Home2021“Mapapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak...

“Mapapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos.” (Mateo 5:9)

Nag-aanyaya sa atin na iwasan ang pagsasawalang-bahala sa iba upang maging tagabuo ng pagkakasundo sa lahat, simula sa ating sarili at sa mga taong nasa paligid natin, gamit ang ating talino, puso, at mga kamay.

Ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo ay isinulat ng isang Kristiyanong nagmula sa mundo ng mga Hudyo ng mga panahong iyon; kung kaya’t taglay nito ang mga salitang pangkaraniwan sa kultura at relihiyon ng mga Hudyo.

Sa ikalimang kabanata,si Hesus ay ipinakilala bilang bagong Moises na umaakyat sa bundok upang ipahayag ang diwa ng Kautusan ng Diyos: ang batas ng pagmamahal. Upang bigyan ng tamang kahulugan ang pangaral na ito, sinasabi sa Mabuting Balita na si Hesus ay nakaupo, tulad ng isang guro.  

Bukod dito, si Hesus ang unang saksi ng mensaheng ipinahayag Niya. Makikita ito noong nangaral Siya tungkol sa mga “lubos na pinagpala,” ang programa ng buong buhay Niya. Inihahayag nito ang radikal na katangian ng Kristiyanong pagmamahal kasama ang mga bunga nitong pagpapala at ganap na kaligayahan: ang pagiging ganap na mapalad.

“Mapapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos.”

Sa Bibliya, ang kapayapaan – shalom sa wikang Ebreo – ay nagpapahiwatig ng pagkakasundo sa ugnayan ng isang tao sa kanyang sarili, sa Diyos, at sa kanyang kapaligiran. Kahit ngayon, nagbabatian ang mga tao hangad ang kaganapan ng buhay sa isa’t isa. Una sa lahat, ang kapayapaan ay isang kaloob ng Diyos subalit ito rin ay nakasalalay sa uri ng ating pamumuhay.

Sa lahat ng mga katangian ng mga lubos na pinagpala, ang pagtataguyod ng kapayapaan ang pinaka-aktibo. Ito’y nag-aanyaya sa atin na iwasan ang pagsasawalang-bahala sa iba upang maging tagabuo ng pagkakasundo sa lahat, simula sa ating sarili at sa mga taong nasa paligid natin, gamit ang ating talino, puso, at mga kamay. Hinihingi nito ang pagtatalaga ng sarili sa pagmamalasakit sa kapwa, hilumin ang sariling sugat at ang mga sugat ng lipunan, na hatid ng pagkamakasariling naghihiwalay sa atin sa isa’t isa. Hinihimok tayo nito na isulong ang lahat ng pagsisikap natin tungo sa adhikaing ito.

Tinupad ni Hesus, ang anak ng Diyos, ang Kanyang misyon nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus upang muling pag-isahin ang tao sa Ama at ibalik ang kapatiran sa mundo. Samakatuwid, ang sinumang nagtataguyod ng kapayapaan ay natutulad kay Hesus at nakikilala bilang anak ng Diyos.

“Mapapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos.”

Sa ating pagsunod sa mga yapak ni Hesus, magagawa din natin ang bawat araw bilang “araw ng kapayapaan” kung wawakasan natin ang maliliit o malalaking “digmaan” na nagaganap lagi sa ating paligid. Upang maisakatuparan ang pangarap na ito, mahalagang bumuo tayo ng mga ugnayan ng pagkakaibigan at pakikiisa, mag-alay ng tulong at gayon din ang tumanggap ng tulong.

Tulad ng isinalaysay nina Denise at Alejandro:“Noong nagkakilala kami, tunay na maganda ang aming ugnayan. Nagpakasal kami at, sa simula, maayos ang lahat: nakatulong din ang pagsilang ng aming mga anak. Sa paglipas ng panahon, nagsimula na ang mga pagbabago’t kabiguan; hindi na kami nakakapag-usap nang maayos kung kaya’t kahit munting bagay ay aming pinagtatalunan. Nagpasya kaming patuloy na magsama ngunit paulit-ulit pa rin ang aming mga pagkakamali – laging mayroong hinanakit at di-pagkakasundo. Isang araw, ilang kaibigan ang nagmungkahing sumali kami sa isang kurso para sa mga mag-asawang may problema sa kanilang ugnayan.1 Hindi lamang mahuhusay at maalam ang natagpuan namin doon kundi isang “pamilya ng mga pamilya” na maaari naming sabihan ng aming mga problema: Hindi na kami nag-iisa! Muling nagliwanag ngunit iyon lamang ang unang hakbang: sa bahay, nahirapan kami, at minsan, nagkakamali pa rin kami. Ang nakakatulong sa amin ay ang pagdedesisyong magsimulang muli bawat araw na magmalasakit sa isa’t isa at makipag-ugnayan lagi sa aming mga bagong kaibigan upang makasulong nang sama-sama.”

“Mapapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos.”

Sinabi ni Chiara Lubich, ang nagtatag ng Focolare: “Hinihingi ng kapayapaan, ng kapayapaan ni Hesus, na magkaroon tayo ng bagong puso at mata upang mahalin at ituring ang lahat bilang isang posibleng kasama sa pangkalahatang kapatiran.”

Dagdag pa niya, “Maaari nating tanungin ang ating sarili: Kasali rin ba ang mga palaaway kong kapitbahay? Kahit ang mga kasamahan sa opisina na humahadlang sa aking pag-angat sa buhay? O ang mga kasapi ng ibang partido sa politika o kalabang koponan sa basketball? Kahit ang mga nabibilang sa ibang relihiyon o bansa? Oo, ang lahat ay kapatid ko. Dito nagsisimula ang kapayapaan, sa ugnayang binubuo ko kasama ang bawat kapwa.

Isinulat ni Igino Giordani, ang katuwang na nagtatag ng Focolare, na ang kasamaan ay nagsisimula sa ating puso. At upang maiwaksi ang panganib ng digmaan, mahalaga na alisin ang diwa ng lupit at dahas, pagsasamantala at pagkamakasarili na pinagmumulan ng digmaan, at pagpanibaguhin ang ating budhi.2 Magbabago ang daigdig kung tayo ay magbabago, … lalo na kung bibigyang-diin natin ang bagay na pinag-iisa tayo. Makatutulong tayo sa paglikha ng pag-iisip ng kapayapaan at sama-samang kumilos para sa ikabubuti ng sangkatauhan… Ang pag-ibig ang magtatagumpay sa katapusan sapagkat ito ay mas malakas kaysa anupaman. Sikapin nating mamuhay nang ganito sa buwang ito, maging “pampaalsa” na sanhi ng bagong kultura ng kapayapaan at katarungan. Makikita natin ang muling pagsilang ng isang bagong sangkatauhan sa atin at sa ating paligid.”3

Letizia Magri


1 Cf. 10 anni di “Percorsi di luce” in https://www.focolare.org/famiglienuove

2 Cf. I. Giordani, L’inutilità della guerra, Rome 2003, p. 111.

3 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Enero 2004

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read