Tumingin Gamit ang Mga Mata ng Puso
Tanging ang mga taong may lakas ng loob na pansinin ang ‘puwing’ sa kanilang sarili o ang kanilang kailangan upang magbago para maging mas mabuting tao, ang makauunawa ng mga kahinaan nila at ng ibang tao nang walang paghuhusga o pagmamalabis.
“Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi pinapansin ang troso sa sarili mong mata?” (Lucas 6:41)
Bumaba si Hesus mula sa bundok kung saan Siya nagpalipas ng gabi sa pananalangin, at pagkatapos, pinili Niya ang Kanyang mga apostol. Nang makarating Siya sa isang patag na lugar, nagsimula Siyang mangaral sa kanila, simula sa pagpapahayag ng mga Mapapalad. Sa talatang ito, magkaiba ang Mabuting Balita ayon kay Lucas at kay Mateo. Kay Lucas mayroon lamang apat na Mapapalad, at ang mga ito’y patungkol sa mga dukha, sa mga nagugutom, sa mga naghihirap, kasama ang maraming pagpapaalala sa mga mayaman, sa mga busog sa kasiyahan at sa mga mapagmataas.[1]
Inihayag ni Hesus ang natatanging pag-ibig ng Diyos para sa mga dukha noong Siya’y nasa sinagoga sa Nazaret[2] at, puspos ng Espiritu ng Panginoon, ipinahayag Niya na ang Kanyang misyon ay magdala ng mabuting balita sa mahihirap, pagpapalaya sa mga bihag, at kalayaan sa mga inaapi. Ipinagpatuloy ni Hesus ang paghikayat sa mga alagad na mahalin maging ang kanilang mga kaaway;[3] isang mensahe na nakahahanap ng sukdulang inspirasyon sa pag-uugali ng Ama sa langit: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Ama na maawain” (Lucas 6:36).
Sa pahayag na ito rin nagsisimula ang sumusunod: “Huwag ninyong husgahan ang iba at hindi kayo huhusgahan; huwag ninyong hatulan ang iba at hindi kayo hahatulan; magpatawad kayo at kayo’y patatawarin” (Lucas 6:37). Pagkatapos ay pinagsabihan ni Hesus ang mga nakikinig sa pamamagitan ng isang sadyang hindi kasukat na larawan:
“Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi pinapansin ang troso sa sarili mong mata?”
Tunay na kilálang-kilála ni Hesus ang ating puso. Kadalasan, sa pang-araw-araw na buhay, malungkot isipin na madali nating punahin ang mga pagkakamali at kahinaan ng ibang tao, at hindi natin nababatid na ang paghuhusga ay nauukol lamang sa Diyos. Tunay na upang ‘maalis ang tabla’ sa sariling mata, kailangan natin ng pagpapakumbaba na nagmumula sa kamalayáng tayo’y mga makasalanan na patuloy na nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. Tanging ang mga taong may lakas ng loob na pansinin ang ‘puwing’ sa kanilang sarili o ang kanilang kailangan upang magbago para maging mas mabuting tao, ang makauunawa ng mga kahinaan nila at ng ibang tao nang walang paghuhusga o pagmamalabis.
Gayunpaman, hindi tayo inaanyayahan ni Hesus na ipikit ang ating mga mata sa mga nangyayari sa ating paligid, at hayaan na lamang na magpatuloy o mangyari ito. Nais Niyang magtulungan ang Kanyang mga tagasunod sa pagsulong nila sa landas patungo sa isang bagong buhay. Madalas ding ipinaaalaala sa atin ng apostol na si Pablo na magpakita ng pagmamalasakit sa iba: ituwid ang mga walang disiplina, pasiglahin ang mga nasisiraan ng loob, tulungan ang mahihina, at maging matiisin sa lahat.[4]
Ang pag-ibig lamang ang may kakayahang maglingkod sa iba sa ganitong paraan.
“Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi pinapansin ang troso sa sarili mong mata?”
Paano natin maisasabuhay itong Kataga ng Buhay? Bilang karagdagan sa mga nasabi na, sa panahon ng Kuwaresma, maaari nating hilingin kay Hesus na turuan tayo na tingnan ang iba tulad Niya, tulad ng pagtingin ng Diyos sa kanila. At nakakakita ang Diyos sa pamamagitan ng mga mata ng puso, sapagkat lagi Niya tayong tinitingnan nang may pagmamahal.
Para lalo pa nating matulungan ang isa’t isa, maaari nating ibalik ang isang kaugaliang lubhang mahalaga para sa unang grupo ng mga kabataang babae ng Focolare sa Trento (Italya). Minsang sinabi ni Chiara Lubich sa isang grupo ng mga kaibigang Muslim, “Sa simula, hindi laging madaling magmahal sa radikal na paraan. Kahit sa atin, maaaring mabalot ng alikabok sa ating mga ugnayan, at maaaring humina ang pagkakaisa.
“Halimbawa, nangyari ito nang malaman namin ang mga kapintasan, mga kahinaan ng iba, at hinusgahan namin sila, kaya’t lumamig ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Isang araw, nagpasya kaming pagsikapang labanan ang sitwasyong ito. Nakipagkasundo kami sa isa’t isa, at tinawag itong ‘kasunduan ng awa.’ Napagpasyahan namin na tuwing umaga, titingnan namin ang mga taong nakasasalamuha namin – sa bahay, sa paaralan, sa trabaho, atbp. bilang bago – bago – na hindi inaalala ang kanilang mga pagkakamali ngunit tinatakpan ang lahat ng pagmamahal. Ito’y isang pagtatalaga ng sarili na nagpapatuloy at puno ng hamon, na magkasamang ginawa naming lahat. Tinulungan kami nitong maging laging unang magmahal, tinutularan ang maawaing Diyos na nagpapatawad at kinakalimutan ang lahat.”[5]
Augusto Parody Reyes at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Ihambing sa Lucas 6:20-26.
[2] Ihambing sa Lucas 4:16-21.
[3] Ihambing sa Lucas 6:27-35.
[4] Ihambing sa 1 Tesalonica 5:14.
[5] C. Lubich, “Pag-ibig sa Kapwa.” Panayam sa Mga Kaibigang Muslim. Castel Gandolfo, 1 Nobyembre 2002.


