Home2020April-MayBuhay na Ganap at Nagbubunga

Buhay na Ganap at Nagbubunga

Nagsimula noong 1980s ang pagbabahagi ni Chiara ng mga pagninilay para isabuhay ng mga kasapi ng Kilusang Focolare sa buong mundo. Ninais niya na mapaigting pa ang sama-samang pagtungo sa Diyos ng buong Kilusan sa pamamagitan nito. Hindi maitatangging napapanahon ang pagninilay na itinatampok dito para sa ating kasalukuyang situwasyon.

Ating pinag-uusapan ang Banal na Paglalakbay. Hinihikayat natin ang isa’t isang gawin ang buhay bilang isang Banal na Paglalakbay, ngunit mabuti sigurong linawin muli ang kahulugan nito, kung paano nating nababatid ang nasa isip ng Diyos tungkol sa ating Banal na Paglalakbay.

Madalas ganito ang palagay natin sa paglalakbay na ito: isang serye ng mga araw kung saan nais natin gawin ang bawat araw na higit pa sa huli: ginagawang mabuti ang pagtatrabaho, ang pag-aaral, ang pagpapahinga, ang pagpalipas ng oras kasama
ng ating pamilya, ang pagdalo sa mga pagtitipon at pagpupulong, ang paglalaro at paglilibang… at ang lahat ng ito ay isinasagawa ng may kaayusan at sa payapang paraan. Ganito ang pananaw natin dito at likas natin itong inaasahan bilang tao, sapagkat ang buhay ay isang patuloy na pagtungo sa kaayusan, kalusugan at kapayaapan. Marahil naipapalagay nating dito hahantong ang buhay ng tao kung hindi ito nagkasala, at tiyak na gayon nga ang mangyayari sa kabilang buhay, kung tayo’y magiging karapat-dapat.

THE CHOSEN / VIDANGEL

Sa katunayan, wala tayong ipinakikilalang pagbabago sa ating mga programa kundi ang inihahayag ng buhay, ng kaganapan ng buhay: ang pag-aaral, pagdarasal, hanapbuhay, atbp. Kumikilos tayo ng ganito hindi lang dahil ang lahat ng iba ay hindi maaaring mahulaan, ngunit dahil laging may pag-asa sa puso ng tao na ganito ang takbo ng buhay.

Sa totoo lang, iba ang kinalalabasan ng ating Banal na Paglalakbay sapagkat nais ng Diyos na ito’y maging iba. Siya mismo ang nagdadala ng ibang kadahilanan sa ating programa, na nais o ipinahihintulot Niya upang magkaroon ng tunay na kahulugan ang ating pamumuhay at matupad nito ang layunin kung bakit tayo nilikha. Dito pumapasok ang mga paghihirap na pisikal at espirituwal, mga karamdaman, at libu-libong pagdurusa na higit pang nagpapahayag ng kamatayan kaysa sa buhay.

Bakit? Maaari kayang kamatayan ang nais ng Diyos para sa atin? Hindi, bagkus mahal ng Diyos ang buhay, ngunit yaong buhay na ganap at nagbubunga sa paraang di natin mailalarawan sa isip – kahit na ganoon na lang ang ating pagsisikap sa kabutihan, sa positibo, sa kapayapaan. Binibigyang linaw ito ng Kataga ng Buhay: “…hangga’t hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, mamumunga ito nang sagana.” (Juan 12:24)

THE CHOSEN / VIDANGEL

Kung hindi ito mamatay, ang butil ng trigo’y mananatiling maganda, malusog, ngunit nag-iisa; kung ito’y mamatay, ito’y dadami. Nais ng Diyos na maranasan natin ang isang uri ng pagkamatay habang tayo’y nabubuhay – o minsan, iba’t ibang uri ng pagkamatay – sapagkat ito ang Banal na Paglalakbay ayon sa kanya: ang mamunga, gumanap ng mga gawaing karapat-dapat sa kanya at hindi sa mga simpleng nilalang tulad natin. Ayon sa kanya, ito ang kahulugan ng ating buhay: isang mayabong, ganap at napakasaganang buhay, isang buhay na maaaring sumalamin sa buhay Niya.

Kung gayon, kailangan nating asahan ang mga pagkamatay na ito at ihanda ang ating sarili para tanggapin sila sa pinakamainam na paraan. Samakatuwid, ang pagpili kay Jesus na Pinabayaan na pinapagpanibago araw-araw at ang natatanging pagmamahal sa Kanya, ay may karunungan at kailangang-kailangan – at ito’y walang iba kundi ang pagiging tunay na Kristiyano. Inihahanda tayo nito di lang upang tanggapin ang mga pagkamatay, munti man o matindi, ngunit upang makita rin na ang lahat ng ating nais na marating ay lubos nating nalagpasan, napalakas at napamunga…

Itong mga huling araw nabasa ko ang isang kasulatan tungkol sa mga pagsubok na itinatakda o pinahihintulutang mangyari ng Diyos sa mga taong tumatalima sa kanya at, tulad natin, nagnanais na gawing isang Banal na Paglalakbay ang kanilang buhay.

Tayo’y pinapadalisay ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok: mga karamdaman, ang pagpanaw ng isang mahal sa buhay, ang pagkawala ng mga ari-arian, mabuting pangalan, at iba pang uri ng problema… Ang mga ito’y mga “gabi ng pandama” at “gabi ng espiritu” kung saan ang ating katawan at kaluluwa ay pinapadalisay sa isang libong paraan sa pamamagitan ng mga tukso, pagkatuyo ng ating diwa, pagdududa, at ang pakiramdam na pinabayaan tayo ng Diyos; kasama ng paghina ng mga birtud ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig; ito’y mga tunay na purgatoryo dito sa lupa, o wari’y mga impiyerno.

Ano ang dapat nating gawin? Itigil ang Banal na Paglalakbay na iniisip na sa pagkakaroon ng isang mas pangkaraniwang buhay, alinsunod sa takbo ng mundo, maiiwasan natin ang marami o kahit na iilan sa mga pagsubok na ito? Hindi. Hindi na tayo maaaring umurong.

Tanging ang mga pagsubok na nagpapadalisay sa atin ang aking inilista dito, ngunit kailangan ding makita yaong nagdudulot ng aliw, ang mga “lubos na pagpapala” [beatitudes] (cf. Mateo 5:3-11) na dinadala nasa mundong ito ng isang buhay na ginawang Banal na Paglalakbay. Tunay ngang ang pagkamatay ni Hesus ang nagsusulong ng muling pagkabuhay. Dulot ng pagkamatay ng butil ng trigo ang “masaganang bunga.”

Ang “muling pagkabuhay” at “masaganang bunga” ay maaaring mangahulugang paraiso dito sa lupa – lubos na kaligayahang hindi nakikilala ng mundo.

Kaya’t tayo’y magpatuloy! Tingnan natin ang nasa kabila ng pagdurusa. Huwag tayong tumigil dahil lamang sa pagkabalisa, pagdadalamhati, karamdaman o ibang pagsubok… Tingnan natin ang maaani natin dito.

Isaalang-alang natin ang ating matatamasa kapag natuto nating harapin nang bukas-loob ang pagdurusa, tulad ng itinuturo ng ating Mithiing pamumuhay.

Ito ang ating sisikaping gawin: yakapin ang lahat ng pagdurusa alang-alang kay Jesus na Pinabayaan, na natatanaw at natitikman na ang masaganang bunga na nasa ating pintuan.

Isinalin ni John Paul Dominic Yumul mula sa isang pagninilay ni Chiara Lubich sa isang Conference Call sa Rocca di Papa noong 25 Pebrero 1988.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 
Previous article
Next article

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read