HomeKATAGA NG BUHAY“Araw-araw, pagpapalain kita, at pupurihin ang iyong pangalan magpakailanman.” (Mga Awit 145:2)

“Araw-araw, pagpapalain kita, at pupurihin ang iyong pangalan magpakailanman.” (Mga Awit 145:2)

Laging Tapat at Bukas-palad

Itong salita ng Diyos ay nag-aanyaya sa atin na pahalagahan ang ating personal na ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang pag-ibig at awa nang walang pag-aalinlangan. Inaanyayahan tayo na ilagay ang ating sarili sa harap ng misteryong ito at makinig sa Kanyang tinig. Ito ang pundasyon ng lahat ng panalangin.

“Araw-araw, pagpapalain kita, at pupurihin ang iyong pangalan magpakailanman.” (Mga Awit 145:2)

Sa buwang ito, ang taludtod ng Banal na Kasulatan na bigay sa atin upang tulungan tayo sa ating paglalakbay ay isang panalangin. Ito ay hango sa ika-145 Awit. Ang Mga Awit ay mga komposisyon na sumasalamin sa indibidwal at sama-samang karanasan sa relihiyon ng bayan ng Israel sa kanilang paglalakbay sa kasaysayan habang hinaharap ang mga pang-araw-araw na hamon ng buhay. Ang panalangin na ipinapahayag bilang tula ay tumataas sa Panginoon bilang panaghoy, pagsusumamo, pasasalamat, at papuri. Sinasaklaw nito ang kabuuan ng mga damdamin at saloobin na nararanasan ng mga lalaki’t babae sa kanilang buhay sa kanilang ugnayan sa Diyos na buhày.

Ang pinagbabatayang tema ng ika-145 Awit ay ang paghahari ng Diyos. Ang salmista, batay sa kanyang personal na karanasan, ay nagbubunyi sa kadakilaan ng Diyos: ‘Dakila ang Panginoon, at karapat-dapat purihin’; (v. 3); pinupuri ang Kanyang kabutihan at ang pag-ibig Niyang para sa lahat: ‘Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.’ (v. 9); kinikilala ang Kanyang katapatan: ‘Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya, at mabait sa lahat niyang mga gawa.’ (v. 17b), at sinasama ang bawat nilalang sa isang awit ng sansinukob: ‘Pupurihin ng lahat ng nilikha ang kanyang banal na pangalan magpakailanman’ (v. 21).

“Araw-araw, pagpapalain kita, at pupurihin ang iyong pangalan magpakailanman.”

Gayunpaman, sa makabagong panahon, kung minsan, maaaring maramdaman ng mga tao na inabandona sila’t iniwang nag-iisa. Natatakot sila dahil inaakala nila na ang mga nangyayari sa bawat araw ay nagkataon lamang, mga sunud-sunod na mga kaganapan na walang kahulugan at layunin.

Ang awit na ito ay nagbibigay-katiyakan at nagpapahayag ng pag-asa: ‘Ang Diyos ang may likha ng langit at lupa. Siya ang tapat na tumutupad sa tipan na nagbubuklod sa Kanya sa Kanyang bayan. Siya ang nagbibigay ng katarungan sa mga naaapi, naghahandog ng tinapay na nagbibigay-lakas sa mga nagugutom at nagpapalaya sa mga bihag. Siya ang nagbubukas ng mata ng mga bulag, nagbabangon ng mga nadapa, nagmamahal sa mga matuwid, nagtatanggol sa mga dayuhan, umaalalay sa mga ulila’t balo…’1

“Araw-araw, pagpapalain kita, at pupurihin ang iyong pangalan magpakailanman.”

Itong salita ng Diyos ay nag-aanyaya sa atin na pahalagahan ang ating personal na ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang pag-ibig at awa nang walang pag-aalinlangan. Inaanyayahan tayo na ilagay ang ating sarili sa harap ng misteryong ito at makinig sa Kanyang tinig. Ito ang pundasyon ng lahat ng panalangin. Ngunit ang pag-ibig na ito ng Diyos ay hindi kailanmang nahihiwalay sa pag-ibig sa ating kapwa. Kapag tinutularan natin ang Diyos Ama sa konkretong pagmamahal natin sa bawat kapatid, lalo’t higit sa mga maliliit (ang mga itinatakwil ng iba at ang mga nalulumbay), nadarama natin ang Kanyang presensya sa ating buhay araw-araw. Noong inanyayahan si Chiara Lubich na magsalita tungkol sa kanyang karanasan bilang Kristiyano sa isang pagtitipon ng mga Budista, sa ganitong paraan niya ibinuod ito: ‘… Ito ang sentro ng aking karanasan: Habang lumalaki ang pagmamahal ng isang tao sa kanyang kapwa, lalo niyang natatagpuan ang Diyos. Habang higit na natatagpuan ng isang tao ang Diyos, mas minamahal niya ang lahat ng tao.’2

“Araw-araw, pagpapalain kita, at pupurihin ang iyong pangalan magpakailanman.”

Subali’t may ibang paraan para matagpuan Siya. Sa mga nakalipas na dekada, nagkaroon ng bagong kamalayan ang tao sa malaking hamon ng problema sa ekolohiya. Isang puwersa ng pagbabago ang mga kabataan na nagmumungkahi ng isang balanseng pamumuhay, mga bagong layunin sa pag-unlad, at ang paghahanap ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. Nagpapakita rin sila ng pagsisikap na itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga naninirahan sa ating planeta upang magkaroon sila ng malinis na tubig, pagkain, at hangin. Sa ganitong paraan, hindi lamang muling matutuklasan ng mga tao ang kanilang ugnayan sa kalikasan kundi mapupuri rin nila ang Diyos, habang mangha sila sa pagtuklas ng Kanyang paggiliw sa lahat ng nilikha.

Ito ang karanasan ni Venant na taga-Burundi. Mula sa kanyang pagkabata, ginigising siya sa madaling araw ng tunog ng mga huni ng ibon at naglalakbay ng dose-dosenang kilometro sa kagubatan upang makapasok sa paaralan. Pakiramdam niya’y lubos siyang nakikiisa sa mga puno, hayop, batis, burol, at sa kanyang mga kasama. Nararanasan niya ang pagiging malapìt sa kalikasan, at nadarama niya na siya’y isang buhày na bahagi ng kabuuan ng kapaligiran kung saan ang mga nilalang at ang May Likha ay nagsasama nang maayos. Ang kamalayang ito ay nagiging papuri, hindi lamang sa sandaling iyon, kundi sa buong maghapon.

Maaaring magtanong ang ilang tao: Paano naman tayong nakatira sa lungsod? ‘Bihira ang pangangalaga sa kalikasan sa ating mga konkretong lungsod na gawa ng mga kamay ng tao sa gitna ng ingay ng mundo. Gayunpaman, kung gugustuhin natin, ang masulyapan ang isang bughaw na langit sa pagitan ng mga gusali ay sapat na upang ipaalala sa atin ang Diyos; sapat na ang isang sinag ng araw na nakapasok sa pagitan ng mga rehas ng isang bilangguan; isang bulaklak, isang parang, ang mukha ng isang bata …’3

Augusto Parody Reyes at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Juan Pablo II, Mensahe sa madla tungkol sa Awit 145, Hulyo 2, 2003.

2 M. Vandeleene, ‘Io, il Fratello e Dio’ nel pensiero di Chiara Lubich,’ Città Nuova, Roma 1999, p. 252.

3 C. Lubich, Conference call, Mollens, Setyembre 22, 1988.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read