Lumilipas ang bawat araw at mabilis na dumarating ang gabi. Bago dumating ang aking oras, Panginoon, tanggapin mo ang aking buhay, tanggapin mo ang bawat sandali na parating pa.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit kung minsan ang pakiramdam ng kawalang-kasiyahan ay nagdudulot ng pait sa mga sandali ng aking buhay. Marahil dahil kailangan akong tuluyang mabunot mo, hanggang sa huling ugat na maaaring magtali pa sa akin sa kung ano man, at na hindi pa tuluyang naglalaho sa iyo.
Marahil dapat ganito ang buhay: isang patuloy na paglalakbay. Nagpapahinga tayo sa ilusyon ng isang kaayusan na paminsan-minsang ipinangangako ng buhay, na hindi nababatid na hinahanap natin. Ngunit sa sandaling maabot natin ito, nanganganib itong magdulot ng pagkabagot sa atin.
Laging mong ginawang maayos ang mga pang araw-araw mong tungkulin. Ngunit kahit ikaw, hanggang sa edad na tatlumpu, nakatuon ang iyong pagtingin sa hinaharap mong misyon. At nang simulan mo ang iyong pampublikong buhay, isang patuloy na pagtakbo ang tatlong maikling taon na iyon.
Sinugo mo sila sa daan, na nagtitipon ng mga alagad, nagpapagaling ng mga maysakit, naghahasik ng salita ng Diyos, at nagpapalakas ng loob ng mga tao. Habang lumalaki ka, ang mabilis na pagkilos ng Karunungan ang patuloy na nagpabilis sa pagbuo ng kaharian ng Diyos.
At halos hindi mo namalayang narating mo ang Kalbaryo. Nalampasan mo ito sa loob ng ilang oras, na inaalay ang katawan at kaluluwa sa Diyos para sa amin.
Marahil ang aming kawalan ng kakayahang hawakan ang lumilipas na sandali, na laging masyadong mabilis na umaabot sa gabi, ay isang patak ng iyong buhay dito sa lupa sa amin.
Salamat, Hesus, sa buhay. Ihanda mo kaming mamatay nang mabuti at dalhin kaming kasama mo, sa lugar kung saan hindi lumulubog ang araw.
Chiara Lubich
Isinalin ni Jonas Lardizabal mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 58-59.