HomeKATAGA NG BUHAY“Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ... at ang iyong kapwa gaya...

“Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos … at ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” (Lucas 10:27)

Maging Kapwa sa Iba

Hangga’t itinuturing natin ang ating kapwa bilang mga dayuhang gumugulo sa ating mapayapang buhay at sumisira sa ating mga plano, hindi natin masasabing mahal natin ang Diyos nang buong puso.

“Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos … at ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” (Lucas 10:27)

Sa taong ito, naghahandog ang Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano 1 ng mga salitang binanggit sa itaas bilang batayan para sa pagninilay. Ang pinagmulan ng mga salitang ito ay ang Lumang Tipan.2 Habang patungo Siya sa Jerusalem, nilapitan si Hesus ng isang dalubhasa sa Kautusan na nagtanong sa Kanya, ‘Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?’ 3 Nagbukas ito ng isang pag-uusap, at tumugon si Hesus sa pamamagitan ng isa pang tanong: ‘Ano ang nakasulat sa Kautusan?’ 4 Ito’y nagbibigay-daan sa nagtatanong upang siya mismo ang makatuklas ng sagot. Sinabi ni Hesus na ang Kautusan at ang mga Propeta ay nakabuod sa pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.

“Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos … at ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”

Ang dalubhasa sa Kautusan ay nagpatuloy sa pagtatanong, ‘At sino ang aking kapwa?’ Tumugon ang Guro (si Hesus) sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng talinghaga ng Mabuting Samaritano. Hindi Niya inilista ang iba’t ibang uri ng mga tao na maaaring maging kapwa natin ngunit inilarawan Niya ang malalim na pagmamalasakit na dapat maging batayan ng lahat ng pagkilos natin. Tayo mismo ang dapat maging ‘kapwa’ sa iba.

Ito ang kailangang itanong: ‘Kaninong kapwa ako?’

Gaya ng ginawa ng Samaritano, dapat nating pangalagaan ang ating mga kapatid na batid ang kanilang mga pangangailangan, at huwag matakot na lubusang makiisa sa mga nangyayari sa ating paligid. Ang pagmamahal natin ay maaaring magpakita ng pagmamalasakit at magdala ng tulong, suporta at pagpapalakas ng loob sa lahat.

Kailangan nating makita ang ibang tao bilang ‘isa pang sarili natin’ at gawin sa kanila ang gusto nating gawin nila sa atin. Ito ang tinatawag na ‘Ginintuang Panuntunan’ o ‘Golden Rule’ na makikita natin sa lahat ng relihiyon. Maganda ang pagpapaliwanag ni Gandhi dito: ‘Ikaw at ako ay iisa. Hindi ko magagawang saktan ka na hindi rin sinasaktan ang sarili ko.’ 5

“Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos … at ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”

‘Kung mananatili tayong walang pakialam o nagwawalang-bahala sa mga pangangailangan ng ating kapwa, materyal man ito o espirituwal, hindi natin masasabing mahal natin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. Hindi natin masasabing mahal natin sila gaya ng pagmamahal ni Hesus sa kanila. Sa isang komunidad na nagsusumikap na mapukaw ng pag-ibig na itinuro sa atin ni Hesus, walang lugar para sa hindi pagkakapantay-pantay o hindi pagbibigay ng halaga o kaukulang pansin sa ibang tao. … Hangga’t itinuturing natin ang ating mga kapwa bilang mga dayuhang gumugulo sa ating mapayapang buhay at sumisira sa ating mga plano, hindi natin masasabing mahal natin ang Diyos nang buong puso.’ 6

“Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos … at ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”

Nagaganap ang buhay sa kasalukuyang sandali. Ang pagbibigay-pansin sa mga nasa paligid natin at ang pakikinig sa isa’t isa ay maaaring magbigay-daan sa mga di-pangkaraniwang sitwasyon at magpasimula ng mga di-inaakalang hakbangin.

Ito ang nangyari kay Victoria:

‘Sa simbahan, napahanga ako sa magandang boses ng isang babaeng taga-Africa na nakaupo sa tabi ko. Binati ko siya at hinikayat na sumali sa koro ng parokya. Nag-usap kami sandali. Siya’y isang madre mula sa Equatorial Guinea na nasa Madrid noon. Sa sentro ng mga madre kung saan siya kabilang, inaalagaan nila ang mga inabandunang sanggol hanggang sa paglaki nila. Ang mga kabataan ay karaniwang nag-aaral sa unibersidad o natututo ng mga kasanayang pangkabuhayan. Mayroong silang mahusay na patahian ngunit di sapat ang kanilang mga makinang pantahi.

‘Nag-alok ako na tulungan siyang maghanap ng mas maraming makinang pantahi. Nagtiwala ako kay Hesus at nakatitiyak na dinirinig Niya kami at tinutugunan ang mga pangangailangan namin, at hinihimok akong magmahal nang lubos.

‘Ang isa sa mga kaibigan ko ay may kilalang negosyante na sumali sa mga taong magkakaugnay sa pagmamahal sa kapwa. Pinaayos niya ang walong makinang pantahi at nakahanap pa siya ng makinang pamamalantsa para sa patahian. Nag-alok ang isang mag-asawang kaibigan namin na ihatid ang mga makina sa Madrid kahit na kinailangan nilang baguhin ang lugar kung saan sila magbabakasyon at maglakbay ng halos 1,000 kilometro. Kaya’t dumating ang “mga makina ng pag-asa” sa Malabo, Equatorial Guinea pagkatapos ng mahabang paglalakbay sa lupa at dagat. Hindi sila makapaniwala roon sa nangyari at pinahayag lamang ang kanilang malaking pasasalamat!

Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Ito ay ipinagdiriwang sa hilagang bahagi ng mundo mula ika-18 hanggang ika-25 ng Enero, at sa timog na bahagi ng mundo sa linggo ng Pentekostes. Sa taong ito, ang mga panalangin ay inihanda ng isang grupong ekumenikal sa Burkina Faso.

2 Cf. Deuteronimo 6:4-5 at Levitico 19:18.

3 Lucas 10:25.

4 Lucas 10:26.

5 C. Lubich, L’arte di amare, Città Nuova, Roma 2005, p. 24.

6 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 1985.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read