Panatilihing bukas ang mga mata
“Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.” (Mateo 25:13)
Minsan hinihimok tayo ng Diyos na mamuhay na may saloobing laging ‘higit sa natural.’ Kapag nabubuhay tayong ganap na walang katiyakan sa ating mga plano, paglalakbay, kalusugan at kinabukasan, bumabalik tayo sa tanging bagay na tunay na totoo: ang pamumuhay sa kasalukuyang sandali sa harap ng Diyos, na alam at nais lamang kung ano ang nais ng Diyos na malaman at naisin natin. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating maging mapagbantay, gaya ng iniutos sa atin ni Hesus, dahil hindi natin alam ang araw o oras ng kanyang pagdating – ng bawat pagdating niya, maaari nating idagdag.
Siya ay laging dumarating, sa bawat sandali, sa kanyang kalooban, na maaaring mukhang malungkot o maganda sa ating mga mata, ngunit kung saan palagi nating nakakatagpo ang Diyos mismo, ang kanyang pag-ibig.
Ang pagiging mapagbantay ay nangangahulugang nakalapat ang ating mga paa sa lupa, ang ‘lupa’ ng kaharian ng langit, na maaari at dapat na nating maranasan sa buhay na ito. Sa lupang ito, walang panganib na mahulog sa kasalanan, sa mga ilusyon, maling akala o pagkabalisa.
Na parang ito na ang kahuli-hulihang araw
Panginoon, tulungan mo akong sabihin ang bawat salita na parang ito na ang huling salita ko. Tulungan mo akong isakatuparan ang bawat gawain na parang ito na ang huling gawa ko. Tulungan mo akong magpakasakit lagi na para bang ito na ang huling pagpapakasakit na iaalay ko sa iyo. Tulungan mo akong manalangin lagi na para bang ito na ang huling pagkakataon ko dito sa lupa para makipag-usap sa iyo.
Chiara Lubich
Isinalin ni Jose Aranas at Jonas Lardizabal mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 57, 61.