HomeKATAGA NG BUHAY“Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos...

“Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos.” (Mateo 22:21)

Kung mayroong nakakikilala sa Diyos at makatutulong sa atin na ibigay sa Kanya ang nararapat na lugar, ito ay si Hesus. Para sa Kanya … ang pag-ibig ay nangangahulugang ganap na paggawa ng kalooban ng Ama… Hinihingi rin Niya ito sa atin dahil hindi natin maibibigay sa Diyos ang hindi katumbas ng lahat sa atin: ang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip natin.

Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos. (Mateo 22:21)

Si Hesus ay pumasok sa Jerusalem, at pinahayag ng mga tao na Siya ang “Anak ni David.” Ito ay isang makaharing titulo na iniuugnay ng Mabuting Balita ayon kay Mateo sa Kristo na naparito upang ipahayag na ang Kaharian ng Diyos ay nalalapit na.

Sa salaysay na ito, isang kakaibang pag-uusap ang nagaganap sa pagitan ni Hesus at ng isang grupo ng mga taong nagtatanong sa Kanya. Ang ilan ay mga Herodiano, at ang iba ay mga Pariseo, dalawang grupo na may magkaibang pananaw tungkol sa kapangyarihan ng emperador ng Roma. Tinanong nila si Hesus kung sa tingin Niya’y naaayon sa batas o hindi ang pagbabayad ng buwis sa emperador, upang pilitin Siyang pumanig kay Cesar (ang emperador) o hindi pumanig sa kanya, at sa gayon, lumikha ng batayan upang makagawa ng mga posibleng paratang laban kay Hesus.

Ngunit sumagot si Hesus sa pamamagitan ng isa pang tanong tungkol sa imaheng nakaukit sa salaping pilak ng panahon. Dahil ito ay sa emperador, siya’y tumugon:

Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos.

Ngunit ano ang nararapat sa emperador, kay Cesar, at ano ang nararapat sa Diyos?

Pinapaalala ni Hesus ang pagiging una ng Diyos sa lahat: dahil kung paano ang imahe ng emperador ay nakaukit sa salaping pilak ng mga Romano, gayundin ang imahe ng Diyos ay nakaukit sa bawat tao.

Pinapatunayan mismo ng tradisyon ng mga gurong Hudyo na tulad ng larawan ni Cesar na nakaukit sa salaping pilak, ang bawat tao’y nilikha sa wangis ng Diyos1: “Kapag inukitan ng isang tao ang ilang salaping pilak gamit ang isang tatak, silang lahat ay magkatulad. Ngunit tinatakan ng kataas-taasang Hari ng mga hari, ang Banal, Pagpalain Siya, ang lahat ng tao ng tatak ni Adan, ang unang tao, dahil silang lahat ay kanyang mga supling, at walang sinuman sa kanila ang katulad ng iba.”2

Samakatuwid, sa Diyos lamang natin maibibigay nang lubusan ang ating sarili, tayo’y sa Kanya lamang, at sa Kanya natin matatagpuan ang kalayaan at kahalagan natin bilang tao. Walang kapangyarihan ang tao na maaaring hingin ang gayong katapatan.

“Kung mayroong nakakikilala sa Diyos at makatutulong sa atin na ibigay sa Kanya ang nararapat na lugar, ito ay si Hesus. Para sa Kanya … ang pag-ibig ay nangangahulugang paggawa ng kalooban ng Ama na hinahandog ang pag-iisip, puso, lakas, at maging ang buhay: Buong puso Niyang ibinigay ang Kanyang sarili sa plano ng Ama para sa Kanya. Pinapakita ng Mabuting Balita sa atin na lagi Siyang lubusang nakatuon sa Ama… Hinihingi rin Niya ito sa atin: ang pag-ibig ay ang paggawa ng kalooban ng Minamahal, at ginagawa ito nang lubusan at nang buo nating pagkatao. … Hinihingi sa atin na gawin ito hanggang sukdulan dahil hindi natin maibibigay sa Diyos ang hindi katumbas ng lahat sa atin: ang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip natin.”3

Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos.

Kadalasan, nahaharap tayo sa mga suliranin o mahihirap na pagdedesisyon na may panganib na mahulog tayo sa tukso na maghanap ng butas na malulusutan. Maging si Hesus ay dumaan sa pagsubok sa harap ng mga solusyong nilalatag ng dalawang ideolohiya, ngunit para sa Kanya, ito ang malinaw: una sa lahat ang paglago ng kaharian ng Diyos at ang pagiging una ng pag-ibig sa lahat.

Itong Salita ng Diyos ay nagtatanong sa atin: Madali ba tayong maakit at makuha ng katanyagan, o ng isang mabilis na pag-angat sa napiling karera? Hinahangaan ba natin ang mga matagumpay na tao at ang iba’t ibang influencer? Ibinibigay ba natin sa mga bagay ang lugar na nararapat lang sa Diyos?

Ang sagot ni Hesus ay humihingi ng isang malaking pag-angat ng kalidad ng buhay natin at nag-aanyaya sa atin sa isang seryoso at masusing pag-unawa sa mga pinahahalagahan natin sa buhay.

Sa kaibuturan ng ating puso, nakikilala natin ang isang tinig na kung minsan ay banayad at nadadaig ng iba pang tinig ngunit nakikilala pa rin. Ang tinig na iyon ang humihimok sa atin na walang-sawang maghanap ng mga paraan ng paglikha ng kapatiran at palaging hinihikayat tayong pagpanibaguhin ang desisyong ito, kahit na hingin nito ang pagkontra sa agos ng mundo.

Ito’y isang kinakailangang pagsasanay kung nais nating bumuo ng mga pundasyon ng tunay na pakikipag-usap sa iba, upang sama-samang makahanap ng mga angkop na sagot sa kaguluhan sa ating buhay. Hindi ito nangangahulugan na tinatalikuran natin ang personal na responsibilidad sa lipunan, bagkus ibinibigay natin ang ating sarili sa walang pag-iimbot na paglilingkod para sa kapakanan ng lahat.

Noong panahong nakakulong si Dietrich Bonhoeffer na kalauna’y pinatay dahil sa kanyang di pagsunod sa pamahalaang Nazi, sumulat siya sa kanyang kasintahang babae, “Hindi ko ipinapakahulugan ang pananampalatayang tumatakas sa mundo, kundi ang pananampalatayang nananatili sa mundo, at nagmamahal at nananatiling tapat sa daigdig, sa kabila ng lahat ng kapighatiang dulot nito sa atin. Dapat maging isang ‘oo’ ang ating kasal sa mundo ng Diyos; dapat nitong palakasin ang loob natin upang gumawa at lumikha sa lupa. Nangangamba ako na ang mga Kristiyanong may lakas-loob na tumayo sa isang paa lamang sa lupa ay magkakaroon din ng isang paa lamang sa langit.”4

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Cf. Gen 1:26.

2 Mishnà Sanhedrin 4:5.

3 Chiara Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 2002.

4 Dietrich Bonhoeffer, Maria von Wedemeyer, “Love Letters from Cell 92: The Correspondence between Dietrich Bonhoeffer and Maria von Wedemeyer, 1943-45.” Nashville (TN): Abingdon Press, 1995.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read