Home2023Ang Pag-ibig ay Isang Liwanag

Ang Pag-ibig ay Isang Liwanag

Sa bawat hakbang na magmahal nang tunay, sa Diyos at sa ating kapwa, higit nating makikilala ang tinig ng Diyos na nagsisilbing liwanag sa ating puso; kayamanang maaari nating ibahagi sa lahat.

Yayamang ang pagmamahal sa mundo ay malimit hindi tunay na pagmamahal, may kato­tohanan ang kasabihang, “Bulag ang pag-ibig.” Su­balit kapag nagsisimulang magmahal ang isang tao tulad ng nais ng Diyos, na siyang Pag-ibig, madali niyang mabatid na ang pag-ibig ay isang liwanag.

Bukod dito, sinabi ni Hesus, “Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; at iibigin ko siya at ipahahayag ko ang ­aking sarili sa kanya” (Juan 14:21).

Kalimitan, ang ating kaluluwa ay nagagapi ng maraming tinig mula sa lahat ng dako, lalo na kapag hindi pa nito nararanasan kung ano ang magmahal sa Diyos. Ang mga ito ay malalakas, mga magkakasalungat na tinig mula sa puso, mula sa pag-iisip, mga tinig na nagmumula sa mataos na pagsisisi at panghihinayang, mga tinig mula sa simbuyo ng damdamin. At sinusunod natin ang isang tinig ngayon, isa pang tinig sa ibang sandali, kaya’t napupuno ang araw natin ng mga pagkilos na nagpapahayag o tinatakda ng mga tinig na iyon.

Ito ang dahilan kung bakit paminsan-minsan lang dumaraan ang ating buhay sa liwa­nag ng araw, bagamat nabubuhay tayo sa biyaya ng Di­yos. Ang ibang bahagi ng buhay ay nakalubog sa isang ka­lungkutan kung saan, paminsan-minsan, nangi­ngibabaw ang isang tinig sa iba sa paghatol, na parang pinaaalala sa atin na hindi ito ang tunay na buhay, ang ganap na buhay.

Sa halip, kung babaling ang kaluluwa sa Di­yos at magsisimulang mahalin Siya, at kung ang pagmamahal na ito ay tunay at isinasagawa, pinapanindigan sa bawat sandali, paminsan-minsan, mapapansin ng taong ito ang isang tinig sa karamihan na naaayon sa buhay. Higit pa sa isang tinig, ito ay isang liwanag na marahang lumalagos sa masa­limuot na plano ng kaluluwa. Ito ay isang halos di-mapansing kaisipan na ipinapagkaloob sa kaluluwa. Ito ay maaring mas pino kaysa sa iba, mas mahiwaga. Ito ay maaring tinig ng Diyos.

Kaya ang kaluluwa na nakapagpasiya nang sumunod sa Panginoon, na nagnanais maghandog ng lahat sa Kanya nang walang pasubali, ay sumasalok ng tubig dito sa malinaw, matahimik na bukal sa gitna ng mga latián. Ito ay isang hiyas sa gitna ng mga bato. Ito ay katulad ng ginto sa gitna ng ali­kabok.

Kinukuha ito ng taong iyon, pinakikislap at inilalagay ito sa liwanag. Kanya itong isinasabuhay.

Kung mangyayari na nakapagpasiya na ang taong ito na pumunta sa Diyos kasama ng iba, upang ikalugod ng Ama ang pang­kapatirang pagmamahal sa Kanyang mga anak, sa gayon, sasangguni ang taong ito sa sinumang kumakatawan sa Diyos para sa kanila dito sa lupa. Pagkatapos, maingat na ipahahayag ng taong ito ang kanyang kayamanan sa iba upang ang kapakinabangang ito ay maging para sa lahat, upang lumaganap ang banal, upang matuto ang bawat isa sa iba kung paano mahalin ang Panginoon nang mas mabuti, tulad sa isang laro.

Ang kaluluwa ay nakapagmahal nang doble sa paggawa nito. Nakapagmahal ito sa pagsasa­katuparan ng kalooban ng Diyos at nakapagmahal ito sa pagbabahagi sa mga kapatid. At yayamang tapat ang Diyos sa Kanyang mga walang hanggang salita, unti-unti, patuloy Niyang ipahahayag ang Kanyang sarili sa taong ito.

Ang lahat ng ito ay lubhang kanais-nais ­upang ganap na ibuhos ng ating puso ang pag-iisip sa Langit sa buong maghapon, hanggang sa umapaw. Binubuhay ng mga sakramento, mag-uugat ang ating buhay sa Diyos sa paraang ito.

Maibibigay natin ang Diyos sa iba kung Siya ay nasa sa atin, at Siya ay nasa sa atin kung minamahal natin Siya.

Kung gayon, maaaring magsindi ng mga munting araw sa madilim at malabong mundong ito. Ipakikita nila ang daan para sa marami. Sa ganap na kaba­baang-loob ng kanilang buhay, na lubos na inialay sa Panginoon — kung saan hindi na sila ang na­ngungusap, bagkus Siya ang nangu­ngusap, kung saan hindi na sila ang nabubuhay, bagkus Siya ang nabubuhay — magbibigay-init ang mga araw na ito.

Chiara Lubich

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read