Home2021Ang Tren ng Panahon

Ang Tren ng Panahon

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw, at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Sa simula ng aming komunidad, ang Focolare, laging nalalagay sa panganib ang aming buhay, sapagkat hindi kami lubusang ligtas sa pagbobomba ng mga eroplano. Kaya’t nang lumitaw ang tanong kung kailan namin kailangang gawin ang kalooban ng Diyos upang mahalin siya, agad naming naunawaan ang sagot: ngayon – ngayon din dahil hindi namin alam kung mabubuhay pa kami sa mga susunod na sandali.

Ang tanging bagay na hawak namin ay ang kasalukuyang sandali. Lumipas na ang nakaraan, at hindi namin alam kung darating pa ang bukas. Sinasabi namin noon: wala na ang nakaraan; ihabilin natin ito sa awa ng Diyos. Wala pa ang kinabukasan. Sa pamamagitan ng pamumuhay sa kasalukuyan, maisasabuhay rin nating mabuti ang kinabukasan kapag ito’y naging kasalukuyan na.

Napagtanto namin kung gaano kahangal ang mabuhay sa nakaraan, na hindi na babalik, o sa hinaharap, na maaaring hindi dumating at, gayon pa man, hindi mahuhulaan.

Kinuha namin ang halimbawa ng pagsakay sa isang tren. Tulad ng isang manlalakbay na nananatiling nakaupo at hindi mag-iisip na maglakad nang pabalik-balik sa pasilyo upang mas maagang makarating sa patutunguhan, gayon din kinailangan naming manatili sa kasalukuyan. Ang tren ng panahon ay sumusulong nang mag-isa.

Sa ating pamumuhay sa kasalukuyan, sa bawat sandali, maaabot natin balang araw ang pangwakas na sandali kung saan nakasalalay ang ating buhay na walang hanggan. Dahil minahal natin ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyan nang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas, matutupad natin sa buong buhay natin ang utos na ibigin ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas.

Nakaugat sa Diyos

Sa halip na mabuhay nang lubusan, madalas pahapyaw lang ang pagdaan natin sa buhay.

Tulungan mo kami, Panginoon, na manatiling nakaugat sa iyo sa bawat sandali, sa pamamagitan ng pagiging nakaugat sa iyong banal na kalooban sa bawat sandali.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 42-44

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read