Home2023“Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi...

“Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo kabilang sa panig ng gabi o ng dilim.” (1 Tes 5:5)

Lagi tayong tinatawag ng Diyos upang paningningin natin ang Kanyang liwanag na nasa atin at masdang mabuti ang mga tao at lahat ng nangyayari upang makita natin ang Kanyang nagniningning na disenyo.

Ang liwanag ay palaging sumisimbolo sa buhay. Araw-araw, hinihintay natin ang bukang-liwayway bilang tagapagdala ng isang bagong simula.

Ang tema ng liwanag ay madalas na itinatampok sa kasaysayan ng iba’t ibang bayan at sa mga sinaunang relihiyon.

Ipinagdiriwang ng tradisyon ng mga Hudyo ang Hannukah, ang pista ng mga ilaw, na ginugunita ang muling pagtatalaga ng Templo sa Jerusalem at ang paglaya mula sa mga paganong kulto.

Ang ilang Muslim ay nagsisindi ng kandila sa araw ng kapanganakan ng propeta, na kilala bilang Mawlid sa wikang Arabo o Mevlid Kandili sa wikang Turko.

Ang Diwali, ang pista ng mga ilaw ng mga Hindu, ay ipinagdiriwang din ng ibang mga relihiyon sa India at sumisimbolo sa tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan.

Para sa mga Kristiyano, si Hesu-Kristo ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa kadiliman ng mundo.

Samakatuwid, ang liwanag ay puno ng simbolismo. Ito’y sumasagisag sa presensya ng Diyos at isang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan at sa mundo.

“Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo kabilang sa panig ng gabi o ng dilim.”

Ngunit ano ang mga katangian ng mga anak ng araw? Isang katangian nito ay ang pagiging “kabilang sa panig ng gabi, o ng kadiliman.” Ang pagtalikod sa hindi pagkilos at pagwawalang-bahala ay nakasalalay sa desisyon na manatiling gising at mapagbantay. Ito’y pagpili na magmahal at mabuhay nang ganap sa bawat sandali.

Kaya’t ito ang masidhing paanyaya ng apostol sa komunidad ng Tesalonica: magbantay nang sama-sama, itakwil ang kawalan ng malasakit at pagwawalang-bahala sa kapwa. Sa panahong lubos na nangangailangan ang sangkatauhan ng liwanag, yaong mga “hindi kabilang sa panig ng gabi” ay may tungkuling magdala ng higit na kalinawan sa lahat ng mga ugnayan ng tao sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng sarili, na may pananampalataya, pag-ibig at pag-asa, upang makita ang presensya ni Kristong Muling Nabuhay, gaya ng isinulat ni San Pablo (cf. 1 Tes 5:8).

Bukod dito, kailangan nating palaguin ang isang mas malapìt at mas taos-pusong ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng paghahanap sa Kanya sa kaibuturan ng ating mga puso, sa pakikipag-usap sa Kanya sa panalangin, at sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng salita ng Diyos na nagpapaningning sa liwanag na ito.

“Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo kabilang sa panig ng gabi o ng dilim.”

Minsan, maaari tayong masanay na mamuhay sa kadiliman ng ating mga puso at makuntento sa maraming huwad na ilaw sa paligid natin, ang iba’t ibang pinapangakong kaligayahan ng mundo. Gayunpaman, lagi tayong tinatawag ng Diyos upang paningningin ang Kanyang liwanag na nasa atin at masdang mabuti ang mga tao at lahat ng nangyayari upang makita natin ang Kanyang nagniningning na disenyo.

Kailangan ang pagsisikap upang patuloy na piliin na magsimulang muli, talikuran ang kadiliman at bumaling sa liwanag. Isinulat ni Chiara Lubich, “Ang Kristiyano ay hindi maaaring makatakas sa mundo, magtago o ituring ang relihiyon bilang isang pribadong bagay. Siya’y nabubuhay sa mundo dahil mayroon siyang pananagutan, isang misyon: maging ilaw na nagbibigay-liwanag. Ito rin ang tungkulin mo, at kung hindi mo ito gagawin, hindi ka magiging epektibo tulad ng asin na nawalan ng lasa o liwanag na naging anino.” 1 […] “Samakatuwid, ang tungkulin ng lahat ng mga Kristiyano ay hayaan ang liwanag na ito na magningning sa kanila at maging ‘tanda’ nitong presensya ng Diyos sa lahat ng tao.” 2

“Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo kabilang sa panig ng gabi o ng dilim.”

Ang Diyos ay liwanag, at maaari Siyang matagpuan ng mga taong taos-pusong naghahanap sa Kanya. Kahit anong mangyari, hinding-hindi tayo mawawalay sa pagmamahal Niya dahil tayo’y mga anak Niya. Kung nakatitiyak tayo rito, hindi tayo magugulat o madadaig ng mga nakagugulong na pangyayari.

Ang lindol sa Turkey at Syria sa taong ito, na kumitil sa mahigit 50,000 biktima, ay sumira sa buhay ng milyun-milyong tao. Nabatid ng mga nakaligtas sa sakuna na ang buong komunidad doon at sa ibang bansa ay naging mga pook ng liwanag na kumikilos upang magdala ng agarang tulong at mapagaan ang kalagayan ng nawalan ng mga mahal sa buhay, tahanan … ang mga nawalan ng lahat.

Hindi kailanman madadaig ng kadiliman ang mga taong piniling mamuhay sa liwanag at lumikha ng liwanag. Para sa ating mga Kristiyano, ito’y nangangahulugang isang buhay na kasama si Kristo sa ating piling, isang presensya na pinapahintulutan tayong masulyapan ang buhay na nagpapanumbalik ng pag-asa at patuloy na manahan sa pag-ibig ng Diyos.

Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Cf. Mateo 5:13-16

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Agosto 1979

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read