Home2021Panturo sa Paglalakbay

Panturo sa Paglalakbay

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Sa isang paglalakbay sa eroplano ilang taon nang nakalipas, isang mabait na flight attendant ang nag-anyaya sa akin sa kompartimento ng piloto. Napahanga ako sa napakagandang tanawin, malawak at walang hadlang, na handog ng malalaking bintana ng kompartimento ng piloto, ngunit lalo pa sa mga paliwanag ng piloto.

Sinabi niya sa akin na para mamiloto ng eroplano, dapat mo munang itakda ang compass sa direksyon ng iyong patutunguhan. Pagkatapos, habang papunta roon, dapat mong bantayan ito upang tiyakin na ang eroplano ay hindi lumilihis sa itinakdang ruta.

Sa isip ko, sinimulan kong ihambing ang isang paglalakbay sa eroplano sa paglalakbay ng ating buhay, na tinatawag din nating “banal na paglalakbay.” Dito rin, kailangan tayong magsimula na nagtatakda ng ating compass sa direksyon na dapat sundan ng ating kaluluwa: Si Jesus na sumisigaw sa krus ng “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). Sa daan, isang bagay lamang ang kailangan nating gawin: manatiling tapat sa kanya.

Tinatawag tayo ng Diyos na sundan ang landas na ito: ang mahalin si Jesus na Pinabayaan sa bawat paghihirap na hinaharap natin sa ating buhay. Nangangahulugan itong pagsunod sa kanyang kalooban dahil sa pagmamahal sa kanya, na isinasantabi ang ating kalooban upang manaig ang kanyang kalooban. Ang pagmamahal kay Jesus na Pinabayaan ay nangangahulugang pagtuklas kung ano ang tunay na pag-ibig, matutunang mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal niya sa atin. Nangangahulugan ito na magsanay sa pagsasabuhay ng lahat ng mga kagandahang-asal tulad noong sandaling buong giting niya itong ipinamalas…

Sa eroplanong iyon, napansin ko na ang piloto ay malayang kumikilos. Hindi siya nangailangan ng renda tulad ng kakailanganin mo sa isang kabayo o isang manibela sa isang kotse. Kung itatakda natin ang ating espirituwal na compass na nakatutok kay Jesus na Pinabayaan, wala na rin tayong kakailanganin pang iba upang maabot ang ating layunin nang ligtas.

Sa isang paglalakbay sa eroplano, walang mga kurbadang gugulat sa iyo dahil lumilipad ka sa isang tuwid na linya, at hindi problema ang mga bundok dahil mabilis kang umabot sa isang mataas na lugar sa langit. Sa ating banal na paglalakbay, ang pag-ibig natin kay Jesus na Pinabayaan ay naglalagay agad sa atin sa isang mataas na lebel. Kaya’t hindi tayo natatakot sa mga hindi inaasahang pangyayari, o lubos na kapaguran sa pag-akyat. Anuman ang hindi inaasahan, mahirap o masakit, ay nakita na at inasahan na kay Jesus na Pinabayaan.

Sa pagbangon natin sa umaga, itakda natin ang ating compass kay Jesus na Pinabayaan… at sa buong maghapon, palagi nating suriin kung nasa tamang ruta pa rin tayo. Kung mabatid nating lumihis na tayo, ipangako natin muli sa kanya ang ating katapatan.

Sa ganitong paraan, magagawa rin nating ulitin kasama si Santa Clara: “Humayo kang panatag, aking kaluluwa, dahil mayroon kang isang mabuting kasama sa iyong paglalakbay. Humayo ka sapagkat ang lumalang sa iyo’y lagi kang binantayan at ginawa kang banal.”

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 40-41

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read