Home2021Maging Mapagmatyag

Maging Mapagmatyag

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Upang mahalin ang Diyos kailangan nating gawin ang kanyang kalooban. Ngunit ang kanyang kalooban ay nagpapahayag sa atin nang paisa-isa sa bawat kasalukuyang sandali.

Maaari itong ipahayag sa pamamagitan ng mga panlabas na katayuan, ng ating sariling mga tungkulin, ng payo mula sa mga taong mas malawak ang karanasan… O kahit sa pamamagitan ng mga hindi inaasahang kaganapan, malungkot man o nakalulugod, nakakainis o winawalang bahala.

Ang kalooban ng Diyos ay naiintindihan lamang ng isang mapagmasid at mapagmatyag. Ito ang dahilan kung bakit ang Mabuting Balita ay madalas na magwika tungkol sa pagbabantay.

Tinutuon ng Mabuting Balita ang ating atensyon sa kasalukuyan. Sinasabi nito sa atin na huwag mag-alala tungkol sa hinaharap, at hingin lamang sa Ama ang ating kakanin sa araw-araw. Inaanyayahan tayo ni Jesus na pasanin ang krus ngayon at sinabi niyang sapat na ang mga suliranin sa bawat araw. At binalaan niya tayo na Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapat-dapat sa kaharian ng Diyos’ (Lucas 9:62).

Upang masanay sa maayos na pagsasabuhay ng kasalukuyan, kailangang malaman ng mga Kristiyano kung paano kalimutan ang nakaraan at kung paano hindi mag-alala tungkol sa hinaharap. Ito ay matatanto ng lahat: kung sabagay, wala na ang nakaraan at ang hinaharap ay iiral kapag ito’y naging kasalukuyan na. Sinabi ni Catalina ng Siena: ‘Ang pagod ng nakaraan, wala tayo, sapagkat ang oras ay lumipas na. Ang pagod ng hinaharap, wala rin tayo, sapagkat hindi natin matitiyak na makakamit natin ang oras na iyon.’

Alam ng mga dakilang tao at santo ang simulaing ito. Sanay sila sa pagkilatis sa tinig ng Diyos sa gitna ng iba’t ibang tinig. At habang nasasanay tayo, nagiging mas madali na ito, dahil ang tinig ng Diyos ay nagiging mas malakas at pinalalakas pa.

Sa simula, maaaring mas mahirap ito. Una, kailangan nating matutuhan kung paano manalig sa Diyos, magtiwala sa kanyang pag-ibig, at gawin nang may pagpupunyagi kung ano sa tingin natin ang kalooban niya. Makatitiyak tayo na ibabalik niya tayo sa tamang daan, maligaw man tayo ng landas. At kahit na tila malinaw ang kalooban ng Diyos, halimbawa, sa pagtawag sa ating gumawa ng isang trabaho na magtatagal bago matapos, mayroon laging tukso na dapat pagtagumpayan, isang pag-aalinlangang dapat itaboy, isang alalahaning dapat ihabilin sa puso ng Diyos, mga gumagalang iniisip na dapat layuan, mga hangaring dapat tutulan.

Ang pamumuhay sa kasalukuyan ay isang pagsasanay na lubusang mayaman at sagana. Ang ating buhay sa lupa ay dinudugtong nito ngayon sa buhay na walang-hanggan.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 38-39

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read