Home2019Mas Madali Para Sa Isang Kamelyo

Mas Madali Para Sa Isang Kamelyo

“Mas madali para sa isang kamelyo ang magdaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos” (Lucas 18:25). Ang taong mayaman na hindi kumikilos tulad ng sinasabi ni Kristo ay ipinakikipagsapalaran ang buhay na walang-hanggan.
Gayunpaman, tayong lahat ay mayaman, hanggang sa panahon kung saan mabubuhay si Kristo sa atin sa lahat ng Kanyang kaganapan.

Ang taong dukha na dala-dala ang isang pirasong tinapay sa kanyang supot at minumura ang sinumang humipo nito, ay maituturing na mayaman tulad ng iba. Nakatali ang kanyang puso sa isang bagay na hindi Diyos. Kung hindi siya magiging tunay na dukha, sa kahulugan ng Ebanghelyo, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Langit.
Ang daan patungo sa Kaharian ay makitid at ang yaong walang halaga sa kanyang sarili lamang ang makararaan.

Ang ilan ay maaring mayaman sa kaalaman at pagmamataas at ito ang humahadlang sa kanilang pagpasok sa Kaharian, at ang pagpasok ng Kaharian sa kanila. Ang espiritu ng karunungan ng Diyos ay walang natatagpuang lugar sa kanilang kaluluwa.

Ang ibang tao ay maaring mayaman sa pag-aakala, pagpapahalaga sa sarili pantaong pagmamahal. Hanggang hindi sila nakikipagkasira sa lahat ng bagay, hindi sila nasa sa Diyos. Dapat maalis sa puso ang lahat ng bagay upang magbigay ng puwang para sa Diyos, at lahat ng sangnilikha sa pagkakaayos na ibinigay Niya rito.

Ang iba ay maaring mayaman sa mga alalahanin, na hindi nalalaman kung paano ipaubaya ang mga iyon sa awa ng Diyos [“Dumulog ka sa Panginoon, at ikaw ay kanyang kakalingain” (Salmo 55:23).], kung kaya’t sila ay nagdurusa. Hindi nila taglay ang kagalakan, ang kapayapaan, at ang pag-ibig na nagbubuhat sa kaharian ng Langit.
Hindi sila pumapasok sa Kaharian.

Gayunpaman, mayroong iba na mayaman sa kanilang mga sariling kasalanan, tinatangisan ang mga iyon at pinahihirapan ang kanilang mga sarili. Sa halip, kailangan nilang sunugin ang mga iyon sa apoy ng awa ng Diyos at pagkatapos ay magpatuloy, na nagmamahal sa Diyos at sa kanilang kapwa upang mabawi ang lahat ng nakaraang panahon kung saan hindi sila nagmahal.

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations” ni Chiara Lubich

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read