Home2023July“Sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa...

“Sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.” (Mateo 10:42)

Nais ni Hesus ang ating aktibo, malikhain at responsableng pagtutulungan para sa ikabubuti ng lahat, simula sa mga munting bagay sa araw-araw, gayunpaman, hindi Siya magkukulang sa paggantimpala sa atin. Lagi Siyang nasa tabi natin, para ingatan at samahan tayo sa misyong ito.

“Sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.” (Mateo 10:42).

Ang ebanghelistang si Mateo ay isang Kristiyanong manunulat na mataas ang pinag-aralan; lubos ang kanyang kaalaman sa mga pangako ng Diyos ng Israel, at para sa kanya, ang mga salita at pagkilos ni Hesus ang katuparan ng mga ito. Samakatuwid, sa kanyang Ebanghelyo, ipinakita niya ang turo ni Hesus sa limang dakilang talumpati, bilang ang bagong Moises.

Ang Kataga ng Buhay na ito ay nagtatapos sa ‘talumpating misyonero’ na nagsisimula sa pagpili sa labindalawang apostol at nagpapaliwanag kung ano ang kinakailangan sa kanilang pangangaral. Binanggit din ni Hesus ang mga hindi pagkakaunawaan at pag-uusig na kanilang makakaharap, na mangangailangan sa kanila ng kapani-paniwalang pagsaksi at radikal na pagdedesisyon.

Ngunit higit pa rito, inihayag ni Hesus na ang pagpapadala ng mga alagad ay nakaugat sa misyong tinanggap Niya mula sa Ama. Ito’y isang paniniwalang matatagpuan sa Lumang Tipan: Ang Diyos mismo ay naroon at aktibong nakikibahagi sa gawain ng Kanyang sinugo. Samakatuwid, sa pamamagitan ng pagsaksi ni Hesus at ng Kanyang mga isinugo, ang pagmamahal ng Diyos ang ibinubuhos sa bawat tao.

“Sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”

Bukod pa sa natatanging misyon ng mga apostol, guro at propeta, ipinahayag ni Hesus na ang bawat Kristiyano ay maaaring maging alagad Niya, at kasabay nito, isang tatanggap at tagapagdala ng misyong ito. Bilang mga alagad, tayong lahat, kahit na tayo’y ‘maliit’ at tila walang espesyal na katangian o titulo, ay makapagpapatotoo na ang Diyos ay malapít sa atin. Ang buong Kristiyanong komunidad ang isinusugo ng Ama sa sangkatauhan.

Nakatanggap tayo ng atensyon, pangangalaga, pagpapatawad at pagtitiwala mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawa ng ating mga kapatid. Lahat tayo’y maaaring magbigay sa iba upang maranasan nila ang paggiliw ng Ama, tulad ng ginawa ni Hesus sa Kanyang misyon. Ang ugat nito ay ang Ama na nagbibigay ng katiyakan, na ang itinuturing na ‘munting bagay’ ang magbabago sa mundo, kahit na ito’y isang baso lamang ng malamig na tubig.

Di mahalaga kung marami o kaunti ang maibibigay natin. Ang mahalaga’y kung paano tayo nagbibigay, kung gaano kalaki ang pagmamahal natin sa kahit isang munting gawa na nagpapakita ng kamalayan natin ng ibang tao. Minsan sapat na ang pagbigay sa kanila ng isang basong tubig, isang baso ng malamig na tubig … isang simpleng gawa na mahalaga sa mata ng Diyos kung ito’y ginawa sa ngalan Niya, sa ibang salita, nang dahil sa pag-ibig. … Ang Kataga ng Buhay sa buwang ito ay maaaring makatulong sa atin na matuklasan muli ang halaga ng lahat ng ating ginagawa: mula sa trabaho sa bahay o bukid hanggang sa pagharap sa mga gawain sa opisina at sa paaralan, at mga responsibilidad sa lipunan, pulitika at relihiyon. Ang lahat ay maaaring mabago at maging masigasig at mapagmalasakit na serbisyo. Ang pag-ibig ang magbibigay sa atin ng bagong mata upang makita at madama kung ano ang kailangan ng iba at makatagpo sila sa malikhain at bukas-palad na paraan. Ano ang magiging mga bunga nito? Ang mga kaloob ng Diyos sa bawat isa ay iikot dahil ang pagmamahal ng isa ay nag-uudyok sa iba na magmahal din. Mag-iibayo ang kagalakan dahil “higit na mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.” 12

“Sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”

Lubhang malaki ang hinihingi ni Hesus sa atin: huwag hadlangan ang pagdaloy ng pag-ibig ng Diyos. Nais Niyang buksan natin ang ating puso at magbigay ng konkretong serbisyo sa pakikipag-ugnayan natin sa bawat isa, na walang kinikilingan o hinuhusgahan.

Nais Niya ang ating aktibo, malikhain at responsableng pagtutulungan para sa ikabubuti ng lahat, simula sa mga munting bagay sa araw-araw, gayunpaman, hindi Siya magkukulang sa paggantimpala sa atin. Lagi Siyang nasa tabi natin, para ingatan at samahan tayo sa misyong ito.

‘… Iniwan ko ang trabaho ko sa Pilipinas at pumunta sa Australia para makasama ang pamilya ko … Nakahanap ako ng trabaho bilang tagapaglinis ng lugar kung saan nagtatayo ng isang bagong gusali. Linilinis ko ang mga silid-kainan, bihisan, opisina at ang karinderya na ginagamit ng mahigit limang daang manggagawa. Ibang-iba ito sa trabaho ko noon bilang isang inhinyero … Bilang pagmamahal sa iba, siniguro kong laging malinis at maayos ang mga silid-kainan. Gayunpaman, mayroong mga taong walang pakialam sa kalinisan … Hindi ako nawalan ng pasensya dahil naging isang pagkakataon ito para sa akin upang mahalin si Hesus sa bawat taong nakakasalamuha ko. Unti-unti, nagsimulang maglinis ang mga taong ito pagkatapos mananghalian at, sa paglipas ng panahon, kami’y naging magkaibigan, at nasimulan kong makuha ang kanilang tiwala at respeto … Nakita ko na ang pag-ibig ay “nakakahawa” at anumang bagay na ginagawa nang dahil sa pagmamahal ay nananatili.’ 3

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1Mga Gawa 20:35

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 2006

3 Sa patnugot ni S. Pellegrini, G. Salerno, M. Caporali, Famiglie in azione – Un mosaico di vita, Città Nuova 2022, pp. 55

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read