Home2020JulyAng Kahalagahan ng Oras

Ang Kahalagahan ng Oras

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ialay sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Hango ang mga pagninilay na ito sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ialay sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Hango ang mga pagninilay na ito sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Ano ba ang oras? Sinusukat natin ito, at ginagamit sa pagsukat ng napakaraming bagay, tulad na lamang ng musika. Sinisikap nating panatilihin ito. Nabubuhay tayo dito. Kaya ba nating mabuhay kung wala ito? Sinabi ni San Pablo na gamitin natin ito ng mabuti. Subalit kailangan nating aminin na hindi natin sapat na nauunawaan ang ibig sabihin nito. Mayroon ba talagang tunay na pag-iral ito? O kaya’y gawa-gawa lamang natin ito upang sukatin ang pagkakasunod-sunod at katagalan ng mga pangyayari o paglalarawan sa mga makasaysayang pangyayari at ang pagkakaugnayan ng mga ito.

Kahit para sa mga kilalang siyentipiko (tulad ni Einstein), napakahirap nitong maarok, at para sa iba ito ay isang hiwaga – isa sa mga pinakakamangha-mangha.

Maraming magagandang bagay na puwedeng gawin upang magpalipas ng oras: magbasa ng aklat na pagkukuhaan ng kaalaman at karunungan, mga sulat na dapat sagutin (lalo na sa email), mga taong dapat tawagan at sagutin sa social media, at mga lugar na magandang bisitahin tulad ng Lourdes o ang Holy Land, para sa kalusugan, ang dalampasigan o ang dentista. Subalit wala tayong oras sa mga bagay na ito.

Limitado ang oras natin. Ito ang katotohanan. Dahil dito, wala nang mas mahalaga para sa atin sa paggamit ng mabuti sa oras na hawak natin. Walang dahilan para sayangin ito. Kung hindi natin tatanggapin ang mga limitasyon ng oras natin, malulugmok lamang tayo sa lumbay. Hindi na kailangang mangyari ito. Mabuhay tayo sa realidad at maging masaya, at bitawan ang hindi naman natin makakamtan pa, tulad ng nakaraan. Maaari tayong maging masaya sa ilang mga alaala at matuto sa mga ito, pero hindi na tayo puwedeng mabuhay sa mga ito. Tulad ng mga bakas ng paa sa buhangin, naglaho na sila. Pati na rin yaong mga pagkakamali natin, wala na rin ang mga ito; pinatawad na ang mga ito ng Diyos.

Tungkol naman sa kinabukasan, hindi pa ito dumarating. Kaya’t palayain natin ang ating mga sarili sa pag-aalala rito. Ang pinakamahusay na paghahanda para rito, at ito lamang ang tanging pamamaraan, ang paggamit sa isang bagay na mayroon tayong lahat: ang kasalukuyang sandali. Para sa ibang mga bagay, maaaring wala na tayong oras, pero nasa kamay natin “ang dito at ngayon.” Pantay-pantay ang bahagi natin dito. Hindi natin ito maaaring bawasan o palakihin. At hindi rin natin alam kung gaano pa karaming sandali ang ibibigay sa atin. Pero hawak natin ang sandaling ito, at ito ay isang malaking biyaya, napakahalaga, at katangi-tangi.

Limitado ang oras natin, ngunit ang kasalukuyang sandali ang daan upang makaugnay ang walang limitasyon (unlimited) at ang lampas pa sa oras: ang walang-hanggan. Mahusay itong ipinaliwanag ni San Agustin. Ang Lumikha ng oras ay hindi napapaloob sa oras. Nabubuhay ang Diyos sa walang-hanggang kasalukuyan, na tinawag ni San Agustin na nunc stans, ang ‘laging kasalukuyan, ’isang punto na walang simula at walang katapusan, walang nakaraan at bukas, kung saan ang lahat ay ‘ngayon.’ Lahat ng kabutihan at realidad na maaaring umiral ay nasa sa Kanya. Ang koneksyon natin dito ay nasa kasalukuyan. Sinabi pa ni San Agustin, ang pamumuhay sa pag-ibig ng Diyos sa kasalukuyang sandali ay nagdadala na sa atin sa langit. Ito ang tugatog ng pagiging totoo.

Hindi tayo maaaring mabuhay sa oras at lugar ng iba. Marahil para sa isa sa atin sa Amerika, ang araw doon ay Sabado ng hapon, at ang isa namang nasa Asya, Linggo na ng umaga sa parehong sandali. Nasasaad sa Ecclesiastes, marahil para sa isa sa atin panahon ng pagtangis; para sa iba ay panahon ng pagsasaya. May panahon ng pagtatanim, at pagbunot ng tanim; panahon ng pagpapahinga at panahon ng pagbangon. Lahat ng bagay sa sanilikha ay may oras at lugar.

Sa liwanag ng pananampalatayang Kristiyano ni Chiara Lubich at isang habang buhay ng mga karanasan kasama ng kanyang mga kaibigan, binibigyan tayo ng payo ni Chiara kung paano isasabuhay ng mabuti ang ‘dito at ngayon.’ Sa ibang lugar at sa kinabukasang panahon, maaari tayong magkaroon ng mabuting impluwensiya subalit sa sukat ng kung paano natin isinasabuhay ng mabuti ang ating partikular na kasalukuyang sandali, napakaliit man ito.

Kung itutuon natin ang ating pansin sa kasalukuyang sandali, tinatanim natin ang binhi sa walang-hanggang buhay, na tatamasahin natin magpakailanman.

Mula sa Paunang Salita ni Julian Stead, O.S.B., sa aklat ni Chiara Lubich na “Here and Now.” Siya ang may-akda ng sikat na aklat na “Saint Benedict: A Rule for Beginners.”

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read