Kung nais mong mahikayat ang isang lungsod sa pag-ibig ni Kristo, kung nais mong gawing kaharian ng Diyos ang isang bayan, mag-isip ka muna ng mga hakbang na dapat gawin. Pagkatapos, magtipon ka ng mga kaibigang sumasangayon sa iyong ninanais.
Makiisa ka sa kanila sa ngalan ni Kristo at hingin mo sa kanila na ilagay ang Diyos una sa lahat.
Pagkatapos gumawa ka ng isang kasunduan kasama nila. Ipangako sa isa’t isa ang isang hindi nagbabago at palagiang pagmamahal, upang ang Mananakop ng daigdig ay mamalagi sa piling ninyo bilang inyong Pinuno.
Sa ganitong paraan, kapag binuwag na ng pagmamahal ang iyong pagkamakasarili, aalalayan ka ng ina ng Pag-ibig sa bawat hakbang na iyong gagawin, magpapahid sa bawat luha at ngingitian ka sa bawat kagalakan.
Kaya’t puspusan mong pag-aralan ang lungsod. Hanapin mo ang nangunguna sa buhay-espirituwal at makipagkita sa kanya kasama ng iyong mga kaibigan.
Ipakita mo sa kanya ang iyong binabalak. Kung hindi siya sumang-ayon, huwag kang gumawa ng anumang hakbang. Kung hindi, masisira ang lahat.
Kung payuhan ka niya at bigyan ng mga pamantayan, tanggapin mo ito bilang isang utos. Gamitin mo ang mga ito bilang isang kasabihan para sa iyo at sa iyong mga kaibigan.
Ipabatid mo sa kanya ang iyong pagmamalasakit, sapagkat ito ang iniutos ni Kristo sa iyo. Ihandog sa kanya ang iyong tulong sa pamamagitan ng espirituwal na pagtataguyod sa kanyang malaking pananagutan.
Pagkatapos, bigyang-pansin ang mga pinakahamak, ang mga dukha, ang mga taong palaboy, ang mga ulila, ang mga bilanggo.
Magmadali upang dalawin si Kristo sa kanila, kasama ng iyong mga kaibigan, na hindi humihinto para magpahinga. Aliwin mo sila at ipakita sa kanila na malapit ang pag-ibig ng Diyos at sinusundan sila.
Kung may nagugutom, dalhan mo siya ng pagkain. Kung kailangan nila ng damit, dalhan mo sila ng damit.
Kung wala kang damit o pagkain na maibibigay, humiling ka sa Amang nasa Langit nang may pananampalataya, sapagkat ang mga ito’y kailangan ng Kanyang Anak na si Kristo na nais mong paglingkuran sa bawat isa. Tutugunin Niya ang iyong panalangin.
Dala-dala ang mga ito at iba pang handog, humayo ka sa mga lansangan, umakyat ka sa mga kisame, pumasok ka sa mga bodega, hanapin si Kristo sa mga pambayan at pribadong pook, sa mga himpilan ng mga sasakyan, sa mga tren, sa mga iskuwater. Higit sa lahat, yakapin mo Siya sa pamamagitan ng iyong ngiti. Pagkatapos, ipangako mo sa Kanya ang isang walang hanggang pagmamahal upang ang iyong mga panalangin at pagpapakasakit, na kaisa sa paghahandog sa altar, ay makarating sa hindi mo maaabot.
Huwag mong iwanang nag-iisa ang sinuman at huwag maging maramot sa iyong mga pangako sapagkat ikaw ay humahayo sa ngalan ng Makapangyarihan.
Samantalang binibigyan mo ng kagalakan ang Panginoon sa iyong kapwa, ang Diyos mismo ang magpupuno sa iyo at sa iyong mga kasama ng mga makalangit na biyaya. Ibahagi ang mga ito sa bawat isa upang ang liwanag ay hindi lumabo at ang apoy ng pagmamahal, hindi mapawi.
Kung ang iyong pagkilos ay walang pag-aalinlangan at ang iyong pananalita ay puno ng karunungan, marami ang susunod sa iyo.
Paghati-hatiin mo ang mga taong ito sa maliliit na pangkat upang, kasama nila, mabago mo ang buong lungsod na nais mong mahikayat sa pamamagitan ng iyong pagmamahal.
At magpatuloy ka.
Kung magtanong ang iba pagkatapos mabatid ang iyong buhay at makita ng sarili nilang mata ang iyong mga biyaya, magsalita ka.
Subalit kailangang magmula ang buod ng iyong mga pananalita sa mga natutunan mo sa pagsabuhay.
Sa iyong pagsasalita, umalinsunod ka sa pag-iisip ng Simbahan at ng Banal na Kasulatan, na unang bukal — tiyak, di-mauubos, walang hanggan — kung saan ikaw at ang iyong mga tagasunod ay dapat uminom. Sa ganitong paraan, kung magsasalita ang Pastol, ikaw ang Kanyang magiging buhày na salita.
Sa pamamagitan ng pag-aliw, pagtulong, pagbigay-liwanag, at pagbigay-kasiyahan sa mga tinaguriang basura ng lipunan, nailagay mo na ang pundasyon kung saan itatatag ang bagong lungsod.
Tipunin mo ang iyong mga kaibigan at ulitin “ang mapapalad” sa kanila, upang hindi mawala sa kanila ang diwa ni Kristo at ng Kanyang mga itinatangi.
Pagkatapos, palawakin mo ang iyong pananaw at sabihin mo sa bawat isa na ang bawat kapwa — mayaman o mahirap, maganda o pangit, matalino o walang kakayahan — ay si Kristo na dumaraan.
Nawa ang iyong pangkat, ang pangkat ni Hesus at ni Maria, ay maging tagapaglingkod ng kapwa. Ang bawat isa ay kailangang makiluha sa mga lumuluha, makipagsaya sa mga nagagalak, palaging nakikibahagi sa mga kalungkutan at kagalakan, at hindi sumusuko sa bawat pagpapakasakit.
Isalit-salit sa iyong gawa ang taimtim na panalangin, na inialay ng iyong pangkat nang may ganap na pagkakaisa. Sa ganitong paraan, makakamit ang pinakadakilang karangalan para kay Kristo mula sa bayang ito.
At kung magiging napakahirap ang pakikipaglaban, alalahaning narito ang lihim ng tagumpay. Siyang nagbubunsod sa iyo ay nagbayad na sa pamamagitan ng Kanyang dugo.
Patawarin at ipanalangin ang sinumang laban sa iyo. Kung hindi ka magpapatawad, hindi ka magkakamit ng awa.
At kung hindi mo na makayanan ang paghihirap, awitin mo, “Narito ang aking Kabiyak, ang aking kaibigan, ang aking kapatid.” Kaya’t sa iyong kamatayan, wiwikain ng Panginoon sa iyong kaluluwa, “Bumangon ka, aking mahal; halina, aking dilag” (Awit ng mga Awit 2:10).
Ito ang kinakailangan upang makamit ang tagumpay para sa isang lungsod, hanggang sa puntong madaig ng kabutihan ang kasamaan. Sa pamamagitan natin, mauulit ni Kristo ang mga kataga: “Napagtagumpayan ko ang sanlibutan” (Juan 16:33).
Subalit hindi sapat ang isang lungsod, sa isang Diyos na dumadalaw sa iyo tuwing umaga kung nais mo.
Siya ang lumikha ng mga bituin. Siya ang pumapatnubay sa landas ng mga daan-daang taon.
Sa pakikipagkasundo sa Kanya, gawing mas malaki ang iyong layunin — sa iyong bansa, sa bansa ng bawat isa, sa sanlibutan.
Nawa ang bawat hininga mo ay maging para rito, bawat kilos mo, ang iyong pamamahinga at gayon din ang iyong gawain.
Pagdating mo sa kabilang dako, makikita mo kung ano ang may higit na kahalagahan. Ang iyong gantimpala ay magiging katumbas ng iyong pagmamahal. Kumilos ka upang sa gayon pagdating ng oras, hindi ka magsisi dahil nagkulang ka sa pagmamahal.
Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”