Home2023“Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyari nawa para sa iyo ang hinihiling...

“Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyari nawa para sa iyo ang hinihiling mo.” (Mateo 15:28 )

Pinapahintulot ng Diyos na dumaan ang ating pananampalataya sa mga sitwasyong mabigat at, kung minsan, mahirap maintindihan. Nais niya tayong gawing dalisay upang makita kung ipapaubaya natin ang ating sarili sa Kanya, na naniniwalang ang Kanyang pag-ibig ay higit pa sa ating mga plano, hangarin, o inaasahan.

Patungo si Hesus sa rehiyon ng Tiro at Sidon, isang banyagang lupain. Tila naghahanap siya at ang Kanyang mga alagad ng pagkakataong makapagpahinga at marahil, para rin makapag-isa, magtamasa ng katahimikan, makapagdasal, at may masilungan. Biglang narinig nila ang sigaw ng isang babae na, tulad ng ibang mga tauhan sa Mabuting Balita, ay walang pangalan. Ginagambala at iniinis niya ang mga alagad na “nagsusumamo” kay Hesus na paalisin siya: “nagsisisigaw siya at sunod nang sunod sa atin.” Para sa babae, hindi hadlang ang kanyang pagiging hindi Israelita, o ang kanyang pagiging babae, o na hindi siya pinapansin ng Guro. Siya’y isang inang gipit at desperado para sa kanyang anak na babae na “pinahihirapan ng isang demonyo.” Nilapitan niya si Hesus, desidido sa pagnanais na makipag-usap sa Kanya, at nagawa niyang “lumuhod” sa harap ng Panginoon habang pilit siyang humihingi ng tulong. Tumugon si Hesus nang may kakaibang kabagsikan at sinabi, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.”

“Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyari nawa para sa iyo ang hinihiling mo.”

Tinanggap ng babae ang pagtanggi sa kanya, at naiintindihan niya na ang kanyang mundo ay hindi bahagi ng pangunahing misyon ni Hesus. Hindi niya itinuturing ang kanyang Diyos bilang isang makina na nagbibigay ng mga grasya, kundi isang ama na nagnanais ng isang tunay na ugnayan na pinapahalagahan ang kanyang sariling kahirapan. Batid ito, tinignan ng babae si Hesus at sinabi, “Tama po kayo, Panginoon, subalit maging ang mga aso’y kumakain ng mga mumong nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Inilagay niya si Hesus – kung baga – sa isang mahirap na kalagayan, at Siya’y naantig sa kababaang-loob ng taong ito na kontento sa mga mumo. Maging ang kanyang mga pagsigaw ay tila pagpapahayag ng pananampalataya, at “Panginoon, Anak ni David!”ang tawag niya kay Hesus.

“Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyari nawa para sa iyo ang hinihiling mo.”

Ang kanyang dakilang pananampalataya ay nakapaloob sa mga aklat ng Mabuting Balita, sa pamamagitan ng ilang pandiwa: ang babae ay tumindig at pumunta kay Hesus; siya’y sumigaw; umiyak; humingi ng awa; kinilala niya si Hesus bilang Panginoon at nagpatirapa sa harap Niya; nanatili siyang matatag at may katiyakan na para sa Panginoon ang inaakalang imposible ay posible; tumugon siya sa kabagsikan ni Hesus nang may pangangatuwirang walang kapintasan. Ang pagmamahal at pagtitiwala ng isang ina ang kanyang lakas. “At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.”

Itong Salita ng Diyos ay larawan ng pananampalatayang buhày na kumikilos sa isang tao. At, kasabay nito, ipinapakita ang mga pagsisikap at paglalakbay ng sinaunang Kristiyanong komunidad na sinulatan ni San Mateo, habang ito’y nagbubukas sa mundo ng mga hindi Hudyo na naghahanap ng pananampalataya at bukas sa pagtanggap nito.

“Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyari nawa para sa iyo ang hinihiling mo.”

Tulad ng babaeng taga-Syro-Phoenicia, “maaaring subukin ang ating pananampalataya ng isang biglaang suliranin, o ng isang hindi inaasahang pangyayari na sumisira sa mga plano natin, o ng isang malubhang karamdaman, o ng pagtagal ng isang mahirap na kalagayan,”2 at, maaari nating idagdag, ang kawalan ng kapayapaan sa mundo, ang mga sistema ng kawalang-katarungan, isang planetang malubha ang kalagayan o ang alitan sa pamilya o sa lipunan… At isa sa ating maaaring maging kahinaan ay ang kawalan ng tiyaga at lubos na pananampalataya. “Pinapahintulot ng Diyos na dumaan ang ating pananampalataya sa mga sitwasyong mabigat at, kung minsan, mahirap maintindihan. Nais Niya tayong gawing dalisay upang makita kung ipauubaya natin ang ating sarili sa Kanya, na naniniwalang ang Kanyang pag-ibig ay higit pa sa ating mga plano, hangarin, o inaasahan.”3

Ganito ang nangyari kay Saliba. Noon tila kakailangin niyang lisanin ang kanyang lungsod at ang kanyang matatandang magulang sa Homs, Syria. Ang kanyang ama’y taga-ayos ng salamin at nawasak ang kanyang tindahan sa lungsod noong panahon ng digmaan. Tulad ng ibang kabataan, naisip ni Saliba na kakailangin niyang magsimula muli sa ibang lugar, ngunit hindi siya sumuko. Siya’y dalawangpu’t dalawang taong gulang pa lamang at isa siyang taong desidido, na ayaw palampasin ang pagkakataong tumulong sa kanyang mga kababayang nagdurusa. Sinamantala ni Saliba ang pagkakataong inialok sa kanya ng isang proyektong tinatawag na RestarT, upang magbukas ng sarili niyang tindahan, kung saan makabibili ang kanyang mga kababayan ng keso, yogurt at mantikilya na gawa ng kanyang ina, pati na rin ang patani, kape, at iba’t ibang langis at pampalasa sa pagkain. Mayroon na siyang refrigerator at power generator. Sa mga araw na sarado ang tindahan, namamahagi siya at ang kanyang matandang ama ng mga tiklis ng pagkain sa mga pamilyang nangangailangan.

Victoria Gómez at ang Word of Life team


1 Mula Agosto 1-6, 2023, ang XXXVII World Youth Day (WYD) ay magaganap sa Lisbon (Portugal). Ang tema ng Mabuting Balita na pinili para sa pagtitipon ay “Tumindig si Maria at nagmamadaling umalis” (Lucas 1:39). Sa kanyang mensahe sa mga kabataan, ipinaliwanag ni Papa Francisco, “Ang Ina ng Panginoon ay isang modelo para sa mga kabataang naglalakbay sa iba’t ibang lugar, na ayaw tumayo sa harap ng salamin upang pagmasdan ang kanilang sarili o mahumaling sa Internet. Palaging nakatuon si Mary sa labas ng sarili.” At umaasa siya na ang WYD ay magiging panahon para muling tuklasin nang sama-sama “ang kagalakan ng maka-kapatirang pagtanggap sa pagitan ng mga lahi at henerasyon, isang pagtanggap ng pagkakasundo at kapayapaan, isang pagtanggap ng bagong kapatirang misyonero!”

2 Chiara Lubich, Kataga ng Buhay, Hunyo 1994

3 Ibid.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read