Home2020AugustAng Kahalagahan ng Pagsusuri ng Konsensiya

Ang Kahalagahan ng Pagsusuri ng Konsensiya

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Huwag Lumingon…

Laging tumingin sa hinaharap, at huwag lumingon. Ang nangyari sa iyong buhay ay nangyari na, at alam iyon ng Diyos. Ngayon tanging isang bagay ang mahalaga: ang huwag sayangin ang kasalukuyang sandali, ang tanging bagay na nasa ating mga kamay. Tanging sa kasalukuyang sandali tayo makapagmamahal sa Diyos ng buong puso at makatutupad ng kanyang kalooban.

Kapag isinasabuhay natin ang kasalukuyang sandali

Kapag isinasabuhay natin ang kasalukyang sandali, natutupad natin ang ating mga tungkulin … nakakayanan nating pasanin ang ating mga krus (kaya ang payong ito ay madalas na ibinibigay sa mga malapit ng mamatay) … nauunawaan natin ang tinig ng Diyos sa ating kalooban … ang lakas ng kanyang biyaya ay kumikilos sa kalooban natin … naaabot natin ang kabanalan … at matatagpuan natin ang ating mga sarili sa gabi ng bawat araw, at sa gabi ng ating buhay, na sagana sa paggawa ng kabutihan at mga gawain ng pagmamahal.

Pagsapit ng gabi…

Kapag isinasabuhay natin ang kasalukuyang sandali, natatagpuan natin ang kahalagahan ng ating mga ginagawa, napakaaba man ito.

Pagsapit ng gabi, nagugunita natin itong mga sandaling lubusang isinabuhay ng may kagalakan. Kung maaalala man natin ang ating mga pagkakamali, ihinahabilin natin ang mga ito sa Diyos, na kayang silang ituwid sa pamamagitan ng kanyang awa.

Sa ganitong pagtingin sa buhay, mas nagiging madali ang pagsusuri ng ating konsensiya sa gabi. Nagkakaroon ito ng halaga at nagiging kasinghalaga ng pagsusuri sa katapusan ng buhay natin sa mundo, o kaya’y nagiging mas mahalaga pa. Samantalang sa dulo ng ating buhay wala na tayong magagawang remedyo, sa pang-araw-araw nating pagsusuri ng konsensiya, maaari pa nating subukan ulit at kumuha muli ng pagsusuri sa susunod na araw, kung pahihintulutan tayo ng Diyos.

Kung gayon, maaari nating tanggapin kahit ang hirap na dulot ng ating mga pagkakamali sa mga nagdaang araw at papabungahin ito.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 13-15.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read