HomeArchives2016Tinawag Upang Maging Sambayanan

Tinawag Upang Maging Sambayanan

Sa pagpapatuloy ng ating serye ng mga pagninilay hango mula sa akdang Tinawag Upang Maging Sambayanan, narito ang ilang mga kaisipan at karanasang naglalahad ng ikaapat sa 12 punto ng Espiritwalidad ng Pagkakaisa: Pagmamahal sa Kapwa.

Diyos? Isa sa mga pinakamahusay na paraan upang maging malapit sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwa. Sinabi sa atin ni Hesus na anuman ang gawin natin sa pinakamaliit, ginagawa natin iyon sa Kanya. “Ako ay nagugutom, at pinakain mo ako; ako ay nauuhaw, at binigyan mo ako ng inumin… ako ay nasa bilangguan, at binisita mo ako” (Mt 25: 35-36). Ang ating kapwa ay sinumang nasa ating tabi sa kasalukuyan sandali.

Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Ebanghelyo, “taglay natin ang isipan ni Kristo” (1 Cor 2:16), at tulad Niya ay nais nating mahalin ang lahat ng tao nang walang pagtatangi at gawin ang unang hakbang upang mahalin ang ating kapwa. Sa pagsasabuhay ng Ebanghelyo, mapapagtanto nating lahat na sa mundong ito tayo ay magkakapatid, at iisa ang ating Diyos na Ama nating lahat.

Sa mga panahong nagdaan, minsan ay itinuturing na balakid ang kapwa sa pagnanais na mahalin ang Diyos. Ngayon ay nauunawaan nating ang pagmamahal sa kapwa ay nasa sentro ng ating buhay Kristiyano. Habang higit nating minamahal ang ating kapwa, higit din nating minamahal ang ating Diyos. Ang Kristiyano ay siyang nagmamahal sa lahat ng oras.

Mula sa salaysay ng mga pangunahing karanasan ni Chiara Lubich: Isang araw, nabasa namin sa Ebanghelyo, “Anuman ang inyong gawin sa isa sa aking mga pinakamaliit na kapatid na ito ay ginawa ninyo sa akin” (Mt 25:40). Dahil sa kakilakilabot na mga pangyayari ng nagaganap na digmaan, marami sa mga naroroon sa aming paligid ang nagugutom at nauuhaw.

Sila’y sugatan, nangangailangan ng damit at ng masisilungan; sinuman ang naranasang mabuhay sa panahon ng digmaan ay nakauunawa nito. Kaya noon ay nagluluto kami gamit ang malalaking kaldero ng sopas na aming dinadala sa kanila. Inaanyayahan din namin ang mahihirap na mananghalian kasama namin.

Isang araw lumapit sa akin ang isang mahirap na lalaki at sinabi, “Kailangan ko ng isang pares ng sapatos, size 12.” Ang makahanap ng isang pares ng sapatos sa panahon ng digmaan ay hindi madali – paano pa kaya ang makahanap ng wastong sukat. Hindi kalayuan mula sa amin, naroon ang isang maliit na simbahan, ang simbahan ni Santa Clara na malapit sa ospital ng Trento. Pumasok ako ng simbahan, nagtungo sa harap ng tabernakulo at aking sinabi, “Jesus, bigyan Mo ako ng isang pares ng sapatos, size 12, para sa Iyo sa dukhang lalaking iyon.” Habang paalis ako ng simbahan at malapit sa pasukan nito ay lumapit sa akin ang isang babae.

Iniabot niya sa akin ang isang supot; at sa aking pagbukas nito ano ang aking nakita? Isang pares ng sapatos na panlalaki, size 12. Ang mga karanasang tulad nito ay nagdulot sa amin ng higit pang pananabik upang ipagpatuloy ang ganitong bagong pamumuhay.1“Isang kapwa-tao ang dumadaan sa ating tabi sa bawat sandal. Sukatin ang iyong pag-ibig para sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal na idinadala mo para sa kapwang iyon.”2

Chiara Lubich

Bakit hindi ka galit? 

Nitong nakaraang Setyembre, dalawa sa aking tatlong anak ang nagsimulang pumasok sa paaralan – isa sa kindergarten, at isa sa nursery.

Natuklasan kong ang aking pagsisikap na ihanda ang lahat at maigayak sila sa tamang oras ay unti-unting naging nakakapagod para sa akin. Hindi ko namalayang dahil sa aking stress, nababagabag na rin pala ang mga anak ko.

Isang araw, tinabihan ko sa pag-upo ang aking anak na lalaki upang itali ang sintas ng kanyang mga sapatos bago siya umalis patungong paaralan.

Talagang sinikap ko siyang mahalin bilang isa pang Jesus. Sa kanyang pagtingala sa aking mukha ay kanyang sinabi, “Mama, bakit hindi ka galit?” Akala ko’y hindi ko siya narinig ng tama at tinanong ko siya, “Ano, anak?” Inulit niya ang kanyang tanong.

Ginawa ko ang isang mabilis na pagsusuri ng konsensiya at naunawan ko kung ano ang ibig niyang sabihin.

Nahinuha kong maaaring hindi ako nakilala ng aking anak dahil ang aking galit ay naging bahagi na ng kanyang buhay. Sa isang saglit, napuspos ako ng kalungkutan, subalit matapos nito’y agad kong nadama ang taos-pusong pasasalamat sa Diyos. Ako ay nagbago, at nakita ko ang pagbabagong iyon sa mga mata ng aking anak.

A.M.

Ilang Gabay na Tanong para sa Pagninilay

Ano ang ibig sabihin ng mahalin ang “kapwa na aking katabi” sa kasalukuyang sandali? Magbigay ng ilang halimbawa ng mga pagkakataong minahal ni Hesus ang Kanyang kapwa.

Ipagpalagay na isinabuhay mo ang Gintong Aral nang isang buong araw, mula umaga hanggang gabi. Ilarawan ito.

Pang-araw-araw na pagsusuri ng konsensiya: Nakita ko ba si Hesus sa aking kapwa? Naging bukas at handa ba ako upang salubungin nang may kaligayahan ang bawat kapwa?

Isinalin ni John Paul Dominic Yumul
mula sa librong “Called to Be Community: Making the Church a Home and School of Communion.”

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read