Kapag ang pakikipag-isa sa ating kapwa ay ganap, kapag mas ganap at muli itong namukadkad mula sa mga paghihirap—tulad ng gabi na nagiging araw at mga luha na nagiging liwanag—sa ganitong pagkakataon, malimit Kitang matagpuan, Panginoon.
Sa pagbabalik sa templo ng aking kaluluwa, natatagpuan Kita; o kaya’y sa pagkakataong ako’y nag-iisa, inaanyayahan Mo ako. Marahan ngunit mahigpit Mo akong inilalapit sa Iyong banal na presensya.
Kung gayon, Ikaw lamang ang naghahari sa loob at sa labas ko. Nadarama ko na matatawag ko ang bahay na ipinagkaloob Mo sa akin para gamitin sa paglalakbay ng buhay na ‘Tahanan ng aking Diyos.’
Itong presensya Mo ay pagmamahal, subalit isang pagmamahal na hindi nababatid ng mundo. Ang kaluluwa ay nakababad sa masarap na nektar at ang puso ay parang kalis na naglalaman dito.
Ang buong kaluluwa’y isang tahimik na awit na Ikaw lang ang nakaaalam: isang himig na nakaaabot sa Iyo sapagkat ito’y nagmumula sa Iyo at nilikha Mo.”
Ito ang mga sandali kung saan tila nagiging tunay ang kapayapaan, kung saan lubos ang katiyakan ng kaligtasan, kung saan tila lumalangoy ang kaluluwa sa Langit kahit na nasa lupa pa ito.
At talagang kakaiba—kakaiba sa paraan ng pag-iisip ng tao—pagkatapos makasalamuha ang ating kapwa sa buong maghapon, sa gabi natatagpuan natin ang Panginoon. At pinawi na Niya ang anumang bakas, anumang alaala ng mga nilalang sa atin.
Sa mga sandaling iyon, parang hindi na kailangan ang pananampalataya, pananampalataya sa Kanyang pag-iral.
Habang marahang pumapasok sa bawat bahagi ng ating tahanan, Siya’y nagiging bahagi natin, pamana natin. Ipinahayag na Niya ang Kanyang pag-iral sa atin, ang Kanyang sarili.
Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations” ni Chiara Lubich