Home2023Nabubuhay nang Lubusan

Nabubuhay nang Lubusan

Ang buhay Kristiyano ay pagmamahalan na nagbubunga ng pagkakaisa. Subalit ito’y isang patuloy na pagsisikap upang madaig ang pagkamakasarili. Kailangang makitang bago ang ating kapwa at simulan muli ang buhay kasama niya sapagkat inalis na ni Hesus ang lahat ng humahadlang sa ugnayan natin sa iba.

Ang Kristiyano ay hindi tinatawag na maghangad lamang, bagkus tinatawag siyang mabuhay nang lubos, lumangoy sa liwanag, tumalon sa dagat ng mga krus. Sa halip, nawawalan minsan ng sigla ang ating buhay, mahina ang ating pang-unawa, walang katiyakan ang ating pagdedesisyon, sapagkat tinuruan tayo sa mga pamamaraan ng mundo, at nasanay tayo sa isang makasariling uri ng pamumuhay na salungat sa buhay Kristiyano.

Si Kristo ay pag-ibig at samakatuwid, ang Kristiyano ay dapat maging pag-ibig din. At ang pag-ibig ay lumilikha ng pakikipag-isa, na batayan ng buhay Kristiyano at pinakatugatog nito.

Sa pakikipag-isang ito, ang tao’y hindi na pumupunta sa Diyos nang nag-iisa, bagkus naglalakbay siya kasama ang iba. At ito’y isang bagay na walang katulad ang ganda. Ito ay nagbubunsod sa ating kaluluwa na ulitin ang taludtod sa Banal na Kasulatan, “Anong inam, anong tamis, kung ang mga magkakapatid ay nabubuhay sa pagkakaisa” (Salmo 133:1).

Gayunpaman, itong pakikipag-isa bilang magkakapatid ay hindi isang kaligayahang kulang sa pagkilos. Ito’y isang patuloy na pagsisikap na nagbubunga hindi lamang sa pagpapanatili ng pakikipag-isa, kundi sa pagpapalaganap din nito sa marami pang iba, sapagkat ang pakikipag-isa ay pagmamahal. Ito ay pag-ibig. At ang pag-ibig ay sadyang mapagpalaganap.

Madalas mangyari na nasisira ang pagkakaisa ng mga nagpasiyang magtungo sa Diyos nang sama-sama. Parang alikabok itong pumapasok at nagiging hadlang sa kanilang ugnayan, at kumukupas ang dating pang-akit sapagkat ang liwanag na sumikat sa kanila ay unti-unting naglalaho.

Ang “alikabok” na ito ay maaring isang alalahanin, o isang pagkagiliw sa sarili o sa iba — na minamahal ang sarili para bigyang-kasiyahan ang sarili at hindi ang Diyos, o minamahal ang ating kapwa para bigyang-kasiyahan ang sarili at hindi ang Diyos. Sa ibang pagkakataon, maaring isang paglayo ito ng kaluluwa na dati’y nagbibigay ng sarili sa iba, isang pagtuón sa sarili, sa sariling kalooban, sa halip na ituon ang isip sa Diyos, sa ating kapwa alang-alang sa Diyos, o sa kalooban ng Diyos.

Kalimitan ito ay isang maling palagay tungkol sa mga kasama natin sa ating tahanan.

Sinabi natin na nais lang nating makita si Hesus sa ating kapwa, pakitunguhan si Hesus sa ating kapwa, mahalin si Hesus sa ating kapwa. Subalit ngayon napapansin natin na ang kapwa nating ito ay may ganito o ganoong kapintasan, may ganito o ganoong pagkukulang.

Nagiging magulo ang ating pagtingin sa iba at nawawala ang liwanag sa ating puso’t isipan. Bunga nito, nasisira ang pagkakaisa dahil sa ating pagkakamali.

Marahil nakagawa ng pagkakamali ang kapwa nating iyon, katulad nating lahat, subalit paano siya tinitingnan ng Diyos? Ano ang tunay na kalagayan ng taong ito? Ano ang katotohanan tungkol sa katayuan niya?

Kung muling nakipagkasundo ang taong ito sa Diyos, kinalilimutan ng Diyos ang lahat ng nagawa niya. Pinawi Niya ang lahat ng ito sa pamamagitan ng Kanyang dugo. Kung gayon, bakit pa natin inaalala ang nagawa ng ating kapwa?

Sino ang nagkakamali sa sandaling iyon?

Ako na humuhusga, o ang aking kapwa?

Ako.

Samakatuwid kailangan kong tingnan ang mga bagay-bagay sa pananaw ng Diyos, sa katotohanan, at pakitunguhan ang aking kapwa alinsunod sa mga ito. Pagkatapos, kung sakaling hindi pa muling nakipagkasundo sa Panginoon ang taong ito, aakayin siya ng init ng aking pagmamahal, na si Kristo na nasa sa akin, patungo sa pagsisisi, katulad ng pagpapatuyo at paghilom ng araw sa mga sugat.

Ang pag-ibig ay pinananatili sa pamamagitan ng katotohanan, at ang katotohanan ay dalisay na awa. Kailangan tayong maramtan ng awa mula ulo hanggang paa kung nais nating matawag tayong Kristiyano.

At paano kung magbalik-loob ang aking kapwa?

Kailangan ko siyang makitang bago, na parang walang nangyari. Kailangan kong simulan muli ang buhay kasama niya, sa pagkakaisa ni Kristo katulad ng dati, sapagkat wala nang humahadlang sa ugnayan namin. Poprotektahan ng pagtitiwalang ito ang aking kapwa sa iba pang pagkakamali. At kung gagamitin ko ang sukatang ito sa kanya, makaaasa rin ako balang araw na mahatulan ng Diyos sa gayong paraan.

Chiara Lubich

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read