Pananampalatayang Walang Pasubali
Iminumungkahi ng Kataga ng Buhay ang kaganapan ng pagbibigay ng sarili na bumubuo ng isang mapayapang komunidad, dahil ito ang nagtutulak sa atin na pangalagaan ang bawat isa. Hinihikayat tayo nito na gumawa kahit hindi ito napapansin at magtiwala habang bukas-palad na nagbibigay. Tinatawag tayo nito na bigyang-pansin ang mga hamak sa lipunan, upang matuto sa kanila.
“Sa kanyang karukhaan, ibinigay ng babaing ito ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.” (Marcos 12:44)
Nasa dulo na tayo ng ika-12 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay Marcos. Si Hesus ay nasa templo ng Jerusalem; magmamasid Siya’t nagtuturo. Sa pamamagitan ng Kanyang nakikita, nasasaksihan natin ang isang eksenang puno ng iba’t ibang uri ng tauhan: mga taong dumarating at umaalis, mga kawani sa pagsamba, mga kilalang tao na may mahabang damit, mga mayamang tao na naghuhulog ng kanilang malalaking alay sa kabang-yaman ng templo.
Ngunit narito ang isang balo; bahagi siya ng mga taong higit na nangangailangan sa lipunan. Sa pagkawalang-bahala ng lahat, naghulog siya ng dalawang kusing sa kabang-yaman. Subalit napansin ito ni Hesus, tinawag niya ang Kanyang mga alagad at nagturo sa kanila:
“Sa kanyang karukhaan, ibinigay ng babaing ito ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”
“Tunay na sinasabi ko sa iyo…” Pinapasimulan ng mga salitang ito ang mga mahahalagang aral; ang tingin ni Jesus, na nakatuon sa dukhang balo, ay nag-aanyaya sa atin na ibaling rin ang tingin sa babaeng ito: siya ay modelo ng isang alagad.
Ang kanyang pananampalataya sa pag-ibig ng Diyos ay walang pasubali; ang Diyos mismo ang kanyang kayamanan. At, sa kanyang pagbibigay ng buong sarili sa Diyos, nais din niyang ibigay ang lahat ng kanyang makakaya para sa mga mas mahirap sa kanya. Itong buong tiwalang paghahabilin ng sarili sa Ama ay, maihahalintulad sa pagbibigay ng sarili na isasakatuparan ni Hesus sa Kanyang papapakasakit at kamatayan. Ito ang “pagpapakumbabang-loob” at “kadalisayan ng puso” na ipinahayag at isinabuhay ni Hesus.
Nangangahulugan itong “hindi pagtitiwala sa kayamanan, kundi sa pag-ibig ng Diyos at sa awa’t tulong Niya. […] Tayo’y “mapagpakumbabang-loob” kapag hinahayaan natin ang ating sarili na magabayan ng pagmamahal para sa iba. Kaya’t ibahagi natin at ibigay ang maaaring magamit ng mga nangangailangan: isang ngiti, ang ating oras, ang ating mga ari-arian, ang ating mga kakayahan. Kapag binibigay natin ang lahat ng sa atin, nang dahil sa pag-ibig, tayo’y dukha, sa ibang salita, may puwang at lugar para sa iba, malaya, at may pusong dalisay.” [1].
Ang minumungkahi ni Hesus ay kabaligtaran ng ating iniisip; Nakasentro ang isip Niya sa mga maliliit, sa mga dukha, sa mga higit na nangangailangan sa lipunan.
“Sa kanyang karukhaan, ibinigay ng babaing ito ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”
Itong Kataga ng Buhay ay nag-aanyaya sa atin, una sa lahat, na panibaguhin ang ating pagtitiwala sa pag-ibig ng Diyos at tingnan kung ang pananaw natin sa buhay ay naaayon sa Kanya upang makita ang mga bagay na hindi napapansin, na hindi nanghuhusga at umaasa lang sa opinyon ng iba, upang bigyang-halaga ang positibo sa bawat tao.
Iminumungkahi nito sa atin ang kaganapan ng pagbibigay ng sarili na batay sa Mabuting Balita. Binubuo nito ang isang mapayapang komunidad, dahil ito ang nagtutulak sa atin na pangalagaan ang bawat isa. Hinihikayat tayo nito na isabuhay ang Mabuting Balita araw-araw, na gumagawa kahit hindi ito napapansin; magtiwala habang bukas-palad na nagbibigay, na simple ang pamumuhay sa pagbabahagi sa iba. Tinatawag tayo nito na bigyang-pansin ang mga hamak sa lipunan, upang matuto sa kanila.
Si Venant ay ipinanganak at lumaki sa Burundi. Sinabi niya: “Sa nayon namin, maaaring magmalaki ang aking pamilya dahil mayroon kaming magandang sakahan, na may magandang ani. Batid na ang lahat ay bigay ng langit, iniipon ng aking ina ang unang ani at kaagad na ipinapamahagi sa mga kapitbahay, simula sa mga pinakamahirap na pamilya, na naglalaan lamang ng maliit na bahagi ng natitira sa amin. Mula sa halimbawang ito, natutunan ko ang halaga ng walang pag-iimbot na pagbibigay. Kaya, naunawaan ko na hinihiling ng Diyos sa akin na ibigay ang “pinakamagandang parte” sa Kanya, bagkus ang ibigay sa Kanya ang buong buhay ko.”
Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Cf. C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 2003.


