Home2026OctoberMas Ninanais ng Diyos ang Awa Kaysa Handog

Mas Ninanais ng Diyos ang Awa Kaysa Handog

Pinakikita ng Diyos na mayroong higit na mahalaga kaysa paghahandog. Ito ay pagma­mahal para sa iba sa anyo ng awa, pagmamahal na nagbubukas ng puso at mga palad sa mga aba, sa mga pulubi, sa mga nawawalan ng pag-asa sa buhay, sa mga makasalanang nagsisisi.

Kapag nakaranas na tayo ng paghihirap sa mga pinaka-nakatatakot na anyo nito, kapag nakaranas na tayo ng mga iba’t ibang uri ng pagdadalamhati, kapag naiabot na natin ang ating mga kamay sa Diyos sa isang walang imik at maka­bagbag-pusong pagsu­sumamo, na bumibigkas ng mga panalangin para saklolohan, mga impit na sigaw para tulungan; kapag nakainom na tayo sa kalis hanggang sa latak at naialay na natin ang ating krus sa Diyos sa bawat araw at taóng lumipas, habang pinag-iisa ito sa Kanyang krus (na nagbibigay dito ng banal na kahulugan), sa mga sandaling iyon, nahahabag sa atin ang Diyos at tinitipon tayo sa isang pakiki­pag-isa sa Kanya.

Pagkatapos maranasan ang natatanging kaha­laghan ng paghahandog, pagkatapos manalig sa paraan ng pamumuhay ayon sa krus at masaksihan ang mga mabubuting bunga nito, dumara­ting ang sandali na pinakikita ng Diyos, sa isang naba­bago at mas dakilang paraan, na mayroong higit na mahalaga kaysa paghahandog. Ito ay pagma­mahal para sa iba sa anyo ng awa, pagmamahal na nagbubukas ng puso at mga palad sa mga aba, sa mga pulubi, sa mga nawawalan ng pag-asa sa buhay, sa mga makasalanang nagsisisi.

Ito ay isang pagmamahal na marunong tumanggap muli sa kapwa na naligaw ng landas — ma­ging ito ay isang kaibigan, isang kapatid, o isang taong di kilala — at ito ay nagpapatawad sa taong ito nang walang hangganan. Ito ay pagmamahal na higit na nagagalak sa makasalanang nagsisisi kaysa sa isang libong taong matuwid. Ito ay nag­lalaan ng katalinuhan at mga ari-arian sa Di­yos upang sa gayon maipakita Niya sa alibughang anak ang kaligayahang dulot ng kanyang pagbabalik. Ito ay pagmamahal na hindi nanunukat at hindi masusukat. Ito ay pag-ibig na namumukadkad sa ganda at sig­la, higit na masagana, higit na pangkalahatan, hi­git na nadarama kaysa sa dating taglay ng kaluluwa.

Sa katunayan, nararanasan nito ang pagsibol ng mga damdaming katulad ng kay Hesus. Sa bawat pagtatagpo inuulit nito sa kanyang sarili itong mga pananalitang banal: “Nahahabag ako sa mga taong ito” (Mateo 15:32). Nagsisimula ito ng mga pakikipag-usap sa mga makasalanan na lumalapit, naakit ng isang pagkakatulad kay Kristo, mga pakikipag-usap katulad ng mga yaong minsan nagkaroon si Hesus kay Maria Magdalena, o ang babaeng taga-Samaria, o ang nakiapid na babae.

Ang pinakahuling pagpapahiwatig ng pag-ibig ay awa, na nagsasakatuparan dito. At lumala­mpas ang pag-ibig sa paghihirap sapagkat ang paghihirap ay para lamang sa buhay na ito samantalang ang pag-ibig ay nagtatagal hanggang sa kabilang-buhay. Mas ninanais ng Diyos ang awa kaysa paghahandog.

Chiara Lubich

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read