Home2020JuneNamamalaging Presensya

Namamalaging Presensya

“Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” (Mateo 28:20)

Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa kanyang mga alagad matapos niyang ipagkatiwala sa kanila ang gawain ng pagpapahayag ng kanyang mensahe sa buong mundo. Batid niya na pinapadala niya sila bilang mga tupa sa gitna ng mga lobo at makararanas sila ng pagsalungat at pag-uusig. Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya nais iwanan sila sa kanilang misyon. Kaya, sa kanyang pag-alis, nangangako siyang manatili! Hindi na nila siya makikita ng kanilang mga mata, hindi na nila maririnig ang kanyang tinig, hindi na nila siya mahahawakan, ngunit mananatili siya sa kanilang piling, tulad ng dati, o, higit pa sa dati. Sa katunayan, kung hanggang sa mga sandaling iyon ay matatagpuan ang kanyang presensya sa isang tanging lugar – sa Capernaum, sa lawa, sa bundok, o sa Jerusalem – mula ngayon, makakasama niya ang kanyang mga alagad saan man sila naroroon.

Nasa isipan din ni Jesus tayong lahat na mangangailangang mamuhay sa gitna ng isang masalimuot na buhay araw- araw. Dahil siya ay pag-ibig na nagkatawang-tao, maaaring naisip niya: “Nais kong makasama sila palagi, nais kong mak-ibahagi sa kanilang mga alalahanin, nais kong payuhan sila, lumakad kasama nila sa mga lansangan, pumasok sa kanilang mga tahanan, at sa pamamagitan ng ak-ing presensya, buhayin muli ang kanilang kagalakan.” Nais niyang manatili sa atin, upang ipadama ang kanyang pagiging malapit sa atin, ang kanyang lakas at ang kanyang pag-ibig.

Sinasabi ng Mabuting Balita ayon kay Lucas na, matapos nilang makita siyang umakyat sa langit, ang mga alagad ay ‘bumalik sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan’ (cf. Lc. 24: 52). Paano iyon? Ito ay dahil naranasan nila ang katotohanan ng kanyang mga sinabi. Tayo rin ay mapupuno ng kagalakan kung tunay tayong naniniwala sa pangako ni Jesus:

“Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

Ang mga salitang ito, ang mga huling sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, ang nagsisilbing tanda ng pagtatapos ng kanyang buhay sa mundo at, kasabay nito, ang simula ng buhay ng Simbahan, kung saan naroroon siya sa maraming paraan – sa Eukaristiya, sa kanyang Sali-ta, sa kanyang mga tagapaglingkod (ang mga obispo at pari), sa mga mahihirap, sa mga kabataan, sa mga di binibigyan ng pansin sa lipunan… sa bawat kapwa.
Gusto nating bigyang-diin ang isang natatanging presensya ni Jesus, na siya mismo ang nagpahiwatig sa atin sa Mabuting Balita ayon kay Mateo 18: 20: “Kung saan may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa aking pangalan, naroon ako sa piling nila.” Sa ganitong paraan, maaari siyang manatili saan man.

Kung isasabuhay natin ang iniuutos niya, lalo na ang kanyang bagong utos, maaari rin nating maranasan ang kanyang presensya sa labas ng mga simbahan, sa mga tao, saan man sila nakatira, sa lahat ng lugar.

Ang hinihiling sa atin ay ang tugunang pagmamahal, na nangangailangan ng paglilingkod, pag-unawa at pagbabahagi sa mga sakit, pagkabalisa at kagalakan ng ating mga kapatid. Ito ang uri ng pag-ibig na tinatakpan ang lahat, pinapatawad ang lahat. Ito ang pangunahing katangian ng isang Kristiyano.

Mamuhay tayo nang ganito, upang ang lahat ay magkaroon ng pagkakataon na makatagpo siya habang narito pa sa mundong ito.

Isinalin ni Jonas Lardizabal mula sa Kataga ng Buhay, Mayo 2002 na sinulat ni Chiara Lubich

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read