Home2026August“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon.” (Lucas 1:46)

“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon.” (Lucas 1:46)

Higit Pa sa Ating Inaasahan

Inaanyayahan tayo ng mga salitang ito na gawing buháy na papuri ang ating búhay at kilalanin ang “mga dakilang bagay” na nagaganap araw-araw. Inaanyayahan din tayong samahan si Maria sa pagpapahayag na ang Diyos ay tapat, na ang Kanyang awa ay umaabot sa bawat henerasyon, at ang Kanyang kaharian ng katarungan at pag-ibig ay natutupad na sa atin.

“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon.” (Lucas 1:46)

Sa unang kabanata ng Kanyang Mabuting Balita, binibigay sa atin ni San Lucas ang tanging pahina sa Bagong Tipan kung saan ang mga pangunahing tauhan ay dalawang babae, sina Maria at Elizabeth.

Si Elizabeth ay nanirahan sa isang nayon malapit sa Jerusalem, mga 150 kilometro mula sa Nazareth. Pagkatapos matanggap ang pagpapahayag ng anghel na siya’y magiging ina ni Hesus (Lucas 1:26-38), sinimulan kaagad ni Maria ang mahabang paglalakbay patungo roon. Hindi natin alam ang mga detalye ng paglalakbay; ang alam lang natin ay nagmadali siyang magtungo kay Elizabeth. Ngunit bakit siya pumunta roon?

Pumunta si Maria upang ibahagi ang kagalakang ito sa mga taong tulad niya, na nakatanggap mula sa Diyos ng biyaya ng isang sanggol, at maging malapìt sa kanya at tulungan siya sa mga huling buwan ng kanyang pagbubuntis. Ito ang kwento ng dalawang babae, ng dalawang “imposibleng” pagbubuntis. Sino pa ang mas makakaintindi kay Maria kaysa kay Elizabeth at makibahagi sa karanasang ito? Mula sa pagtatagpong ito dumaloy ang awit ng Magnificat.

“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon.”

Sinulat ni Martin Luther sa kanyang komentaryo sa Magnificat, “Ang kanyang mga salita ay pagpapahayag ng dakilang pag-ibig at matinding kagalakan, na siyang nagpapaliwanag kung bakit ang kanyang kaluluwa at bùhay ay itinataas sa Espiritu. Hindi sinabi ni Maria: Dinadakila ko ang Diyos, kundi dinadakila ng aking kaluluwa; na para bang sinasabi: ang aking buong buhay at ang aking pakiramdam ay, wika nga, tinataguyod ng pag-ibig ng Diyos […],” [1]

Ang pandiwang “dakilain,” na nangangahulugang gawing dakila, ay nagpapakita ng isang kagalakan na pinasiklab ng pagtuklas na ang Diyos ay mas dakila kaysa sa inaasahan natin. Ang kagalakang ito’y sinasalamin ng isang matinding pagpapakumbaba, pasasalamat at pagkilala.

Tulad ng binibigyang-diin ni Ermes Ronchi, “Ang Magnificat ang ebanghelyo ni Maria, ang kanyang mabuting balita na umaabot sa lahat ng henerasyon.” Sampung beses na inuulit ng dalagang mula sa Nazareth na “Siya ang gumawa…” [2] tulad ng isang panibagong Sampung Utos na bumabaligtad sa pangangatuwiran ng mundo.

Natural lamang na tanungin natin ang ating sarili kung napanatili ba natin ang pagkamangha at paghanga sa ating pang-araw-araw na buhay at sa ating panalangin tungkol sa mga ginawa at patuloy na ginagawa ng Diyos. Kung walang pagiging bukas sa mga pagbabago at sorpresa nito, ang pananampalataya ay maaaring maging isang nakakapagod na panalangin na unti-unting kumukupas at nagiging isa lamang kinagawian ng lipunan.[3]

“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon

Ang awit ni Maria ay hindi lamang isang personal na panalangin ng papuri, kundi isang pagpapahayag, na makikilala sa patuloy na pagtukoy sa mga pangungusap mula sa Banal na Kasulatan,[4] na nagpapahiwatig ng pinakamalalim na hangarin ng Diyos para sa kinabukasan ng sangkatauhan. Ang pagpuri sa Kanya ay nangangahulugang pagpanig sa mga di pinapahalagahan ng lipunan, at maniwala na ang mundo ay maaari at dapat magbago.

Ang mga salita ng awit na ito ay nag-aanyaya sa atin na unawain ang nakapagliligtas na pagpasok ng Diyos sa ating personal at pangkomunidad na kasaysayan dahil tinutukoy nito hindi lamang ang ating personal na karanasan bagkus ang karanasan ng lahat, mula sa kasalukuyang sandali hanggang sa bagong langit at bagong lupa na pinasimulan ng panlipunang pagbabago ng Mabuting Balita.

“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon.”

Inaanyayahan tayo ng mga salitang ito na gawing buhày na papuri ang ating bùhay, kilalanin ang “mga dakilang bagay” na nagaganap araw-araw. Inaanyayahan din tayong samahan si Maria sa pagpapahayag na ang Diyos ay tapat, na ang Kanyang awa ay umaabot sa bawat henerasyon, at ang Kanyang kaharian ng katarungan at pag-ibig ay natutupad na sa atin.

Naunawaan ni Chiara Lubich itong nakakapagbagong aspeto ng awit ni Maria nang sumulat siya sa isang grupo ng kabataan: “Basahin ninyo ang Magnificat at matatagpuan ninyo ang una at pinakamakapangyarihang pahina ng doktrinang panlipunan ng mga Kristiyano. Sino ang magsasakatuparan nito, at kailan ito magiging katotohanan?” [5]

Patuloy na naghahanap ng kasagutan at isang paghamon sa atin ang mga tanong na ito. Ang pagpasok ng Diyos sa buhay natin ay hindi dapat manatiling limitado sa kaibuturan ng puso, kundi dapat maipakita sa ating mga ugnayan, sa buhay ng lahat, sa istruktura ng lipunan sa mga susunod na henerasyon.

Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay

[1] Martin Luther, Commento al Magnificat, 1520, https://www.associazionealec.it/wpcontent/uploads/2017/09/1.3-Lutero-testo-commentomagnificat.pdf.

[2] Ermes Ronchi, Magnificat, una finestra aperta sul futuro, Avvenire, 12 Agosto 2021.

[3] Cfr. Papa Francisco, Angelus, 4 Hulyo 2021.

[4] Cfr. Gérard Rossé, Il Vangelo di Luca, Città Nuova, 1992.

[5] Chiara Lubich, Detti Gen, Città Nuova, 1969.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read