HomeKATAGA NG BUHAY“Huwag ninyong pagmalupitan o apihin ang mga dayuhan; dahil naging dayuhan din...

“Huwag ninyong pagmalupitan o apihin ang mga dayuhan; dahil naging dayuhan din kayo sa Ehipto.” (Exodo 22:21)

Ilagay ang Sarili sa Kalagayan ng Iba

Kung tayong lahat ay magkakapatid, dapat nating mahalin ang lahat. Ito’y pag-ibig na may kakayahang lumapit sa kapwa, magpasimula ng pag-uusap, makiramay sa kanilang mga paghihirap, at dalhin ang kanilang mga pasanin at alalahanin — hanggang sa madama ng kapwa na siya’y nauunawaan at tinatanggap sa kabila ng kanyang pagkakaiba, at malayang naipapahayag ang yaman ng kanyang kalooban.

“Huwag ninyong pagmalupitan o apihin ang mga dayuhan; dahil naging dayuhan din kayo sa Ehipto.” (Exodo 22:21)

Ang Kataga ng Buhay ngayong buwan ay hango sa aklat ng Exodo, na naglalarawan sa lumalalang kalagayan ng mga Israelita sa Ehipto. Sila’y inaapi at inaalipin, at humihingi ng tulong sa langit. Ang kanilang daing ay umabot sa puso ng Diyos; nagpasya Siyang kumilos at pinili si Moises bilang Kanyang sugo. Matapos ang kanilang paglaya, nagkaroon ng pagdiriwang upang pagtibayin ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng Israel. Ang dokumentong naglalarawan sa ugnayang ito ay tinatawag na ‘Tuntunin ng Tipan,’ [1] at ito ay tinanggap ng buong bayan ng Israel.[2] Ang bahaging naglalaman ng Sampung Utos ang pinakakilalang bahagi ng dokumentong ito, ngunit nagtataglay rin ito ng iba pang mga tuntunin at batas na nauugnay sa pambihirang pagpapalaya sa bayan ng Israel. Ang mga salita para sa buwang ito ay nagmula sa mga tuntuning ito na gumagabay sa buhay at pag-uugali.

“Huwag ninyong pagmalupitan o apihin ang mga dayuhan; dahil naging dayuhan din kayo sa Ehipto.”

Ang dayuhan ay kinakalinga at pinoprotektahan ng Diyos dahil, tulad ng mga dukha, mga ulila, at mga biyuda, sila’y kabilang sa mga pinakamahina at pinakananganganganib ang kalagayan sa lipunan. Ang batayan ng batas na ito ay nakatuon, higit sa lahat, sa pag-alala sa mga naranasan noong panahon ng pagkaalipin sa Ehipto. Sa Lumang Tipan, madalas na binabanggit ang makapangyarihang pagkilos ng Diyos noong panahon ng Exodo, ang malawakang pag-alis ng bayan ng Israel sa Ehipto. Ito ay isang pangyayaring dapat laging tandaan ng bayan bilang isang bagay na patuloy na nagaganap, sa iba’t ibang paraan, sa bawat henerasyon. Mahalaga ang pahayag ni Origen sa kanyang komentaryo sa aklat ng Exodo: ‘Ang sinumang nang-aapi ng dayuhan ay nagpapakitang hindi pa siya umaalis sa Ehipto.’ [3]

Ang utos na ito’y tumatawag sa atin sa pagmamalasakit. Ang paglalagay ng ating sarili sa kalagayan ng ibang tao ay makakatulong sa atin na maunawaan sila at matanto ang kanilang mga pangangailangan. Ang mga nakaranas ng matitinding pagsubok ay mas madaling makiramay sa pagdurusa ng iba, ngunit sa Lumang Tipan, hindi lamang ito karanasan ng tao. Ang unang nagpakita ng halimbawa kung ano ang ibig sabihin ng paglalagay ng sarili sa kalagayan ng iba ay ang Diyos mismo.

“Huwag ninyong pagmalupitan o apihin ang mga dayuhan; dahil naging dayuhan din kayo sa Ehipto.”

Paano natin maisasabuhay itong Kataga ng Buhay? Makatutulong na tanungin ang ating sarili. Naranasan ko na bang maging isang dayuhan? Naramdaman ko na bang hindi ako tinatanggap, tinatanggihan, hindi nauunawaan, o itinuturing akong iba sa isang grupo ng mga tao? Ano ang natutunan ko sa mga karanasang ito? Sino ang itinuturing kong dayuhan? Sino ang dayuhan sa paningin ng Diyos? Paano ko sila malugod na matatanggap nang walang pag-aalinlangan, tulad ng ginagawa ng Panginoon sa atin? Anong mga konkretong hakbang ang maaari kong gawin?

Isinulat ni Chiara Lubich: ‘Dahil ang Diyos ay walang pinipili sa mga tao, magagawa ba nating hindi isapuso ang kapatiran ng lahat ng tao? Bilang mga anak ng iisang Ama, matutuklasan natin sa bawat lalaki at babaeng ating nakakasalamuha, na tayo’y magkakapatid. Kung tayo’y magkakapatid, dapat nating mahalin ang lahat — simula sa mga pinakamalapit sa atin, ngunit hindi tayo titigil dito. Ang pagmamahal natin ay hindi magiging isang teorya o sa kaisipan lamang, kundi isang konkretong pag-ibig na naipapakita sa pamamagitan ng paglilingkod. Ito’y pag-ibig na may kakayahang lumapit sa iba, magpasimula ng pakikipag-usap, makiramay sa kanilang mga paghihirap, at dalhin ang kanilang mga pasanin at alalahanin — hanggang sa madama ng kapwa na siya’y nauunawaan at tinatanggap sa kabila ng kanyang pagkakaiba, at malayang naipapahayag ang yaman ng kanyang kalooban.’ [4]

Narito ang karanasan ni Maryam, isang batang babaeng taga-Pakistan:

‘Sa isang café, nakita kong tumanggi ang may-ari na bigyan ng isang tasa ng tsaa ang isang matandang babae. Kaunting rupee lang ang dala ko, pero naramdaman kong kailangan ko siyang tulungan; kaya nilapitan ko ang may-ari at sinabing ako na lang ang magbabayad para sa kanya. Noong una, nag-aalinlangan siyang tumingin sa akin. Pagkatapos ng ilang sandali ng katahimikan, ngumiti siya at sinabi: “Hindi, hindi tama iyon. Kung ikaw na isang kliyente ay handang ibayad ang kakaunting meron ka alang-alang sa kanya, dapat na maging mas bukas-palad ako na siyang may-ari nitong café? Mas madali para sa akin na bigyan siya ng isang tasa ng tsaa nang libre kaysa singilin ka.” Isang matinding karanasan ito. Sa pagsisikap na mahalin ang matandang babae at ang may-ari, nakita ko kung paano mabubuksan ng isang simpleng paggawa ng kabutihan ang puso ng ibang tao.

Augusto Parody Reyes and the Word of Life team

[1] Exodo 20-23:1

[2] Ihambing sa Exodo 24:2

[3] Origen, Homiliae in Exodum V, 5.3

[4] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Mayo 2006

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read