Natagpuan Kita sa napakaraming pook, Panginoon. Nadama ko ang pintig ng Iyong puso sa ganap na katahimikan ng isang simbahan sa mataas na bundok, sa malilim na dambana ng isang walang katao-taong katedral, sa iisang damdamin at isipan ng mga taong nagmamahal sa Iyo at nagpupuno sa mga arko ng Iyong simbahan ng mga awit at pag-ibig.
Natagpuan Kita sa kagalakan. Nakausap Kita sa ibayo ng mabituing langit kapag tahimik akong umuuwi sa gabi galing sa trabaho.
Hinahanap Kita at malimit Kitang natatagpuan.
Subalit palagi Kitang natatagpuan sa paghihirap.
Ang paghihirap — anumang uri ng paghihirap — ay katulad ng isang tumutunog na kampanang tumatawag sa kabiyak ng Diyos sa panalangin.
Kapag lumilitaw ang anino ng krus, nagninilay ang kaluluwa sa loob ng dalanginan nito, nalilimutan nito ang tumutunog na kampana, at nakikita Ka’t nakikipag-usap sa Iyo.
Ikaw ang Siyang dumarating upang dalawin ako. Ako ang sumasagot sa Iyo, “Narito ako, Panginoon. Iniibig Kita. Ikaw ang aking hinahangad. Sa pagtatagpong ito, hindi na nararamdaman ng aking kaluluwa ang paghihirap nito. Subalit ito ay halos lasing sa Iyong pag-ibig, nalulukoban Mo, puspos sa Iyo. Ako sa Iyo, Ikaw sa akin hanggang tayo’y maging isa.
At muli kong binubuksan ang aking mga mata, sa isang buhay na di-lubhang tunay, yamang handang-handa ako ngayon na makipaglaban sa Iyong digmaan.
Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”