Hindi natin lubusang mauunawaan ang kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Sapat lamang na sabihin na ito ang pag-uugali na tagubilin ng mga dalubhasa sa buhay kabanalan sa mga taong malapit nang mamatay.
Kung nabubuhay ako sa kasalukuyan, kapiling ko ang Diyos sa kanyang kalooban, na nasa akin kasama ng kanyang biyaya. Kung hindi, malayo Siya sa akin at ako sa Kanya.
Madalas tayong naghahanap ng mga daan na magdadala sa atin sa Kanya. Hangad nating maging mas mabuti, at kahit ang pagiging banal. Ngunit bakit pa tayo maghahanap ng mga daan kung Siya ang Daan (Juan 14:6)? Siya’y nandiyan lagi at naghihintay na lumikha kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay. Sa panahong kaloob sa atin, nais Niyang makagawa tayo ng mga bagay na karapat-dapat sa mga anak ng Diyos.
Minsan hangad nating baguhin itong tahimik at nakababagot na buhay. Nais nating sumalungat sa agos ng mundo at bumalik sa dalisay na tugatog ng kabanalan. At nararamdaman natin na ang mga pagsubok, ang mabibigat na dagok sa buhay, ang mga paghihirap, pagsasakripisyo at pighati ay maaaring makatulong sa atin upang maabot ito.
Makakatiyak tayo sa bagay na ito: Ipinapakita ng Diyos ang kanyang sarili sa kasalukuyan – sa mga masasakit at mga di-maiiwasang pangyayari ng buhay gayundin sa may kamalayang pagtalikod sa sarili kung saan tayo tinatawag ni Hesus sa iba’t ibang paraan: “Talikdan mo ang iyong sarili at pasanin ang iyong krus” (Mateo 16:24).
Maaaring maging simple ang buhay kung hindi natin paguguluhin ito! Sapat nang nakaugat tayo sa kasalukuyan kasama ang lahat ng mga kagalakan, sorpresa, pagsisikap, at pagtupad sa mga tungkulin. Tatakbong maayos ang lahat na parang dinadala tayo ng isang makapanyarihang lakas patungo sa pagpapala ng buhay na walang hanggan.
Chiara Lubich
Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 22-23