Home2022“Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin...

“Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.” (Mateo 2:2)

Ang misyon ng mga Kristiyano ay maging isang tanda, tulad ng bituin, upang gabayan ang sangkatauhan ng Diyos sa pagkagutom nito kay Kristo at humantong sa daan patungo sa kanya, at maging mga instrumento ng Diyos upang maisakatuparan ang pagkakaisa ng lahat ng mga tao.

Matatagpuan lamang ang mga salitang ito sa Mabuting Balita ayon kay Mateo. Binigkas ito ng mga pantas na nagmula pa sa malayo para sa isang mahiwagang pagbisita sa sanggol na si Hesus.

Isa silang munting grupo na nagsagawa ng mahabang paglalakbay, na ginagabayan ng isang munting liwanag sa kalangitan. Hinahanap nila ang isang mas malaking Liwanag na para sa lahat, ang Hari na ipinanganak at nananahan na sa mundo. Walang ibang nalalaman tungkol sa mga ginoong ito ngunit ang tagpong ito ay hitik sa mga kaisipang nangangailangan ng pagninilay at may kaugnayan sa buhay Kristiyano.

Pinili ng mga Kristiyano ng Gitnang Silangan ang mga salitang ito upang ipagdiwang ang Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano sa taong ito.1 Ito ay isang mahalagang pagkakataon upang magsimula muli nang sama-sama sa paglalakbay, upang maging bukas sa pagtanggap sa isa’t isa, ngunit higit sa lahat, sa plano ng Diyos na maging mga saksi ng Kanyang pagmamahal sa bawat tao at bayan sa mundo.

“Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”

Ito ang isinulat ng mga Kristiyano ng Gitnang Silangan bilang bahagi ng mga panukala para sa naturang Linggo ng Panalangin: “… ang bituin na lumitaw sa kalangitan ng Judea ang pinakahihintay na tanda ng pag-asa na gumabay sa mga Pantas at, sa katunayan, sa lahat ng mga tao sa lupa, patungo sa lugar kung saan ang tunay na Hari at Tagapagligtas ay ipinakita. Ang bituin ay isang kaloob, isang patunay ng mapagmahal na presensya ng Diyos para sa buong sangkatauhan… Ipinakita ng mga Pantas ang pagkakaisa ng lahat ng mga tao ayon sa kalooban ng Diyos. Naglakbay sila mula sa malalayong bayan at kumakatawan sa iba’t ibang kultura. Gayunpaman, hinihimok silang lahat ng pagnanais na makita at makilala ang bagong-silang na Hari. Nagtipun-tipon sila sa groto ng Betlehem upang magbigay-pugay sa Kanya at mag-alay ng kanilang mga regalo. Ang mga Kristiyano ay tinatawag upang maging tanda ng pagkakaisang Kanyang ninanais para sa mundo. Bagama’t kabilang sila sa iba’t ibang kultura, lahi at wika, ang mga Kristiyano ay may iisang paghahanap kay Kristo at may iisang pagnanais na sambahin Siya. Ang misyon ng mga Kristiyano, kung gayon, ay maging isang tanda, tulad ng bituin, upang gabayan ang sangkatauhan sa paghahangad nito kay Kristo at akayin ito sa daan patungo sa Kanya, at maging mga instrumento ng Diyos upang maisakatuparan ang pagkakaisa ng lahat ng mga tao.”2

Ang bituin na naghatid ng liwanag sa mga Pantas ay para sa lahat: nagsisimula itong sumikat sa kaibuturan ng ating budhi na nililiwanagan ng pag-ibig. Ito’y masusulyapan at masisimulang sundin nating lahat, at makakamit natin ang layunin na makatagpo ang Diyos at ang ating mga kapatid sa ating pang-araw-araw na buhay upang ibahagi ang ating yaman sa lahat.

“Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”

Ang pagbibigay-pugay sa Diyos ay mahalaga kung gusto nating makilala kung sino talaga tayo. Tayo ay marupok, maliit at laging nangangailangan ng awa at kapatawaran: dahil dito, tunay na nakahanda tayong magpakita ng ganitong saloobin sa ibang tao. Ang pagpupugay na ito, na nararapat lamang ibigay sa Diyos, ay ganap na ipinahahayag sa ating pagsamba.

Ang mga salitang ito na isinulat ni Chiara Lubich, ang tagapagtatag ng Focolare, ay maaaring makatulong sa atin: “… Ano ang ibig sabihin ng ‘sambahin’ ang Diyos? Ito’y isang gawang nakalaan lamang para sa Kanya. Ang ibig sabihin ng pagsamba ay sabihin sa Diyos: ‘Ikaw ang lahat-lahat,’ ‘Ikaw ay kung ano ka’; at ang buhay ay nagbibigay sa akin ng napakalaking pagkakataon at karangalan na kilalanin ito. … Nangangahulugan din ito na…: ‘Ako ay walang kabuluhan.’ At hindi lamang sa pananalita. Upang sambahin ang Diyos, dapat nating kalimutan ang ating sarili at hayaan Siyang magtagumpay sa atin at sa mundo… Ngunit ang pinakatiyak na paraan upang ipahayag sa ating buhay na tayo ay walang kabuluhan at ang Diyos ang lahat-lahat ay positibong-positibo. Sa halip ng sarili nating pag-iisip, maaari nating isipin ang Diyos at sundin ang pag-iisip Niya na ipinahahayag sa Mabuting Balita. Sa halip ng sarili nating kalooban, kailangan lamang nating gawin ang Kanyang kalooban na ipinapakita sa atin sa kasalukuyang sandali. Sa halip ng naliligaw nating damdamin, kailangan lamang nating magkaroon ng pag-ibig sa ating mga puso para sa Kanya at sa ating kapwa, na nakikibahagi sa lahat ng kanilang pagkabalisa, sàkit, suliranin at kagalakan. Kung tayo’y laging ‘pag-ibig,’ hindi natin namamalayan na tayo mismo ay kawalan sa harap ng Diyos. At dahil namumuhay tayo sa ating kawalan, pinatutunayan ng ating buhay ang pagiging higit sa lahat ng Diyos, ang pagiging lahat-lahat Niya, na nagbibigay-daan sa atin sa tunay na pagsamba sa Diyos.”3

“Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”

Maaari tayong makibahagi sa mga naabot na konklusyon ng mga Kristiyano ng Gitnang Silangan: “Matapos makilala ang Tagapagligtas at sambahin Siya nang sama-sama, pinaalalahanan ang mga Pantas sa isang panaginip na mag-ibang daan pauwi sa kanilang mga bayan. Gayundin, dapat magbigay ng inspirasyon sa atin ang pagkakabuklod natin sa sama-samang panalangin upang magbalik sa ating buhay, sa ating simbahan at sa buong mundo sa pamamagitan ng mga bagong daan. … Sa pagiging lingkod ng Mabuting Balita, nangangailangan ngayon ng pagsisikap na ipagtanggol ang dignidad ng tao, lalo na ng mga mahirap, mga mahina at mga nasa laylayan ng lipunan. … Ang bagong daan para sa mga Simbahan ay ang daan ng pagkakaisang nakikita, na ating isinusulong nang may pagsasakripisyo, lakas ng loob at katapangan, upang sa bawat araw, “ang Diyos ang siyang maghari sa lahat.” (1 Cor 15:28)4

Letizia Magri


1 Sa hilagang bahagi ng mundo, ang Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano ay ipinagdiriwang sa mga araw mula Enero 18–25. Sa timog na bahagi ng mundo, ito ay kasabay ng panahon ng bakasyon, kaya’t ginaganap ito sa ibang petsa, e.g., Pentecost, isang araw na sumasagisag sa pagkakaisa ng mga Kristiyano. Lagi itong isang paanyaya upang papanibaguhin ang pagsisikap natin tungo sa pagkakaisa ng mga Kristiyano.

2 Cf. http://www.christianunity.va/content/unitacristiani/it/news/2021/spuc-2022.html

3 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Pebrero 2005

4 Ibid.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read