindi alintana ang pangangailangan ng Kanyang kawan, o isang magnanakaw, o tulisan na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa, o isang kawal na bayarán na gumagawa lamang para sa sariling kapakanan.

“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.”

Ang kawan na itinuturing ni Hesus na Kanya ay binubuo ng Kanyang mga alagad at mga binyagan, subalit mayroon pang iba. Kilala ni Hesus ang bawat nilalang, tinatawag Niya sila sa kani-kaniyang pangalan at magiliw na inaaruga ang bawat isa.

Siya ang tunay na pastol na gumagabay sa ating buhay at hinahanap tayo tuwing tayo ay naliligaw.[2] Bukod doon, naialay na Niya ang Kanyang buhay upang matupad ang kalooban ng Ama. Kalooban ng Diyos ang maranasan natin ang kaganapan ng personal na ugnayan at pakikipag-isa sa Kanya at manumbalik ang pagtuturingan ng lahat bilang magkakapatid na lubhang nasira ng kasalanan.

Maaaring magsikap ang bawat isa sa atin na kilalanin ang tinig ng Diyos, marinig ang mga salitang ibig Niyang ipahatid sa atin, at buong-tiwalang sundin ito. Higit sa lahat, makaaasa tayo na tayo ay minamahal, inuunawa at lubusang pinapatawad Niyang nagsasabing:

“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.”

Kapag kahit na sa mumunting paraan nararanasan natin ang tahimik subalit makapangyarihang presensyang ito sa ating buhay, magniningas sa ating puso ang pagnanais na ibahagi ito at lumago sa kakayanang kumalinga at tumanggap sa kapwa. Sa pagsunod sa halimbawa ni Hesus, maaari nating sikaping kilalanin at higit na unawain ang bawat miyembro ng ating pamilya, mga kasamahan at mga kapitbahay upang sa gayon, mahahayaan nating magambala ng mga pangangailangan ng iba ang ating masyadong kumportableng pamumuhay.

Ang pagmamahal ay nagpapalawak ng ating pagkamalikhain sa isip: makahahanap tayo ng paraan upang maakit ang iba sa ating ginagawa at mga bagong pamamaraan ng pakikitungo sa kanila. Sa ating mumunting paraan, makaaambag tayo sa pagbuo ng mga pamayanang may kapatiran at bukas sa lahat, na may kakayanang maging matiyaga at may lakas-loob na umalalay sa iba sa kanilang paglalakbay sa buhay.

Sa pagninilay sa mga katagang ito, isinulat ni Chiara Lubich: “Hayagang sinabi ni Hesus hinggil sa Kanyang sarili: ‘Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.’ (Juan 15:13). At lubos Niyang isinabuhay ang pag-aalay niyang ito. Ang pag-ibig Niya ay nagpapakasakit para sa iba, isang pag-ibig na tunay na handang ialay, ibigay ang sariling buhay. Ito rin ang hinihingi ng Diyos sa atin… mga gawa ng pagmamahal na taglay (kahit man lang sa ating layunin at pasya) ang ganitong sukat ng pagmamahal Niya. Ang ganitong uri lamang ng pagmamahal ang maituturing na Kristiyanong pagmamahal: hindi lang anumang uri ng pagmamahal, hindi isang mababaw na pagmamahal, kundi isang napakadakilang pag-ibig na tinataya maging ang sariling buhay… Sa ganitong paraan, tataas ang kalidad ng ating buhay bilang Kristiyano; lubos itong lalago at uusad. At mamamalas natin ang mga tao mula sa bawat sulok ng mundo na nagtitipon-tipon sa paligid ni Hesus, naaakit ng Kanyang tinig.”[3]

Letizia Magri

_____________________________

[1] Cf. Ezekiel 34:24-31

[2] Cf. Lucas 15:2-7, Mateo 8:12-14

[3] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Abril 1997

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read