Home2021Ang Pagiging Banal

Ang Pagiging Banal

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw, at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Ang mga kaluluwa ay madalas maakit sa ideya ng kabanalan. Marahil ito ang biyaya ng Diyos na kumikilos, na pumupukaw ng pagnanais na maging banal sa kanila.

Ang pag-iisip tungkol sa kahalagahan ng mga santo, ng impluwensya ng kanilang pagkatao sa kanilang panahon, ng laganap at nagpapatuloy na rebolusyon na dinala nila sa mundo, ang madalas na nagpapaalab ng pagnanais ng kabanalan. Ngunit, kung minsan, ang kaluluwa, na malugod na pinahihirapan ng ideyang ito, ay tumitingin sa mga banal na para bang nahaharap sa isang di-matatawid na bangin o isang di-malagusang pader.

‘Ano ang magagawa ko upang maging isang santo?’ tanong ng kaluluwa.

‘Anong pagsubok, anong sistema, anong mga kasanayan, anu-ano ang mga paraang kailangang sundin?’

‘Kung alam kong magagawa ito ng penitensya, hahampasin ko ang aking sarili mula madaling araw hanggang sa dapit-hapon. Kung alam kong ang pagdarasal ang kinakailangailangan gawin, magdarasal ako gabi at araw. Kung sapat na ang maging isang mangangaral, matutuwa akong magtungo sa mga lungsod at nayon, na walang pagod na dinadala ang salita ng Diyos sa lahat… ngunit hindi ko alam, hindi ko alam ang daan. ’

Ang bawat santo ay may mga tampok na katangian na kanya lamang, at ang mga santo ay magkakaiba tulad ng pinakamalawak na pagkakaiba-iba ng mga bulaklak sa isang hardin…

Ngunit marahil may isang paraan na mabuti para sa lahat.

Marahil hindi natin kailangang alamin ang ating sariling daan, ni gumuhit ng mga plano o lumikha ng isang programa; sa halip, ibabad natin ang ating sarili sa sandaling madaling lumipas upang matupad para sa oras na iyon ang nais Niya na tinawag ang Kanyang sarili na ‘Daan’ (Juan 14: 6), ang pinakamainam na daan. Ang nakaraang sandali ay wala na; ang susunod marahil ay hindi magiging atin. Ngunit tiyak na maaari nating mahalin ang Diyos sa sandaling ipinagkaloob sa atin sa kasalukuyan. Ang kabanalan ay binubuo sa bawat sandali.

Walang nakakaalam ng kanilang sariling kabanalan; madalas hindi rin nalalaman ang kabanalan ng ibang tao, habang tayo’y nabubuhay. Pag natapos na ng isang kaluluwa ang landasin nito’t nakakuha na ng pagsusulit, doon pa lamang maisisiwalat sa mundo kung ano ang plano ng Diyos para dito.

Kaya’t ang gawain natin ay ang pagtaguyod ng kabanalan, sa bawat sandali, na tumutugon nang buong puso, kaluluwa, at lakas sa pag-ibig na ipinagkaloob ng Diyos sa atin – isang personal na pagmamahal bilang ating Ama sa langit at kasing dakila ng pag-ibig ng isang Diyos.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 45-46.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read